Ipinagkalat pa ng kampo ng aktres, Julia.. YASSI, KINANTAHAN NI COCO NU'NG B-DAY


HINDI kaya ipagselos ni Julia Montes kapag nalaman ang pagkakamabutihan ng rumored bf niyang si Coco Martin at ni Yassi Pressman, ang leading lady ng aktor sa seryeng Ang Probinsyano?
Ang latest, nagkaroon ng maagang birthday surprise si Yassi mula sa kanyang leading man na si Coco nu’ng Biyernes (May 10).
Ipinost sa Instagram stories ni Elle Tagaca, road manager ni Yassi, ang isang photo at isang video kung saan ay kinantahan siya ni Coco kasama pa ang ilang FPJ’s Ang Probinsyano cast members at crew.
Dati nang nadadawit si Yassi sa relasyong Coco-Julia subali’t wala pa namang kumpirmadong tsika na ang una nga ang third wheel sa relasyon ng dalawa.
Nitong mismong kaarawan ng aktres noong Sabado (May 11) ay ipinagdiwang naman ni Yassi sa dalawang okasyon ang espesyal na araw kasama ang kanyang pamilya.
Sa kanyang unang Instagram post ay ibinahagi ng aktres ang larawan mula sa isang restaurant sa Makati kasama ang mga magulang at mga kapatid. Habang sa hiwalay na post ay ibinahagi ni Yassi ang isang pinuntahang resort sa El Nido, Palawan, kasama ang kapatid na si Issa.
Hindi lang nabanggit kung kasama nina Yassi si Coco sa Palawan.





Comments