top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Bagama‘t may mga biktimang nakaligtas... MGA TAONG NASA LIKOD NG PALPAK NA BAKUNA, HINDI DAPAT MAKAL

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 26, 2019
  • 5 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

KADALASAN ang pagpunta sa klinik ng dentista kahit pa may sakit na maramdaman ang pasyente sa pagpapabunot ng ngipin, may ngiti pa ring sisilay sa kanyang mga labi pagkatapos ng kanyang pagpapa­gamot. Ganito marahil ang nasa isip ni Elisa Amistoso Famulagan nang dalhin niya sa dental clinic ang kanyang nakababatang kapatid na si Froilan Amistoso. Ngunit, sa kasamaang-palad, hindi ito ang nangyari sa labing-anim (16) na taong gulang niyang kapatid. Ang pagpunta nila sa dental clinic noong Enero 7, 2018 ay dahil sa pagdurugo ng gilagid ni Froilan na sintomas na pala ng Dengvaxia.

Si Froilan ay ang pang-isandaan at dalawampu’t walo (128) sa mga naturukan ng Dengvaxia at namatay na sumailalim sa forensic exami­nation ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, pagkatapos hilingin ito ng kanilang mga pamilya, kasabay ng libreng serbisyo-legal ng PAO at ng inyong lingkod. Siya ay naturukan ng nasabing bakuna kontra dengue ng isang (1) beses noong Agos­to 2017 sa kanilang paaralan at pumanaw noong Enero 12, 2018 sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), B. Rodriguez St., Sambag 2, Cebu City, Cebu.

Noong Disyembre 22, 2017, apat (4) na buwan matapos maturukan ng Dengvaxia si Froilan, nakaranas siya ng pana­nakit ng ulo at tiyan. Ayon sa kanyang ina na si Rosela R. Amistoso, dumumi noon si Froilan ng kulay itim, nilagnat, naging matamlay at isinusuka niya ang kanyang mga kinain. Pinainom siya ni Gng. Amistoso ng kremil-S para sa kan­yang pananakit ng tiyan at pagsusuka at biogesic naman para sa pananakit ng kanyang ulo. Nawala ang pananakit ng tiyan at ulo niya, pati na rin ang kanyang pagsusuka su­balit, nagpabalik-balik naman ito.

Sa pagsisimula ng taong 2018, nangyari na ang pag­durugo noong Enero 6 ng gilagid ni Froilan, kaya tulad ng nabanggit na sa itaas, dinala siya ng kanyang ate Elisa sa dental clinic noong Enero 7, 2018. Ayon kay Elisa, nilinis ng dentista ang mga ngipin ni Froilan. Dagdag pa niya ay nagtaka ang dentista dahil mas lalong nagdugo ang gilagid ni Froilan, kaya niresetahan ito ng mefenamic acid. Ga­yun­man, nagpatuloy pa rin ang pagdurugo ng kanyang gila­gid. Kinagabihan, alas-diyes (10:00) ng parehong araw ay nagreklamo ng labis na pananakit ng tiyan at pag­susuka si Froilan. Dahil dito ay dinala siya ng kanyang pamilya sa Lapu-Lapu District Hospital, Lapu-Lapu City, Cebu. Roon ay nakitaan na mababa ang kanyang platelet count at dahil sa pagbaba ng kanyang platelet ay inisyal na sinabihan sila ng doktor na baka may dengue si Froilan.

Pagkatapos ng insidenteng ‘yun sa dental clinic at sa Lapu-Lapu District Hospital, Enero 2018 ay naging mailap sa pag­bibigay ng maaliwalas na mga umaga at mapa­yapang mga gabi sa pamilya Amis­toso. Ito ay dahil sa papalubhang karamdaman ni Froilan na human­tong sa kanyang kamatayan. Narito ang kanyang mga huling araw, ayon sa kanyang ina:

Noong ika-8 ng Enero 2018 ay mas lalong bumaba ang platelet count ng aking anak. Iminungkahi ng ospital na kailangang ilipat ang aking anak sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), Cebu dahil kumpleto sila ng kagamitan doon. Mga alas-sais (6:00) ng gabi nang mailipat ko siya sa VSMMC. Doon ay nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at ulo, siya rin ay nagkalagnat at nagsusuka.”

“Noong ika-10 ng Enero 2018 ay lumabo ang paningin ng aking anak. Siya ay nagkaubo, hindi makaihi, makatayo at lumaki ang kanyang tiyan. Sinabihan kami ng doktor na hindi dengue ang sakit ng aking anak kundi siya ay may leukemia at siya ay nangangailangang masalinan ng dugo. Kaya noong sumunod na araw, ika-11 ng Enero 2018 ay naghanap kami ng blood donors. Namumutla noon ang akin anak na kahit kurutin mo siya ay hindi na namumula ang kinurot na bahagi ng kanyang balat.”

“Noong ika-12 ng Enero 2018 ay uminom ng napaka­raming tubig ang aking anak. Siya ay nagwala noon dahil hirap siya sa paghinga. Siya ay du­mumi rin ng kulay itim. Siya rin ay nagreklamo ng labis na pana­nakit ng kanyang tiyan. Pagsapit ng alas-tres (3:00) ng hapon ay sinabihan niya kami na malapit na siyang ma­matay sa kabila ng labis na ka­gus­tuhan niyang mabuhay. Kami ay mataimtim na nagdasal kasama ang aking anak na si Froilan upang bigyan siya ng sapat na pananam­palataya na tanggapin kung anu­man ang kagustuhan sa kanya ng Poong Lumikha. Matapos ng ilang sandali, mga alas-kuwatro singku­wenta y singko (4:55) ng hapon ay tuluyan nang pumanaw ang aking anak na si Froilan.”

