10-anyos na walang dengue, tinurukan ng nurse ng dengvaxia nang hindi inaalam ang medical records, n

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Ating napag-aralan ang kahalagahan ng umalohokan sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang mga umalohokan ang naatasang mag-ikot sa sinaunang mga barangay upang ipaalam ang mga importanteng balita, bagong batas, polisiya at iba pang makabuluhang impormasyon. Siya ay tao na may tungkuling ibalita sa madla ang anumang mahalagang pangyayari sa lipunan ng sinaunang Pilipinas.
Noong Setyembre 13, 2017, nagmistulang umalohokan ng makabagong panahon ang mga tauhan ng isang barangay sa Quezon City na nag-ikot upang ianunsiyo sa pamamagitan ng megaphone na sila ay magbibigay ng libreng bakuna laban sa dengue. Isa sa mga nakarinig sa kanila ay si Aling Liza M. Makilan.
Inasahan ni Aling Liza na maganda at mabuti ang magiging bunga ng narinig niyang balita, ngunit, sa kasamaang- palad ay pait at pighati ng pagpanaw ng minamahal na anak ang naaalala niya tuwing nagugunita ang narinig na anunsiyo sa megaphone.
Sina Aling Liza at Mang Ramil R. Pestilos, ang mga magulang ni Anjielica M. Pestilos, sampung taong gulang na pinakaunang nabakunahan ng Dengvaxia noong Disyembre, 2017. Bago namatay, nakaranas siya ng sintomas na kasama sa common pattern of 4 serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism & increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi declaration of 4 identified and expected risks in its submission for authorization sa Food and Drug Administration (FDA) (noong ika-22 ng Disyembre, 2015).
Sumailalim siya sa forensic examination ng PAO Forensic Team pagkatapos hilingin ng pamilya ang serbisyo nila para sa pumanaw na biktima. Binibigyan din sila ng kailangang serbisyo-legal ng aming tanggapan sa pangunguna ng inyong lingkod, bilang kaukulang aksiyon sa idinudulog nilang kahilingan.
Si Anjielica ay pumanaw noong Disyembre 5, 2017 sa isang ospital sa Quezon City. Ngunit ang araw ng kanyang kamatayan ay maling naitala sa death certificate sa petsang Disyembre 6, 2017. Noong Setyembre 13, 2017, dinala ni Aling Liza si Anjielica sa lugar sa kanilang barangay kung saan nagsasagawa ng libreng pagbakuna. Narito ang pagkakaalala ni Aling Liza na hango sa ibinigay niya at kanyang asawa na pinagsamang sinumpaang-salaysay ng pagrereklamo:
“Naganap sa labas ng kalsada, mga tatlong bahay lamang ang layo mula sa aming bahay at mga nurse ng barangay ang siyang nagbakuna sa mga bata sa aming lugar; Bago binakunahan si Anjielica, tinanong lamang ako ng nurse kung may ubo at sipon siya at noong sumagot akong wala ay sinimulan nang turukan siya ng bakunang anti-dengue.”
Kapansin-pansin na hindi itinanong kay Aling Liza ang buong medical history ni Anjielica, pagkatapos nitong malaman na walang ubo o sipon ang bata ay itinuloy na ang pagtuturok ng Dengvaxia. Dahil sa kawalan ng napaka-crucial na assessment na dapat sana ay naisagawa, hindi niya nalaman na seronegative si Anjielica o hindi pa nagkakaroon ng dengue kahit kailan. Hindi rin nito naipaliwanag kung ano ang maaaring epekto nito sa vaccinee sa kabila ng pagkakaroon ng Sanofi declaration ng apat na identified and expected risks na nabanggit sa itaas.
Dahil sa naturang mga obserbasyon hinggil sa kakulangan sa pagpapaliwanag, masasabi na sa kaso ni Anjielica, nangyari na naman ang pagbabakuna nang walang informed consent mula sa mga magulang ng vaccinee. Dagdag pa rito, walang isinagawang blood test o screening kay Anjielica. Maaaring ang nurse mismo ay hindi nabigyan ng full briefing ng mga nakatataas sa kanya kaya hindi rin siya nakapagbigay ng lubusang pagpapaliwanag, kaya kailangang-kailangan ang presensiya ng doktor sa mga ganitong sitwasyon.
Pagkalipas ng isang linggo matapos mabakunahan si Anjielica, siya ay nilagnat at suka nang suka. Bagama’t, mga ilang araw lamang ay gumaling na rin siya, napansin naman ng kanyang mga magulang na unti-unti na siyang humina sa pagkain at naging matamlay. Dahil dito, nagpasya ang mag-asawa na ipa-check-up na siya sa doktor at noon nila nalaman na may severe anemia na ang anak nila at mayroon pang Urinary Tract Infection (UTI).
Sa kabila ng mga gamot na inireseta ng doktor at ipinainom ng mag-asawa kay Anjielica, hindi nagbago ang kondisyon niya. Palagi siyang nilalagnat at suka pa rin nang suka. Nagrereklamo rin si Anjielica ng panghihina at hirap sa paghinga. Bukod pa rito, nagreklamo rin siya ng panghahapdi ng kanyang sikmura.
