top of page

‘Yung malaking halaga, kapalit ay mga pangarap nila... KATARUNGAN PARA SA MGA PAMILYANG WALANG KAMA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 17, 2019
  • 5 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

MALAKAS diumano ang intuition ng kababaihan, ngunit, may pagkakataon na mas matalas ang paki­ramdam ng kalalakihan. Ganito, ang tila nangyari kay G. Bayani Villanueva, Jr. at sa kanyang yumaong asawa hinggil sa pagbabakuna ng Dengvaxia sa kanilang anak na si Ella Villanueva. Ayon kay G. Villanueva:

Sa katunayan, hindi ako noon sumang-ayon na ma­bakunahan si Ella ng nasabing dengue vaccine nang ipinag­paalam ng aking nasirang asawa na pababakunahan niya si Ella dahil nabakunahan na raw noon ang dalawang (2) anak ng aming kapitbahay. Kaya talagang nanlumo ako nang nalaman kong nabakunahan si Ella ng Dengvaxia.

Laking-takot diumano ni G. Villanueva at labis siyang na­ngamba nang malaman niya ang tungkol sa nasabing pagpapabakuna ng Dengvaxia sa kanyang anak. Una palang ay tutol na siya sapagkat sabi niya: “Hindi ako tiwala sa nasabing bakuna dahil bago pa lang ito” (Binigyang-diin). Ang takot at pangamba ni G. Villanueva ay nasundan ng sakit ng kalooban habang ang kanyang anak ay nakaratay sa ospital, panaghoy habang siya ay nakaburol at pagluluk­sang hindi matutuldukan habang si Ella ay walang natatamong katarungan.

Si Ella, labing-isang taong gulang ay naturukan ng Deng­vaxia sa kanilang health center noong Oktubre 25, 2017. Siya ay namatay sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon City noong Abril 13, 2019. Siya ang pang-isandaan at tatlumpu’t isa (131) sa mga biktima na nabakunahan ng Deng­vaxia at namatay, pagkaraan nito ay hiniling ng pamilya niya ang forensic services ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team at ang libreng serbisyo-legal ng PAO sa pangunguna ng inyong lingkod. Kami na kanilang mga nilapitan ay kaagad tumalima sa kanilang mga kahilingan.

Mula sa alaala ni G. Villanueva, mapait niyang ginunita na nagsimulang magkaroon ng pagbabago sa katawan at kalu­sugan ni Ella noong ikalawang linggo ng Marso 2019. Napansin niya noon na palaging nasa loob ng kanilang bahay si Ella dahil masama raw ang pakiramdam nito. May lagnat din si Ella noon at sa kabila ng pagpapainom ng kanyang ama sa kanya ng paracetamol ay hindi pa rin bumababa ang kanyang lagnat. Dahil dito ay dinala ni G. Villanueva sa klinika si Ella upang ipasuri sa doktor. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ay may UTI diumano si Ella. Siya ay niresetahan ng antibiotic ng doktor, pero kahit na ininom niya ang mga ito ay hindi pa rin bumuti ang kan­yang kalagayan.

Pagkatapos ng isang linggo, dahil hindi pa rin gumagaling si Ella ay muli siyang dinala ng kanyang ama sa Catequista Medical Clinic sa Bagong Silang, Caloocan City. Siya ay isi­nailalim sa x-ray at maganda naman ang naging resulta nito. Subalit, siya ay niresetahan pa rin ng antibiotic. Bumuti na­man ang kanyang kalagayan maliban lamang sa pagkakaroon niya ng ubo at sipon at ang pabalik-balik niyang lagnat. Sa pagdaan ng ilang araw ay nagreklamo si Ella na masakit ang kanyang mga kasu-kasuan at ulo. Nanatiling pabalik-balik ang kanyang lagnat, ubo at sipon.

Sa iba’t ibang petsa ngayong 2019, naganap ang papa­lubhang mga nararamdaman ni Ella na humantong sa kan­yang pagkasawi. Mula sa salaysay ni G. Villanueva, narito ang mga bahagi ng kanyang pahayag hinggil sa nasabing mga araw at kaganapan:

Noong ika-22 ng Marso 2019, dahil tuluy-tuloy pa ring nararamdaman ng aking anak ay dinala ko siya sa FEU-Nicanor Reyes Medical Foundation sa Novaliches, Quezon City. Siya ay isinailalim sa CBC test at base sa resulta ay positibo diumano siya sa dengue. Ito na ang pangalawang pagkakataon na na-dengue ang aking anak sapagkat siya ay unang nagka-dengue infection noong apat (4) na taong gulang pa lamang siya. Imi­nungkahi ng doktor na kailangang i-admit at ilagay sa ICU ng ospital ang aking anak. Subalit, nang sabihan ako na kaila­ngang mag­handa ako ng malaking halaga para sa paggamit niya ng ICU ng nasabing ospital ay nagsabi akong hindi ko kakayaning mag­bayad ng ganu’ng kalaking halaga. Dahil na rin sa kakapusan sa pera ay nag­pasya akong ilipat ang aking anak sa PCMC at doon ay na-admit na siya.” (Binigyang-diin)

“Noong ika-26 ng Marso 2019 ay ini­lagay ang aking anak sa isolation room da­hil sa kalagayan niya. Hindi nawala ang kan­yang ubo, sipon, lagnat at pananakit ng kanyang mga kasu-kasuan. Nagreklamo rin siyang hirap siya sa paghinga. Noon din ay lumaki ang tiyan ng aking anak. Bahagyang bumuti naman ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na araw.”

