Tinablan sa hirit na nandaya lang daw… Contestant sa TNT, na-depressed, nag-backout sa grand finals

Ronalyn Seminiano / Showbiz Trends

Nag-back-out ang isang contestant ng Tawag ng Tanghalan na si Mariko Ledesma matapos tumanggap ng sandamakmak na kritisismo sa mga fans ng nasabing segment ng It’s Showtime na inianunsiyo ng comedian-host na si Vice Ganda noong Sept. 21.
Pasok sa grand finals competition si Mariko at lalaban dapat sa susunod na linggo, pero dahil naging kontrobersiyal ang pagkapanalo niya sa TNT, ito ay nagdulot daw sa kanya ng matinding depresyon dahil sa masasakit na salitang natanggap mula sa mga bashers.
Ayon sa Facebook post ni Mariko, “Hindi ko po alam pa’no ko ito uumpisahan. Pero una sa lahat, nagpapasalamat ako sa mga taong nagtiwala, nagmahal at nagbigay sa akin ng suporta. Hindi madali sa akin ang pag-quit ko sa TNT pero mas mahihirapan po ako kung ipagpapatuloy ko pa ang laban kung ako ay nagsa-suffer sa depression,” aniya.
Ayon kasi sa ilang madlang pipol, mas deserve raw ng resbaker na si Mariane Osabel — contestant na tinalo ni Mariko last week — ang manalo. Inisip ng maraming viewers at audience na may nangyaring dayaan sa kompetisyon dahil sobrang baba ng score (16.5%) ni Mariane samantalang 50% score naman ang nakamit ni Mariko na ibinigay ng mga huradong pinangunahan ni Hurado Louie Ocampo.
Sinabi rin ni Mariko na napakaraming nang-bash sa kanya dahil dito.
“After po ng laban ko kay Mariane ay samu’t saring pambabatikos po ang inabot ko at masyadong personal po ang pamba-bash na inabot ko. Mula PM, DM at dumating pa sa point na may text pa.”
Dagdag pa ni Mariko, “Sana po ay itigil ninyo na po ang pamba-bash kasi tao po kami, nasasaktan at hindi ninyo po alam kung anong epekto nito sa taong bina-bash ninyo. Nawa’y maging malawak po sana ang isip nating lahat na sa isang kompetisyon, may mananalo at may matatalo. Sana, patuloy ninyo pa ring suportahan ang mga grand finalists ng TNT dahil po sila ay deserve sa kinalalagyan nila.
“Salamat po sa Showtime sa buong puso nilang pagtanggap sa aking desisyon. Tatanawin ko pong malaking utang na loob ito. God bless us all.”
At tinapos niya ang post sa “Ako po si Mariko... Tao po ako...”
Dahil sa pag-back-out ni Mariko, maraming netizens at fans ang nakisimpatya sa kanya kung saan sinabi ng ilan na naiintindihan nila ang desisyon ni Mariko dahil hindi madaling dalhin ang depresyon, pero may ilang nagsasabing dapat ay nagpakatatag pa ito dahil sayang ang oportunidad na malapit na nitong makamit ang tagumpay.
Samantala, niresbakan naman ni Hurado K Brosas ang mga nagsabing may dayaang naganap at tinawag pang “cooking show” ang Tawag ng Tanghalan.
Ani K, “Daming hanash ‘pag mataas ang TEXT VOTES.. Chika pa kayo na dapat mas mataas ang percent ng hurados scores..
“PERO hanash pa rin ‘pag natalo dahil mas mataas ang hurados scores kesa text votes? Eh, ganu’n po talaga.. At tandaan, maraming sikat ngayon na ‘di naman nag-grand winner. Peace! (smile and peace emoji)”





Comments