Balik-serye pero… Juday, bida noon, kontrabida na ngayon
- Melba Llanera
- Oct 4, 2019
- 1 min read

Sa presscon ng Starla, agad na tinanong si Judy Ann Santos kung may update na ba ang inaabangang balik-tambalan nila ni Piolo Pascual.
Nagpakatotoo namang sumagot ang Kapamilya actress na wala pa siyang offer ngayon, ‘di gaya dati na may nag-alok talaga sa kanya pero may mga ‘di sila napagkasunduan ng producer at una na rito ang istorya.
Naniniwala si Juday na mas kritikal at mas nakaka-pressure ito sa kanila ni Piolo dahil habang tumatagal ay mas dapat silang makahanap ng istorya na kaabang-abang talaga.
Ngayong aktibo na rin muli sa showbiz si Claudine Barretto, bukas naman si Juday na magkasama sila sa isang proyekto ng kapwa aktres.
Ang dalawa ang pinagsasabong noon ng mga fans nila bilang pinakasikat na kabataang aktres ng kanilang henerasyon at ngayong nag-mature na sina Juday at Claudine, nabaon na sa limot ang kompetisyon sa pagitan ng dalawa na ginawa noon ng mga tagahanga nila.
Sa kauna-unahang pagkakataon, gaganap si Juday na kontrabida sa Starla. Bago man ito sa aktres ay patunay lamang ito na ‘di na siya nakatali sa mga wholesome at goody goody roles kung saan siya nakilala.





Comments