top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Nakaka-traumang Dengvaxia vaccine, para maiwasan na... Pagtuturok ng mga bakuna sa kabataan, doktor

  • Daing Mula sa Hukay
  • Oct 18, 2019
  • 3 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Ang mga magulang ay karaniwang may magagandang alaala sa mga health center at eskuwelahan na may kaugnayan sa pagpapalaki sa kanilang mga anak.

Mga bagay na may kaugnayan sa kalusugan, pisikal na kagalingan at kaunlaran ang hindi matatawarang kontribusyon ng health centers sa kabataan. Ang malaking ambag ng mga eskuwelahan sa pormal na edukasyon ay kinikilala at binibigyan ng halaga.

Gayunman, base sa mga kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia vaccine, naganap ang pagtuturok sa mga health centers at eskuwelahan o ang pagbabakuna ay isinagawa ng mga taong konektado sa nabanggit na mga institusyon.

Alam nating lahat ang naging karugtong na yugto ng pagbabakunang ito na nagdulot ng mapapait na pangyayari sa buhay ng kanilang mga anak. Dahil dito, may mga magulang na nagkaroon ng malulungkot at masasakit na mga gunita sa nasabing health centers at eskuwelahan.

Sa kabila ng pangyayaring ito, bagama’t, naiintindihan natin ang nararamdaman ng mga magulang, naniniwala ang PAO na nararapat managot ang mga awtoridad at personalidad (sa gobyerno at pribadong mga institusyon) na gumawa ng produkto, namahagi ng bakuna at nagbigay ng “go- signal” sa pagtuturok sa mga inosenteng biktima. Isinagawa nila ang lahat ng ito sa kabila ng Sanofi Declaration ng apat na identified and expected risks (allergic/anaphylactic reaction, viscerotropism and neurotropism, increase in severity of dengue disease from the start of vaccination and waning protection against dengue disease over time) sa submission for authorization sa Food and Drug Administration (FDA) noong ika-22 ng Disyembre 2015.

Kabilang sa mga biktima ay mula sa pamilya ng Sibayan, Miranda, Barbacena at Lirazan. Hiniling nila sa PAO ang libreng serbisyo-legal at forensic services na atin namang tinugunan.

Ang kaso ng kanilang mga anak na sina Ronald Sibayan, Baron Rock Jason Miranda, Ashley Nicole Barbacena at Emmanuel Lirazan na pawang naturukan ng Dengvaxia at namatay ang ating isinampa sa Department of Justice-National Prosecution Service (DOJ-NPS) noong Oktubre 15, 2019. Narito ang ilang mahahalagang impormasyon sa nasabing yumaong Dengvaxia vaccinees:

Sa kabilang banda, nag-file rin ng counter-affidavits sa DOJ-NPS noong Oktubre 15, 2019 ang respondents sa ikaapat na batch ng Dengvaxia cases na sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, dating DOH Secretary at incumbent Iloilo Representative Janette Garin at iba pang mga respondent mula sa DOH, Sanofi, Zuellig, RITM (Research Institute for Tropical Medicine), FDA at PCMC (Philippine Children’s Medical Center).

Gayunman, nakapag-file na ang PAO ng 49 criminal cases sa DOJ-NPS kung saan ang 48 rito ay para sa mga yumaong Dengvaxia vaccinees at ang isa ay para sa survivor-Dengvaxia vaccinee.

Sa civil cases naman, 42 na ang naisasampa sa iba’t ibang branches ng korte sa Quezon City.

Kasabay ng hinahangad at pinagsisikapan nating makamit ang hustisya para sa naturang mga kaso ay ang pagnanais na may maiwang mahahalagang leksiyon ang mga kaganapan hinggil sa Dengvaxia vaccine. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng mahigpit na pagpapatupad ng guidelines sa mga bagay na may kaugnaan sa kalusugan at buhay ng kabataan.

Sa mga bagay na ito, kailangan ang mga institusyong nabanggit ay pangunahan ng mga doktor sa mga sensitibong programa tulad ng pagtuturok ng prescription product gaya ng Dengvaxia vaccine. Karapat-dapat bigyan ng proteksiyon ang mga vaccinee dahil may buhay silang dapat ingatan, gayundin ang mga health centers at eskuwelahan dahil may reputasyon sila bilang mga institusyon na hindi dapat madungisan.

Abangan natin ang mga susunod na pangyayari sa likod ng pagsasampa ng kaso sa pamamagitan ng ina na si Gng. Girlie Estandarte para sa hustisya ng kanyang menor-de-edad na anak na nabulag pagkatapos ng mapait na pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page