Walwalan on duty ng mga pulis, panira sa PNP!


WALWALAN! Apat na pulis-Las Piñas ang nahuli sa aktong tumotoma habang naka-duty.
Huling-huli ng mga tauhan ng PNP-Internal Affairs Service ang nagaganap na tagayan pati ang mga ebidensiya — dalawang long neck ng isang brand ng alak na ang isa ay sarado pa at ang isa ay halos paubos na, may kanin at sabaw pa!
Kinilala ng PNP-IAS ang apat na sina Patrolman Samuel Inoc, Police Corporal Alquin Orgen, Police Corporal Randy Danao at Police Corporal Robemar Abales, pawang mga nakadestino sa Las Piñas Police Station 6.
Naaktuhan ang inuman ng mga nakaunipormeng pulis nang ala-1:35 ng madaling-araw kahapon habang nasa pinuwestuhang chokepoint sa Zapote Road.
Habang busy ang gobyerno sa pagtutuwid ng mga kalokohan sa ilang ahensiya, painum-inom lang ang mga pulis na ito!
Hindi na sila nahiya sa mga kabaro nilang nagsisikap na maitaguyod ang kapulisan tulad na lang ng ibang gumagawa ng iba pang paraan para makapaglingkod sa bayan tulad ni Police Executive Master Sergeant Cesar Pinuela, na hindi lang baril ang bitbit kundi maging Bibliya at iba pang mga libro para sa storytelling session sa mga batang Aeta at mga magulang nila sa Iloilo City.
‘Ika nga, ‘yung mga bulok na kamatis ay dapat lang na maihiwalay agad nang hindi na makapanghawa pa!





Comments