Imbes na pagaanin ay nakadagdag pa ng bigat sa kanilang nararamdaman... MGA AKUSASYONG IBINIBINTANG
- BULGAR

- May 31, 2019
- 6 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

KAPAG may matinding pinagdaraanan ang ating kapwa, alam natin sa ating puso na ang nararapat nating gawin ay ang pagaanin ang kanyang pasanin. Kung wala tayo sa sitwasyon na makatulong, iwasan nating makadagdag sa bigat na kanyang binabalikat. Simple lamang ito, kailangan lamang ay bukas ang ating puso sa hinaing ng ating kapwa.
Ang bukas-pusong pagmamalasakit na ito ay ipinagkait ng ilang mga tao sa yumaong si Erica Montales at sa kanyang mga magulang na sina Dennis Montales at Arnie Macapagal. Noong Abril 20, 2019, sa isang ospital sa Pampanga, sa halip na pang-unawa ang ibinigay ng doktor doon, ito ay nakapagbitiw pa ng mga salita na nakadagdag sa pasanin ng mag-asawang Dennis at Arnie. Pagdating nila sa ospital, ayon sa ibinigay nilang salaysay:
“Sinabi namin na naturukan ng Dengvaxia ang aming anak, subalit, sinabi lang ng doktor na walang kaugnayan ‘yun sa kondisyon ng aming anak. Sinabihan pa kami na baka nagdodroga ang aming anak. Kaya ipa-drug test daw namin o kaya ay dapat dalhin siya sa mental hospital. Kami ay labis na nagulat sa sinabi ng doktor dahil hindi naman nagdodroga ang aming anak. Normal siyang bata at maayos namin siyang nakakausap. Nagwawala noon ang aming anak at siya ay tinurukan ng pampakalma, subalit, nanginig ang aming anak.” (Binigyang-diin at sinalungguhitan)
Walang masama sa pagpapa-drug test at pagpapasailalim sa rehabilitasyon para sa mga nabiktima ng illegal drugs. Wala ring masama sa pagpapadala sa mental health center upang masuri ang mga nakaaapekto sa isip at damdamin ng tao. Sa kabila ng lahat ng ito, dapat ay maging maingat ang propesyunal, lalo na kung siya ay manggagamot sa paglalatag ng kanyang mga paliwanag, suhestiyon at intensiyon upang maiwasan ang negatibong epekto sa sinasabihan niya nito. Lalo ring hindi makatutulong ang kanyang mga sinasabi kung hindi talaga kailangan ang mga nabanggit na mungkahi, sa halip, sadyang inililihis niya ang isyu at ikinukubli ang totoong sitwasyon sa mga taong kausap niya.

