Taliwas sa layuning mailigtas sila sa kapahamakan... MGA NAIDULOT NG DENGVAXIA SA MGA BIKTIMA HINDI
- BULGAR

- May 24, 2019
- 5 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ANG layunin ng mga nagpapabakuna ay ang mailigtas sila at ang kanilang mga mahal sa buhay sa partikular na karamdaman na pinoproteksiyunan ng bakunang itinurok sa kanila. Dahil sa proteksiyong ito, inaasahan ang kapanatagan sa isipan at kaayusan ng kalusugan ng nabakunahan. Ito ang dapat naranasan ng mag-asawang Rolando at Rocelyn Benaro sa kanilang anak na si Nicole Benaro, ngunit, kabaligtaran nito ang nangyari sa kanila dahil sa pumaltos na bakunang Dengvaxia.
Torture sa isip ang pinagdaanan at patuloy na nararanasan nina G. at Gng. Benaro at si Nicole naman ay torture sa isip at katawan ang matinding naranasan bago pumanaw. Si Nicole ang pang-isandaan at tatlumpu’t dalawa (132) sa mga naturukan ng Dengvaxia, nakaranas ng senyales at sintomas, common pattern of serious adverse effects na consistent sa Sanofi declaration sa FDA noong Disyembre 22, 2015 at namatay na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, pagkatapos hilingin ang serbisyo ng grupo ng mga pamilya ng mga yumao. Patuloy silang binibigyan ng libreng serbisyo-legal ng aming tanggapan sa pangunguna ng inyong lingkod bilang tugon din sa kanilang kahilingan.