Noong ika-1 ng Abril 2019 ay inilipat na sa ward section ang aking anak. Sinabihan kami ng doktor na may Systemic Lupus Ery­thematosus diumano ang aking anak. Noong ika-8 ng Abril 2019 ay muling sumama ang pakiramdam ng aking anak. Nagreklamo siya ng hirap sa paghinga at tumaas ang kan­yang blood pressure. Dahil dito ay in-intubate ang aking anak.”

“Noong ika-9 ng Abril 2019 ay isi­nailalim sa dialysis ang aking anak dahil hirap siyang umihi noon at may tama na diumano ang kanyang kidneys. Noon ay may pneumonia na rin ang aking anak. Para hindi magalaw ng aking anak ang kanyang intubation ay binigyan siya ng pampatulog ng doktor. Ika-12 ng Abril 2019 nang siya ay muling na­gising. Madalas na reklamo noon ng aking anak na naiinitan siya. Palagi rin niya noong hinahaplos ang kanyang tiyan. Nagkaroon din ng blisters ang kanang paa ng aking anak at ang kanyang mukha ay namanas.”

Dakong alas-otso (8:00) ng gabi noong ika-13 ng Abril 2019 ay napansin ng doktor na mababa ang kanyang pulso at siya ay nag-agaw-buhay. Siya ay ni-revive ng dok­tor at naging matagumpay naman ito. Na­pansin ko noon na lumobo ang kanyang dib­dib. Subalit, muli siyang nag-agaw-buhay, mga ilang minuto lang ang lumipas. Doon ay tinapat na kami ng doktor na kritikal na di­umano ang kalagayan ng aking anak. Pag­sapit ng alas-otso singkuwenta (8:50) ng gabi ay tuluyan nang pumanaw ang aking anak na si Ella.”Para kay G. Villanueva, na­­ging pabaya ang mga taong gumawa ng pag­babakuna ng Dengvaxia kay Ella at sa iba pang mga bata. Aniya: “Wala akong nala­laman sa kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aking anak sa kada­hilanang huli na nang malaman kong naba­kunahan siya kaya naman pinagkaitan ako ng oportunidad na mapaliwanagan. Isa pa, hindi ko alam na nabakunahan na pala ng kontra dengue ang aking anak dahil nala­man ko lang ito nang nasa ospital na siya. Kaya maliwanag na ako ay napagkaitan ng pagkakataong malaman ang epekto ng nasa­bing bakuna sa aking anak.”

Maaalala na ang yumaong ina ni Ella ay umayon sa pagbabakuna ng Dengvaxia sa kanyang anak. Ngunit, tulad ng kanyang asa­wa (ama ni Ella), siya rin ay hindi nabigyan ng sapat na impormasyon hinggil sa ituturok sa kanyang anak at sa magiging epekto nito sa huli. Kaligtasan sa dengue ng kanyang anak ang nasa isip ng ina ni Ella, lalo na dahil nag­karoon na ito ng dengue noon. Walang mga magulang na magsusuong ng kanilang mga anak sa anumang kapahamakan.

Tulad ng nabanggit na, nagpositibo si Ella sa dengue sa pangalawang pagkakataon noong Marso 22, 2019; ang una ay noong apat (4) na taong gulang pa lamang siya. Sa naging kalagayan niyang ito at sa mga tulad niyang biktima na ganito rin ang naging sit­wasyon, hindi maiiwasan na maitanong ang mga ito: Ang Dengvaxia ay sinasabing anti-dengue vaccine, bakit nagka-dengue pa rin ang nasabing mga biktima? Sa Dengvaxia diumano ay walang peligro ang mga nagka-dengue na, bakit naisakripisyo pa rin ang buhay ni Ella? Kung ganito rin lang kapalp­ak ang nasabing bakuna, bakit ang mga ki­nauukulan ay sumugal ng ganito kalaking halaga — mga buhay na walang katumbas na pera at ang balik ay kamatayan at ka­balin­tunaan dahil ang mga namatayan at nag­ha­hanap ng katarungan para sa mga biktima ang dinudusta? Ngunit, hindi sa ganitong yugto lamang nakahimpil ang buhay. Maging ang gulong ng katarungan ay umiinog, ga­yundin ang buhay. Dahil dito, buhay din ang pag-asa na bukas makalawa, nasa itaas na ng gulong ng katarungan at buhay ang mga naiwan ng mga namatay.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page