Si Erica Montales, labing-anim (16) na taong gulang na pinatungkulan ng naturang mga pagdududa ng nasabing doktor ay pumanaw noong Abril 24, 2019 sa isang ospital sa Pampanga. Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan nang tatlong (3) beses. Una, noong Abril 8, 2016; pangalawa, noong Oktubre 10, 2016 at pangatlo, noong Hunyo 19, 2017. Siya ang pang-isandaan at tatlumpu’t tatlo (133) sa mga naturukan ng Dengvaxia, nakaranas ng sintomas, common pattern of serious adverse effects na consistent sa Sanofi declaration sa Food and Drug Administration (FDA) noong Disyembre 22, 2015 at namatay na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, pagkatapos hilingin ang serbisyo ng grupo ng mga pamilya ng yumao. Maliban pa rito, binibigyan sila ng libreng serbisyo-legal ng aming tanggapan sa pangunguna ng inyong lingkod, bilang tugon din sa kanilang kahilingan.
Noong ikatlong linggo ng Marso 2019, nagkalagnat si Erica. Nagreklamo rin siya noon ng pananakit ng tiyan at ulo. Noon ay dumurumi rin siya. Dahil dito ay dinala siya ng kanyang mga magulang sa ospital sa Pampanga. Roon ay sinuri ang dumi at dugo ni Erica, subalit, hindi nalaman ng kanyang mga magulang ang resulta ng nasabing pagsusuri. Matapos resetahan ng antibiotics si Erica ay agad din silang umuwi. Bumuti naman ang kanyang pakiramdam matapos niyang inumin ang iniresetang antibiotics. Noong Abril 19, 2019, muling nilagnat si Erica. Nagreklamo ulit siya ng pananakit ng ulo at tiyan at muli siyang nagsuka ng malapot na kulay berde. Dahil hindi bumuti ang kanyang pakiramdam ay muli siyang dinala ng kanyang mga magulang sa ospital, tanghali ng Abril 20, 2019. Pagdating ng gabi, ini-refer ng nasabing ospital sa mas malaking ospital si Erica dahil hindi maganda noon ang kanyang kalagayan at sa ospital na ito naganap noong gabing ‘yun ang hindi kaaya-ayang karanasan ni Erica sa doktor doon.
Ang pangyayaring ‘yun ay tila nagbadya ng papalalang sitwasyon ni Erica sa sumunod na mga araw hanggang sa siya ay pumanaw. Narito ang bahagi ng salaysay ng kanyang mga magulang hinggil dito:
“Noong ika-21 ng Abril 2019, mga ala-una (1:00) ng madaling araw ay sinabihan kami ng doktor na under observation ang aming anak. Siya ay itinali noon dahil siya ay nagwawala pa rin. Pagsapit ng alas-singko (5:00) ng umaga ay sinabihan kami ng doktor na kailangang ilipat sa ICU ang aming anak, subalit, hindi kami nakalipat. Inaapoy ng lagnat ang aming anak noon. Mga alas-siyete (7:00) ng umaga nang nagsisigaw at nagwawala noon ang aming anak. Idinaraing niya ang labis na pananakit ng kanyang ulo. Wala ring bisa noon ang pain reliever na ibinibigay sa kanya ng doktor. Hindi bumuti ang kalagayan ng aming anak at hindi pa rin naging normal ang kanyang blood pressure. Siya ay humihingi rin ng yelo at malamig na tubig dahil mainit ang kanyang pakiramdam.”
“Noong ika-22 ng Abril 2019 ay hindi na nakatutulog ang aming anak. Mataas pa rin ang kanyang lagnat. Umuurong din ang dila ng aming anak at ito ay kanyang hinihila. Biyak-biyak na rin ang mga labi ng aming anak. Noon ay sigaw nang sigaw ang aming anak dahil sa sakit ng kanyang ulo. Palagi rin siyang humihingi ng tubig at hinang-hina ang aming anak. Tinatanong pa kami ng aming anak kung anong nangyayari sa kanya dahil wala siyang lakas kahit gustuhin man niyang magsalita at gumalaw nang normal.”
“Noong ika-23 ng Abril 2019 ay mas lalong humina ang aming anak. Mas tumaas ang kanyang lagnat, masakit ang kanyang ulo at hindi na niya maigalaw ang kanyang katawan. Sinabihan kami ng doktor na kailangang i-bone marrow test ang aming anak para malaman ang kanyang sakit, pero hindi naman ginawa ng doktor. Lantang-gulay na noon ang aming anak. Hindi na rin siya maayos na makapagsalita. Tumitirik na rin ang mga mata ng aming anak. Noon ay hindi pa rin kami sinasabihan ng doktor kung ano ang sakit ng aming anak. Pagsapit ng alas-sais (6:00) ng gabi ay hindi na makahinga ang aming anak. Siya ay in-intubate at dinala sa ICU. Sabi ng mga doktor, kumalat na ang infection sa katawan ng aming anak at umakyat na sa kanyang ulo. Noon ay sinabihan kami na may nakitang butas sa baga ng aming anak base sa resulta ng x-ray na isinagawa sa kanya noong araw ding ‘yun. Hindi na bumuti ang kalagayan ng aming anak noon. Pagsapit ng alas-onse (11:00) ng umaga ng ika-24 ng Abril 2019 ay nag-agaw-buhay na ang aming anak at tuluyan na siyang pumanaw, mga alas-onse y media (11:30) ng umaga.”
Sa ospital kung saan namatay si Erica, ninais ng mga doktor na isailalim sa autopsy ang kanyang mga labi. Ito ay tinutulan ng mga magulang ng yumao, bunsod ng matitinding dahilan. Anila: “Gusto ng mga doktor na i-autopsy ang aming anak sa nasabing ospital. Hindi kami pumayag sa takot na pagtakpan nila ang tunay na rason ng pagkamatay ng aming anak. Hindi nga nila nasabi sa amin ang sakit ng aming anak sa kabila ng ilang araw naming pamamalagi sa ospital. Bukod pa ru’n ay hindi nila pinansin ang sinabi naming naturukan ng Dengvaxia ang aming anak at noong namatay na lamang ang aming anak na nakita naming nataranta ang doktor nang muli naming sabihin sa kanila na naturukan siya ng Dengvaxia.” (Binigyang-diin at sinalungguhitan)
Hindi sa ospital natapos ang pangungumbinsi sa mag-asawang Dennis at Arnie tungkol sa mga labi ni Erica. Narito ang bahagi ng pahayag nila hinggil dito:
“Habang nakaburol ang aming anak ay pinuntahan kami sa bahay ng mga taga-DOH at iminungkahi sa amin ang pagbibigay ng halagang limampung libong piso (Php50,000). Kinuhanan pa nga nila ng litrato noon ang Dengvaxia card ng aming anak at ang kanyang nakahimlay na mga labi. Sinabihan pa kami na huwag nang ipa-autopsy ang aming anak. Hindi namin tinanggap ang nasabing halaga dahil pursigido kaming magpa-autopsy sa PAO upang malaman namin ang tunay na sakit at sanhi ng pagkamatay ng aming anak.” (Binigyang-diin at sinalungguhitan)
Ang ganitong marubdob na pagmamahal sa pumanaw na mga anak at paninindigan sa prinsipyo at katwiran ang nagbibigay ng inspirasyon sa PAO na magpatuloy sa laban para sa mga biktima ng Dengvaxia. Ang nabanggit na mga eksena sa ospital at burol ng mga yumao ay naidaing na sa amin ng naulilang mga magulang.
Tanging ang pagkakamit ng katarungan lamang para sa kanila ang makapuputol sa ganitong mga tagpo. Gayundin, sa mga pagpaparamdam ni Erica na hanggang sa kabilang buhay ay tila hindi matahimik ang kaluluwa sa mga naging pagdududa at negatibong naisip sa kanyang pagkatao noong siya ay nabubuhay pa at nakikipaglaban sa bangis ng Dengvaxia. Siya na ang nabiktima, siya pa ang pinag-isipan ng masama. Iwawasto natin ito, sa ngalan ng katotohanan at katarungan!
(Itutuloy)




Comments