Si Nicole, labindalawang (12) taong gulang ay binawian ng buhay noong Abril 15, 2019 sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon City. Naturukan siya ng Dengvaxia sa kanilang health center noong Setyembre 8, 2017. May mga naobserbahang pagbabago sa katawan at kalusugan ni Nicole mula noong huling linggo ng Mayo 2018 kung kailan lumaki ang kanyang leeg na parang may beke. Pagkatapos ay namaga na ang kanyang mga mata hanggang sa ibaba ng kanyang katawan. Pinatingnan siya ng kanyang mga magulang sa albularyo, ngunit, dinala rin siya sa ospital. Noong June 2018 ay pina-check-up siya ng kanyang mga magulang sa PCMC at siya ay na-diagnosed na mayroon diumanong nephrotic syndrome. Na-confine siya roon sa PCMC at pagkatapos ng isang linggo ay bumuti naman ang kanyang kalagayan. Nawala ang manas niya, subalit, siya ay binigyan ng prednisone, enalapril at calcium carbonate para sa kanyang maintenance.
Gumaling si Nicole, subalit, napansin ng kanyang mga magulang na madali siyang mapagod. Sa kaunting galaw niya ay napapagod siya at hinihingal. Palagi na rin siya noong may ubo at sipon. Ayon sa kanyang doktor ay namamanas diumano siya kapag nagkakaroon ng impeksiyon. Dahil dito, siya ay niresetahan ng antibiotics. Naging buwanan na rin ang check-up niya sa PCMC. Naobserbahan noong Hunyo hanggang August 13, 2018 na patuloy pa rin ang pamamanas niya. Nawawala ito, subalit, bumabalik pa rin. Noong August 13, 2018 ay pina-check-up ulit siya ng kanyang mga magulang sa PCMC dahil pa rin sa pamamanas niya, binigyan siya noon ng amoxicillin.
Ito ay dagdag sa mga dati niyang iniinom na gamot. Umayos ang kalagayan niya, pero bumalik na naman ang pamamanas niya sa mga sumunod na araw.
Ang pamamanas ay naging paulit-ulit na parte ng kanyang mga karamdaman hanggang sa magkaroon ng mga seryosong manipestasyon ang kanyang mga suliraning pangkalusugan na naghatid na rin sa kanyang huling hantungan.
Nakasaad sa ibaba ang bahagi ng salaysay ng mag-asawang Rocelyn at Rolando Benaro na gumugunita sa masakit at mapait nilang karanasan na may kaugnayan sa Dengvaxia, lalo na sa kanilang anak na si Nicole:
“Noong November 26, 2018 ay muli namin siyang dinala sa ospital. Isa lamang ito sa palaging follow-up check-up niya. Nagsimula na siyang hindi makapasok sa eskuwelahan. Manas pa rin ang aming anak hanggang sa sinabihan kami na isasailalim siya sa renal biopsy at dahil sa sobrang mahal ng bayad ng nasabing procedure ay hindi namin ito naipagawa.”
“Muli kaming bumalik sa PCMC noong December 6, 2018 para sa kanyang buwanang check-up. Nang panahong ito ay sobra ang pagkamanas niya at lumaki ang kanyang tiyan. Ipinagpatuloy lang nila ang kanyang mga gamot”.
“Noong January 3, 2019 ay ibinalik muli namin siya sa PCMC, manas pa rin ang buo niyang katawan at nagtataka na sila kung bakit hindi nawawala ang kanyang pamamanas sa kabila na siya ay binibigyan ng gamot. Sinabihan kami na isailalim siyang muli sa renal biopsy, subalit, sa kakulangan pa rin ng pera ay hindi namin naipagawa ang nasabing procedure. Binigyan muli siya ng antibiotic. Matapos noon ay umuwi na kami. Bumalik kaming muli noong January 10, 2019. Manas pa rin ang buo niyang katawan at sinabihan kami na mayroon na siyang steroid dependent and relapse, subalit, itinuloy pa rin nila ang pagbibigay sa kanya ng steroids”.
“Noong February 7, 2019 ay muli siyang na-confine sa PCMC. Nagtagal kami roon ng isang (1) linggo. Binigyan siya noon ng albumen dahil sobra na noon ang kanyang pamamanas. Binigyan siyang muli ng iba pang gamot. Maraming gamot na ang ipinaiinom sa kanya, subalit, hindi naman bumubuti ang kalagayan niya. Nagkaroon na rin siya ng pneumonia kaya binigyan na siya ng antibotic para rito. Noong March 31, 2019 ay muli namin siyang dinala sa PCMC. Doon ay grabeng sakit ang naramdaman ng aming anak dahil sumasakit daw ang kanyang mga buto sa ibabang bahagi ng kanyang mga paa. Nagkakaroon din ng mga butas ang kanyang mga paa kung saan may lumalabas na tubig sa sugat niya na naging resulta ng pagkakamot niya tuwing siya ay nangangati. Lumabas kami sa ospital noong April 6, 2019 dahil baka mahawa siya sa ospital kapag hindi siya nailabas”.
“Noong April 10, 2019 ay nag-seizure ang aming anak, bandang 4:30 ng madaling-araw. Mga 4:45 ay nag-seizure ulit siya hanggang sa nagpasya kaming dalhin siya sa PCMC. Habang nasa taxi kami ay muli siyang nag-seizure. Pagdating sa ospital ay nilagyan siya ng suwero at sinabihan kami na lalagyan siya ng tubo at NGT. Kinabitan din siya ng catheter noon. Sa mga sumunod na araw ay lumalala ang kalagayan niya. Hirap na siya noon sa paghinga hanggang sa dinala na siya sa ICU. Nanatili kami sa ospital hanggang sa siya ay binawian ng buhay noong April 15, 2019”.
Pabalik-balik sa ospital, pagsasailalim sa iba’t ibang pagsusuri, pamamanas, pagkakaroon ng impeksiyon, pneumonia at seizure, nilagyan ng suwero, tubo at NGT, kinabitan ng catheter at inilagay sa ICU – ang lahat ng ito na bahagi ng labis na paghihirap ni Nicole bago siya namatay ay ramdam mismo ng kanyang pisikal na katawan at maging ng kanyang kalooban.
Kaytinding hagupit sa damdamin ng kalunus-lunos na sitwasyong ito ni Nicole sa kanyang mga magulang. Anila: “Malaki ang paghihirap ng aming anak nang mga panahong nasa ospital siya. Napakaraming sakit ang pinagdaanan niya sa kanyang murang edad. Doble sa sakit ng mga naramdaman niya ang aming naramdaman sa bawat oras na nakikita namin siyang naghihirap dahil wala kaming magawa para sa kanya para maibsan man lang sana ang paghihirap niya habang lumalaban siya sa kanyang sakit. Nang hawakan namin siya bago siya nalagutan ng hininga ay naramdaman naming napakalambot ng likod na bahagi ng kanyang katawan. Awang-awa kami sa aming anak dahil alam naming labis ang kanyang paghihirap. Ang tiyan niya ay napakatigas, subalit, ang buong katawan naman niya ay malambot. Sadyang kalunus-lunos ang naging kalagayan ng aming anak. Napakasakit nito para sa amin.”
Ang kaganapang ito na tumimo sa puso nina G. at Gng. Benaro at ang matinding pagmamahal nila sa kanilang anak na si Nicole, ang nagtulak sa kanila na lumapit sa aming tanggapan at sa PAO Forensic Team upang magkaroon ng kaliwanagan ang tila palaisipan na bumabalot sa pagkamatay ng kanilang anak at matamo ang katarungan para sa kanya.
Ang ibig sabihin diumano ng pangalang Nicole ay “victorious”. Sa kanyang mga pagpaparamdam, tila ipinaaabot ni Nicole ang kanyang pagnanais na makamit ang tagumpay na siyang kahulugan ng kanyang pangalan.
Kami na mga manananggol niya at mga kasama namin sa adbokasiya higit sa lahat ang kanyang nagmamahal na pamilya ay patuloy na magpupunyagi sa abot ng aming makakaya upang matamo ang tagumpay ng katarungan na sana ay ikalugod ng kanyang puso at ikatahimik ng kanyang pagkakahimlay sa kabilang buhay.
(Itutuloy)




Comments