After maranasan ang sobrang hirap sa training… SIGAW NI NASH: MGA SUNDALO ANG DAPAT INIIDOLO, '
- Vinia Vivar
- Aug 16, 2019
- 2 min read

ISA rin si Nash Aguas sa mga kasamahan ni Gerald Anderson na sumailalim sa tatlong araw na Scout Rangers training para maging reservist ng Philippine Army.
Sa mahabang Instagram post ni Nash ay ibinahagi niya ang hirap na pinagdaanan sa training to the point na gusto na raw niyang mag-quit sa unang gabi pa lamang.
“MAHIRAP is an understatement to describe the training both physically and mentally,” bungad ni Nash sa kanyang post.
“Physically mahirap dahil sa mga physical training tulad ng mag-rappel ka sa 40ft tower, mag-marcha ka sa bundok ng may 15kg na bag plus rifle, patrolling (simulation ng engkuwentro sa kalaban), etc.. Ang pinakapahinga mo ‘yung mase-mase (military exercise) at tusok ulo,” paglalarawan ng young actor sa mga hirap na dinaanan.
Naawa kami kay Nash sa kuwento niyang nilagnat pa raw siya at nu’ng nahulog ang pagkain niya sa putik ay ipinakain pa sa kanya.
“Mentally mahirap dahil suwerte ka na ‘pag may dalawang oras na tulog ka, matutulog ka sa putik habang umuulan, paparusahan ka kahit wala kang kasalanan, nu’ng nilagnat ako ang sagot, mase-mase, kumakain kami ng sampung bilang ng nakadapa, tapos nu’ng nahulog ‘yung pagkain ko sa putik, ipinakain sa ‘kin ‘yun.”
Kaya sa sobrang hirap ay naisip na raw niyang mag-quit.
“FIRST NIGHT magku-quit na talaga ako to the point na tumakas ako para makatulog sa may bubong at makatawag sa bahay namin na sunduin na nila ako. Sa isip ko, ‘Bakit ba ako nag-volunteer?’ Hindi naman ako masel-masel para kayanin lahat ng matitinding physical activities. Kapag itinuloy ko, papatayin ko lang sarili ko.”
Pero napaliwanagan daw siya ng kanilang sarhento at ipina-realize sa kanya na ito ang normal na buhay ng mga sundalo.
“‘Pag ikaw, nasa giyera, limited pagkain mo, nalaglag ‘yung sa ‘yo, aarte ka at magpapakagutom? ‘Pag pinutukan ka ng kalaban, kailangan mo dumapa, eh, ang natapat sa ‘yo, tae ng kalabaw, magpapabaril ka kasi kadiri?
“Kaya lagi nila sinasabi sa ‘kin, ‘Positive thinking’ lagi. Seeing the good in every shitty situation you are in (minsan literal).
“Ang main point ng training is tatanggalin nila lahat ng civilian ways mo, pride, kaartehan, ego, etc. tapos ibi-build ka nila to be a better person.
“Dahil du’n at dahil na rin sa mga nakakuwentuhan kong sundalo na kasama namin sa klase na nagkuwento ng kani-kanilang buhay, KINAYA ko,” saad pa ni Nash.
Nakaya naman niya ang napakahirap na training at na-realize na ang mga sundalo raw talaga ang dapat na iniidolo ng mga tao at hindi silang mga artista.
“Wala pa po sa kalingkingan ang ginawa namin pero napakalaki po ng naging epekto nito sa buhay namin. Habang buhay ko po babaunin lahat ng aral na itinuro sa ‘min ng ating mga sundalo.
“Hindi po kaming mga artista ang dapat may fans, hindi po kami dapat iniidolo, kayo pong mga sundalo ang tunay na idol dahil sa panahon ngayon, tayo mismong mga Pilipino, nag-aaway-away, naghihilahan pababa, kayong mga sundalo ang may nag-aalab na pagmamahal sa mga Pilipino at sa ating bansa. Saludo po kami sa inyo,” pagtatapos ni Nash.
Well, in fairness, minsan pa ay napahanga kami ni Nash dahil sa post niyang ito.





Comments