Pahiwatig na magtatagumpay sa buhay

Salaminin natin ang panaginip ni Ambergirl ng Ambergirl_Ventero@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin na umaakyat ako sa hagdan, tapos, hindi ko maabot ‘yung pinakadulo?
Naghihintay,
Ambergirl
Sa iyo Ambergirl,
Walang dulo ang tagumpay, iha, dahil ang tao ayon na rin kay Lord Buddha ay walang katapusang naghahangad.
May mga nagsasabi na sila ay kuntento na dahil naabot na nila ang kanilang mga pangarap, pero sa salita lang ‘yun dahil ang lahat ay makikitang may ginugusto pa.
Ang iba, akala ay sobra na ang kanilang yaman kaya huminto na sa pagpapayaman, pero nang nabatukan ng kapalaran ay natauhan na dapat pala sa tao ay patuloy na nagsisikap hanggang sa siya ay naririto pa sa ibabaw ng lupa.
Ang iba ay namatay ng mayaman, pero sobrang lungkot ang buhay dahil ang yaman ay hindi basehan kung ang tao ay talagang naging matagumpay sa buhay, kaya huli na para isaayos niya ang kanyang buhay at namatay siyang nagsisisi at nanghihinayang.
Muli, walang katapusan ang dulo ng hagdan patungo sa tagumpay habang ang tao ay patuloy na nangangarap, nag-aambisyon at may mga kailangan pa sa buhay, ang hagdan patungo sa tagumpay ay makikitang wala hangganan.
Ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip na ikaw ay patuloy na magtatagumpay sa buhay. Dahil dito, kung iba ang tatanungin ay nakaiinggit ang buhay mo.
Kaya ang payo sa iyo ng iyong panaginip, sakyan mo ang mga pangyayari sa iyong buhay nang sa gayun kahit na mahirap maunawaan na walang hangganan ang hagdan ng tagumpay ay maging masaya ka pa rin.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments