Nang-rape at pumatay, basta nagpakabait, laya na!


”KAPAG nagpakabait ka, laya ka!”
Alinsunod sa Republic Act 10592, may pabuyang ibinibigay sa mga preso na nagpakita ng magandang ugali.
Ito ay sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na dagdag-panahon na ibinabawas sa sentensiya ng convict.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), mahigit 10,000 inmates ang makalalaya sa susunod na dalawang buwan dahil sa pabuyang ito.
Kabilang umano ang dating alkalde na convicted sa kasong rape at pagpatay sa dalawang estudyante ng University of the Philippines sa Los Baños, Laguna.
Nilinaw ng ahensiya na ang nasabing batas ay para sa high profile at ordinaryong preso.
Ibig sabihin, lahat ng nakakulong ay makikinabang sa recomputation basta nagpamalas ng magandang pagbabago.
Para sa mga preso at kanilang pamilya na sumisigaw ng hustisya sa maling hatol, napakalaking bagay nito, ganundin sa mga may sakit o inabot na ng katandaan sa selda.
Gayunman, kung may mga magsasaya ngayong kapaskuhan, tiyak meron ding magdadalamhati at muling sisigaw ng katarungan.
Sapat ba ang pagpapakabait para mabayaran ang ginawan ng kasalanan?





Comments