Karumal-dumal na krimen, magpakabait lang pala, laya na!


KASABAY ng kontrobersiya sa nabulgar na maagang pagpapalaya sa dating mayor na rapist at murderer, kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na napalaya na ang halos 2,000 convicted din sa mga karumal-dumal na krimen.
Kabilang sa kanila ang 797 napan sa kasong pagpatay, 758 sa rape, 274 sa pagnanakaw, 48 sa kasong may kinalaman sa iligal na droga, 29 sa parricide, lima sa kidnapping with illegal detention at tatlo sa arson.
Sila ay pinalaya alinsunod sa Republic Act No. 10592 na nagdagdag ng good conduct time allowance (GCTA) o araw na maaaring ibawas sa prison term ng preso na nagpakita ng magandang ugali. Sa madaling salita, sila raw ay nagpakabait kaya pinalaya.
Ganu’n lang ‘yun? Matapos magnakaw, manggahasa at pumatay, puwede palang lumaya nang walang malinaw na basehan at lahat ba sila ay eligible sa nasabing batas?
Ibinase ba talaga sa factual determination at arithmetical computation ang kanilang paglaya? Nasaan ang transparency sa implementasyon ng batas?
Tama lang na ipinatigil at pag-aralan muna ang pagpapatupad ng GCTA Law. Kailangang ilatag ang malinaw at makatarungang guidelines hindi lang para sa mga pamilya ng nabiktima kundi para sa lahat.
Ngayon, kung mapatunayang may mali sa implementasyon, dapat aminin at itama. Huwag nang magturuan, kung may isyu ng katiwalian, managot ang dapat managot!





Comments