top of page
SPECIAL - SAM, UMAMING NAWALA ANG TIWALA AT RESPETO SA KANILA NI RHIAN KAYA NAGHIWALAY-FB

Paglabo ng mga mata ng diabetic, pagkabulag ang kasunod

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 18, 2019
  • 2 min read

Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Halos 10 taon na mula nang maging diabetic ako, pero may maintenance ako para rito. Ang problema, napansin kong tila lumalabo ang aking paningin. Sinabi ko ito sa anak ko at sinabi niyang ipa-check ko raw ang mga mata ko sa ophthalmologist dahil baka raw may diabetic retinopathy ako. Ano ba ang sakit na ito at paano gagamutin kung ako ay diabetic? — Alicia

Sagot

Ang diabetic retinopathy ay kumplikasyon ng diabetes na nakaaapekto sa mga mata. Ito ay ang pagkasira ng mga ugat sa mata na sensitibo sa liwanag at responsable sa ating paningin. Ito ay karaniwang nakabubulag kapag hindi naagapan. Ito ay manipestasyon ng diabetes na nakaaapekto nang 80% sa lahat ng mga pasyenteng may 10 taon at higit pa na may diabetes. Kung gaano katagal na may diabetes ang tao, mas mataas din ang kanyang tsansang magka-diabetic retinopathy.

Ano ang sanhi nito?

Ang sobrang asukal sa dugo ay nakasisira sa maliit na ugat na nagbibigay-nutrisyon sa retina at maaari nitong tabunan ang retina nang bumubuo. Sa pagdami ng mga ugat na natatabunan, ang retina ay nababawasan ng supply ng dugo at ito ay maaaring magresulta sa pagkawala ng paningin.

Bilang reaksiyon sa pagkawala ng nagtu­tustos ng dugo sa mga mata, ang mga mata ay sinusubukang magpatubo ng mga bagong ugat na daluyan ng dugo, pero ang mga ugat na ito ay hindi tumutubo nang wasto at madaling tumagas.

Ang pagtagas na ito ay maaaring maging sanhi ng pagkabulag. Nagkakaroon ng peklat ang mga mata na maaaring hilahin ang retina at dahil dito, tuluyang natatanggal ang retina. Ang pagtaas ng asukal ay nakaaapekto rin sa lenses ng mga mata. Sa haba ng panahon na mataas ang lebel ng asukal sa dugo, namamaga ang lenses at nagdudulot ng panlalabo ng paningin.

Ano ang lunas para rito?

Ang lunas ay nakadepende sa klase ng diabetic retinopathy. Sa early diabetic retinopathy, maaaring hindi muna kailangan ng gamutan, pero siguradong imo-monitor ng doktor ang mga mata upang matukoy kung kakailanganin ng pasyente ang gamot.

Para naman sa advanced diabetic retinopathy, kakailanganin ng agarang operasyon at ang mga pagpipilian ay ang focal laser treatment, scatter laser treatment at virectomy. Maaaring mapigilan ang pagtutuluy-tuloy ng diabetic retinopathy sa pamamagitan ng operasyon, pero dahil ang diabetes ay panghabambuhay na kondisyon, posible pa ring mawalan ng paningin balang-araw kaya kahit tapos na ang operasyon, kakailanganin pa rin ng regular na eksaminas­yon sa mga mata.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page