Sa mga naging biktima ng Deng­vaxia, maaalalang may natu­ru­kan ding bata na tulad ni Froilan ay lumabo rin ang pa­ni­ngin, pero ang malala ay humantong ito sa pagkabulag. Ang batang ito ay walang iba kundi si Mark Joseph Estandarte-Samonte. Sa kabutihang-palad, tila himala na siya ay muling nakakita. Masigla siyang nabubuhay ngayon sa piling ng mga nagmamahal niyang pamilya. Ang kanyang ina na si Gng. Girlie Estandarte-Samonte ay isa sa mga aktibong magulang na patuloy na ipinaglalaban ang karapatan ng kanyang anak sa masamang naidulot ng Dengvaxia. Bukod kay Mark Joseph, may anak pa si Gng. Samonte na si Shane, na naturukan din ng nasabing bakuna na mapalad ding naka­ligtas sa bangis nito.

Sa paggaling ni Mark Joseph, mababanaag natin ang pag-asa sa pagkakaroon ng buhay na masigla at mga panga­rap na mabubuo pa ng mga batang nabakunahan ng Deng­vaxia. Kailangan lamang na maagapan ang anumang sin­tomas na mararamdaman nila, manatiling matatag ang loob at matibay ang kanilang resistensiya. Si Mark Joseph na nawalan na ng paningin noon ay hindi sinukuan ng nagma­mahal niyang pamilya sa pagpapagamot, kasama ang walang humpay na pakikipagtulungan ng mga doktor ng Ospital ng Maynila kung saan si Mark Joseph dinala, ginamot at gu­maling.

Ang pamilya Amistoso, walang duda na ginawa rin ang lahat para mabawi sa kamatayan ang mahal nilang si Froilan. Ngunit, hindi nila kaagad nalaman na si Froilan ay nabaku­nahan ng Dengvaxia. Anang kan­yang ina:

Wala kaming kaalam-alam na ang aking anak ay naturukan ng Deng­vaxia. Maliban na lamang nang sabihin ito ng kanyang kaklase na nabakunahan sila. Kung nasa­bihan sana kami hinggil sa pagba­bakuna at kung ano ang hindi ma­gandang epekto ng pagbabakunang ito sa kanya ay hindi namin haha­yaang maturukan siya nito. Mali­wanag na kami ay napagkaitan ng pagkakatong malaman ang epekto ng nasabing bakuna.”

Ang kapabayaang ito ng mga kinauukulan ang nagpapaapoy sa damdamin ni Gng. Samonte. Bagama’t, pus­pusan ang kanyang pagpapasalamat sa Pa­nginoon at sa lahat ng mga kaagapay niya sa pagpapagaling sa kanyang mga anak, siya ay hindi lubos na masaya; may mga hibla pa ng pagkabalisa sa kanyang puso. Ito ay dahil sa nararamdaman niya ang pighati ng mga tulad niyang mga magulang na na­turukan ng Deng­vaxia ang mga anak, ngunit, namatay na sobrang “tortured” sa tindi ng sakit dahil sa pagdurugo ng utak at laman-loob — hindi niya naging kasimpalad dahil ang mga anak nito ay tila mumunting anghel na tinagpasan ng mga bagwis ng karit ng kamatayan na hindi na muling nakalipad at walang buhay na nalugmok na lang sa lupa.

Ang pagkabalisa ni Gng. Samonte ay naging ligalig at nagsindi ng katapangan sa pakikipaglaban para sa lahat ng mga biktima ng Dengvaxia na itinuring niya nang hindi iba sa kanya.

Kamakailan, ipinahayag niya sa social media (Facebook) ang kanyang saloobin sa isang opisyal na tila nakapiring ang mga mata sa tunay na nangyayari hing­gil sa Deng­vaxia. Pinuntusan niya ang “ka­sinu­ngalingan” nito dahil ani Gng. Samonte naniniwala ang nasabing opisyal na “hindi raw totoo na may namatay sa Dengvaxia.” Dagdag pa niya: “Paniwalain mo ang sarili mo ‘di mo na kami maloloko kung ‘di totoo ang Dengvaxia, bakit mayroon kayong Deng­vaxia hotline, Dengvaxia fastlane, Dengvaxia parent partner at Dengvaxia 50k sa namatayan?” Ito ang tanong niyang lu­malatay sa konsensiya, “Ano ‘to, biruan lang lahat?”

Nag-iwan pa ng maaanghang na paalala si Gng. Samonte sa nasabing opisyal: “Kaya mong lokohin ang sarili mo at ibang tao, pero kailanman, ‘di mo maloloko ang Diyos na Siyang may likha ng buhay.”

Nakapagpapaigting ng giting sa paki­kipaglaban para sa hustisya ang mga katulad ni Gng. Samonte at tulad ng inyong lingkod, siya man ay hindi na estranghero sa mga pa­ramdam sa dilim ng mga hindi pa napa­pa­yapang kaluluwa ng mga biktima ng Deng­vaxia na itinuring na rin niyang bahagi ng kanilang pamilya.

Abangan ang pang-129, 130,131 at 132!

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page