Noong Nobyembre 12, 2017, sinalubong ni Anjielica ang kanyang tatay pag-uwi galing sa trabaho at sinabing hindi na niya kaya ang hapdi ng kanyang sikmura kaya kinahapunan ng araw na iyon ay dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Quezon City para ipa-check-up.
Pagdating doon ay tiningnan siya ng doktor at kinuhanan ng dugo at ihi para ipalaboratoryo. Tatlong araw sila sa emergency room bago nailipat si Anjielica sa ward. Sa loob ng panahong iyon, ilang beses kinuhanan ng dugo at ihi si Anjielica para ipalaboratoryo. Patuloy din ang reklamo niya ng pananakit ng sikmura.
Paglipat ni Anjielica sa ward noong Nobyembre 15, 2017, napansin ng kanyang mga magulang na may mga rashes siya sa mukha, kamay at likod. Namaga na rin ang kanyang mukha at kamay at lumaki ang tiyan. Hindi na rin siya makaihi kaya pinakabitan na siya ng catheter at ipinarekord kina Aling Liza at Mang Ramil ang oras ng kanyang pag-ihi.
Panay ang painom ng gamot kay Anjielica kasama na ang antibiotic. Kinabitan na rin siya ng dextrose, ngunit, hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Sinabihan pa ng doktor ang mag-asawa na hindi tumatalab kay Anjielica ang kahit anong antibiotic na ibinibigay nila.
Makalipas ang humigit-kumulang na dalawang linggo, pinayuhan ang mag-asawa na ipa-dialysis si Anjielica. Sinunod nila ang payo ng doktor, ngunit hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Pagkatapos mag-dialysis, inilipat si Anjielica sa pediatric intensive care unit (PICU) sa isang ospital sa Quezon City. Pinayuhan din sila ng doktor na kumuha ng tatlong bags ng dugo dahil kailangang salinan si Anjielica. Sa request form na ibinigay ng nurse, ang nakalagay ay tatlong bags ng platelet. Ibinigay ng mag-asawa ang request form sa blood bank ng ospital na pinagdalhan kay Anjielica, ngunit wala silang stock ng blood type ng bata na AB+. Sinabi ito ng mag-asawa sa nurse on duty, ngunit wala na siyang ipinayo pa.
Noong nasa PICU si Anjielica, sinimulan na siyang i-ambubag dahil sinabi ng doktor na hindi na kaya ng makina na bigyan siya ng hangin. Pawala-wala na rin ang kanyang pulso base sa monitor na nakakabit sa kanya. Noong Disyembre 5, 2017, pumanaw si Anjielica habang nasa PICU bago sumapit ang alas-12:00 ng hatinggabi.
Puno ng emosyon na nasabi ng mag-asawa ang sumusunod: “Napakasakit sa amin ang biglaang pagpanaw ni Anjielica. Malusog at malakas na bata si Anjielica bago siya mabakunahan at hindi pa siya nagkakaroon ng dengue kaya hindi kami makapaniwala na bigla na lamang siyang nagkasakit at namatay. Patuloy kaming nababagabag sa biglaan niyang pagpanaw. May mga araw din na hindi kami makatulog dahil naaalala namin siya at ang kanyang sinapit.”
Sa pagnanais nilang magkaroon ng kaliwanagan sa pagkamatay ng anak, lumapit sina Aling Liza at Mang Ramil sa ABS-CBN at sa aming tanggapan. Anila: “Hindi kami makapaniwala sa biglaang pagpanaw ni Anjielica ilang buwan lamang matapos mabakunahan ng anti-dengue vaccine kaya lumapit kami sa ABS-CBN, sa tulong ng kaibigan, para maimbestigahan ang kanyang pagpanaw. Lumapit din kami sa Public Attorney’s Office para ipasuri ang katawan ni Anjielica at malaman ang tunay na ikinamatay niya.”
Sadyang napakahalaga ng pagbibigay ng klaro at kumpletong paliwanag sa mga bagay-bagay, lalo na kung buhay, kalusugan at kaligtasan ng tao ang nakasalalay. Napakahalaga rin ng implementasyon ng protocol, lalo na sa mga sensitibong produkto tulad ng Dengvaxia na noon ay nasa Clinical Trial Phase III. Kung wala sanang naganap na matitinding kakulangan sa mga aspetong ito sa pagbabakuna ng Dengvaxia, marahil ay buhay pa si Anjielica at mga katulad niyang yumao nang biktima. Hindi rin sana binabagabag ang kanilang mga mahal sa buhay ng kanilang mga pagpaparamdam.
Ang mga magulang ng munting anghel na si Anjielica na sina Mang Ramil at Aling Liza ay kabilang sa mga nangunguna sa matapang at may paninindigang laban sa Dengvaxia cases. Ito ay sinasabayan ng aming tanggapan ng kaparehong tapang at paninindigan.
(Itutuloy)





Comments