top of page

Amoebiasis, galing sa maruming tubig o pagkain ng mga street food

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Oct 2, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Nagkaroon ng amoebiasis ang anak ko at ang sabi sa amin ng doktor ay posibleng nakuha niya ito sa maruming pagkain o tubig. Grabe ang pagtatae niya na may kasama pang dugo. Iniinda rin niya ang sobrang pagsakit ng kanyang tiyan. Paano ba ito maiiwasan? — Divine

Sagot Ang amoebiasis o entamoebiasis ay impeksiyon na nakaaapekto sa bituka o intestinal tract. Ito ay dulot ng amoeba o mikrobyo na kasama sa grupong entamoeba na maaaring magdulot ng iba’t ibang sintomas tulad ng dyspepsia at diarrhea o loose bowel movement (LBM). Ang pangkaraniwang impeksiyon ng malubhang sintomas ng amoebiasis ay dulot ng entamoeba histolytica.

Anu-ano ang mga sintomas ng amoebiasis?

Dahil ito ay dulot ng impeksiyon sa bituka, karamihan sa mga sintomas nito ay nararamdaman sa intestinal tract ng pasyente. Bagama’t, laganap ang amoebiasis, ang pangkaraniwang kaso nito ay asymptomatic o hindi nagdudulot ng anumang sintomas.

Gayunman, huwag kalimutang ito rin ay posibleng magdulot ng malubhang karamdaman o kamatayan, lalo na kapag lumubha ang impeksiyon.

Ang mga sumusunod na sintomas ay maaaring palatandaan na kailangang bigyang-pansin ang kondisyon:

  • Dyspepsia. Ito ay pananakit ng tiyan, masamang pakiramdam pagkatapos kumain, pagkahilo, heartburn, paglaki ng tiyan at iba pa.

  • Diarrhea o LBM

  • Amoebic dysentery. Pagtatae na may kasamang dugo, pananakit ng tiyan at lagnat.

Paano maiiwasan ang amoebiasis? Wastong pag-iingat, kalinisan sa paligid at pagiging mausisa sa kinakain o iniinom ang mga dapat tandaan upang maiwasan ang amoebiasis. Hangga’t maaari, kumain lamang ng lutong-bahay at uminom ng distilled o purified water. Ugaliin ding hugasan nang husto ang mga gulay, prutas, karne at iba pa bago lutuin o kainin. Iwasan din ang pagkonsumo ng yelo, pag-inom sa drinking fountain at pagkain ng street food o pagkain na nakikita sa mga lansangan tulad ng isaw, dugo at iba pa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page