Ayaw daw nila ‘yung paliguy-ligoy... KAALAMAN TUNGKOL SA PAGKATAO NG MGA UNGGOY
- BULGAR
- Apr 14, 2019
- 2 min read


BUKOD sa pagiging masayahin at mapagbiro, ang Unggoy ay sinasabi ring may katalinuhan, pagkatuso at alam niya kung paano huhusgahan at babasahin ang motibo o iniisip ng kanyang kapwa. Kaya kung pag-iisipan mo ng masama ang Unggoy o pagpaplanuhan mo siya ng gawaing masama, ito ay malabo mong magawa dahil madali niyang nababasa ang masamang motibo ng kanyang kaharap. Ang totoo pa nito, bago mo siya maloko, mas mauuna ka niyang mapaglalalangan.
Dahil may pagkatuso at matalino, kung sakali mang mauto mo ang Unggoy o sabihin na nating naihulog mo siya sa patibong habang tinatawanan mo siya na ang hindi mo alam, pagtalikod mo ay makatatakas at makaliligtas na siya agad-agad sa kanyang kinahulugan dahil tulad ng nasabi na, sa anumang sitwasyon ng buhay o gaanuman kapanganib na pangyayari ang kanyang nasuotan, siguradong makaiisip talaga ang Unggoy ng epektibong paraan upang siya ay makatakas at makaahon ng ligtas sa kahit anumang uri ng suliraning kanyang mararanasan.
Oo, ganu’n kagaling ang Unggoy, kayang-kaya niyang makaahon nang suwabeng-suwabe sa kahit anumang mabibigat na suliranin o problema na kanyang masuotan.
Pagkatapos maka-ahon, tiyak na siya ay madali lang at bonggang-bonggang makare-recover at makapagmu-move on.
Dagdag pa rito, dahil likas na matuwid at makatarungan, mahihirapan ka ring yayain o kumbinsihin ang Unggoy na gumawa ng pagkakamali o kapalpakan dahil tulad ng nasabi na, likas sa mga Unggoy ang matuwid at palaging nakasandig sa katarungan at pagkakapantay-pantay ang kanilang ipinaglalaban.
Ibig sabihin, kung nais mong lokohin ang Unggoy na gumawa ng kamalian o hindi makatarungang mga bagay, malabo mo siyang mayaya o makumbinsi sa nasabing mali o lihis sa kabutihang-asal na gawain.
Bagama’t, may katalinuhan at nag-iisip, sinasabing ang Unggoy ay maikli ang pasensiya at kapasidad na mag-analisa ng mga problema.
Kaya hindi tugma sa kanya ang mga bagay na may mahabang palaisipan. Halimbawa nito ay ang paglalaro ng chess, malabong maging grandmaster ang Unggoy sa nasabing larangan dahil sobra siyang naiinip kapag may mahahabang bagay na inaanalisa.
Kaya kapag nagdesisyon sa buhay ang Unggoy, umasa kang mabilis at kaagad niya itong ginagawa. Sa ganitong pagkatao niya, ‘yun ngang masyado siyang mainipin, posibleng hindi siya makinig sa kanyang mga kaibigan o mahal sa buhay na nagkukuwento ng mahahaba dahil nababagot siyang pakinggan ito.
Kumbaga, hindi mo na kailangang dramahan pa ng napakahaba ang Unggoy.
Gayundin, sa pakikipagrelasyon, kung ikaw ay may girlfriend, boyfriend o asawang Unggoy, hindi siya nangangailangang ng madetalye at mahabang kuwento, sa halip, ang kaunting usapan, pero makabuluhan habang magkasama kayo at nakasandal sa ilalim ng malaking punongkahoy na napaliligiran ng kulay berdeng damuhan ay sapat na sa Unggoy upang lalo pang uminit at mag-alab ang inyong pagmamahalan.
(Itutuloy)
Comments