Bangungot na hanggang ngayon ay wala pang katapusan... MGA NAMATAY NG DAHIL SA DENGVAXIA HANGGANG KA
- BULGAR

- Mar 29, 2019
- 7 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

SA mga kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia na aming hinahawakan ngayon, may mga pagkakataon na sunud-sunod ang mga kahilingan ng mga magulang ng yumaong mga biktima upang bigyan sila ng legal assistance at isailalim ang labi ng kanilang mga anak sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team.
May mga partikular na kaso na sadyang mabigat para sa aming mga bagwis — pagkatapos ng mga angkop na pagresponde at aksiyon, tila hindi na namin kayang kumampay patungo sa iba pang mga naghihintay ng aming paglilingkod. Sa awa ng Panginoon ay kaya ng PAO legal at forensic teams ang physical strain at mental demands, ngunit, ang mga ito ay lumalatay sa aming mga damdamin.Ang mga biktima at kanilang mga pamilya ay para na rin naming mga kaanak. Hindi ba, dapat ganu’n ang ituring natin sa ating mga kababayan?
Dalawa (2) sa mga partikular na kasong nabanggit ay ang kaso nina John Arvyn Valenzuela ng Marikina City at Jian Subing-Subing ng Lapu-Lapu City, Cebu, na aming inaasikaso ngayong Marso, sa loob ng dalawang (2) araw na pagitan. Si John Arvyn ang pang-isandaan at dalawampu’t tatlo (123) habang si Jian naman ang pang-isandaan at dalawampu’t apat (124) sa mga biktimang nabanggit na pinaglaanan ng serbisyo ng PAO Forensic Team at patuloy pa rin natin silang kakalingain sa pamamagitan ng paghawak sa kanilang mga kaso.
Ang yumaong si John Arvyn Valenzuela, labindalawang (12) taong gulang ay dating mag-aaral ng Marikina Elementary School, Sta. Elena, Marikina City. Siya ay nabakunahan ng Dengvaxia ng tatlong (3) beses; una, noong Abril 8, 2016, pangalawa, noong Nobyembre 14, 2016 at pangatlo, noong Hunyo 22, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan.
Bago naturukan ng nasabing anti-dengue vaccine si John Arvyn, naalala ng ama nito na si G. Arnel Valenzuela ang kanyang anak na puno ng sigla at saya. Aniya:
“Si John Arvyn ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball at kasama sa basketball varsity team ng kanyang paaralan. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, maliban na lamang nu’ng nagka-primary complex siya noong pitong (7) taong gulang pa lamang siya na ang pagkakaalam ko ay normal na nararanasan ng karamihan ng mga bata sa kanyang edad.”
Nagbago ang lahat ng ito noong Enero 17, 2019, ang araw kung kailan napansin ni G.Valenzuela na naging matamlay, bugnutin at mainitin ang ulo ng kanyang anak. Madalas din itong natutulog noon. Noong Pebrero 21, 2019, bukod sa pagbabago sa ugali ng kanyang anak, nagsimula ring magkaroon ng pagbabago sa katawan at kalusugan nito. Ayon kay G. Valenzuela:
“Namanas ang mukha ng aking anak. Nagkaroon din siya ng malalaking kulani sa likod ng kanyang tainga at sa ibabang bahagi nito. Nagkapasa rin ang kanyang dibdib at binti.”
Dahil kapansin-pansin ang mga nasabing pagbabago na nangyayari noon kay John Arvyn,dinala noong Pebrero 25, 2019 ng hipag (Ms. Aduelueza Cania) ni G. Valenzuela ang kanyang anak sa P. Gonzales Memorial Hospital, Marikina City upang patingnan sa doktor. May nakagigitlang rebelasyon na natuklasan ang pamilya Valenzuela ng araw na ‘yun. Nang tanungin ng hipag ni G. Valenzuela ang doktor du’n kung maaaring Dengvaxia ang naging sanhi ng sakit ni John Arvyn, narito ang nabanggit ng ama ng biktima ukol dito:
“Sumagot daw ang doktor na maaari ngang Dengvaxia vaccine ang naging sanhi ng mga pababago sa kanyang kalusugan.”
Dahil sa kalagayang ito ni John Arvyn, sinabihan ang naturang hipag ni G. Valenzuela ng nasabing doktor na kailangan ilipat ang una sa mas malaking ospital, kaya dinala niya ito sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Marikina City. Hindi pa rin nawawala nu’n ang mga kulani, pasa sa dibdib at binti niya. Kaya isinailalim nu’n sa iba’t ibang pagsusuri si John Arvyn. Ayon sa mga resulta, siya ay may leukemia. Sinabi ng doktor du’n na kailangang i-admit siya sa ospital sapagkat hindi maganda ang kanyang kalagayan. Dahil dito, siya ay sinalinan ng dugo noong Pebrero 26, 2019.
Pagkaraan nito, may apat (4) na petsa ng Pebrero at Marso na natatandaan si G. Valenzuela, kung kailan may mga naganap na insidente na nagpapahiwatig na nagiging kritikal na ang kalagayan ng kanyang anak. Ang kabuuang bigat ng mga ‘yun ay hindi na kinaya ni John Arvyn at siya ay binawian na ng buhay. Hinugot sa mapait na alaala ni G. Valenzuela, ang mga sumusunod nitong pahayag:
“Noong Pebrebro 28, 2019, isinailalim siya sa bone marrow test. Ayon sa mga doktor ay may severe leukemia ang aking anak. Hindi na gumanda ang estado ng kalusugan ng aking anak mula nu’n.”
“Noong Marso 6, 2019 ay nahirapang huminga ang aking anak. Siya ay sinalinan muli ng dugo.”
“Noong Marso 7, 2019 ay dumami ang kulani ng aking anak. Nagkaroon din siya ng bukol sa tagiliran at sinalinan ulit siya ng dugo nu’n.
“Noong Marso 9, 2019 ay nag-umpisa ang chemotherapy ng aking anak. Pagsapit ng hapon ay nahilo ang aking anak. Mga alas-sais y media (6:30) ng gabi nang siya ay isasailalim sana sa x-ray nang biglang hindi na makagalaw ang aking anak at siya ay nanginig. Sumunod siyang nag-agaw buhay at sinubukang i-revive ng mga doktor, subalit, sa kasamaang-palad ay nabigo sila at tuluyan nang pumanaw ang aking anak na si John Arvyn.”
Ang yumaong si Jian Subing-Subing (Jian), labing-isang (11) taong gulang ay dating estudyante ng Soong Elementary School, Soong Center, Lapu-Lapu City, Cebu. Siya ay naturukan ng Dengvaxia ng isang (1) beses noong Hunyo 17, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa health center ng Soong, Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu.
Nang siya ay buhay at malusog pa, mahilig siyang maglaro at aktibong miyembro ng drum and bugle corps ng kanilang paaralan. Ayon kina G. Eric at Gng. Senen Subing-Subing, mga magulang ni Jian, ang pagkakasakit ng anak ay nagsimula noong Nobyembre 2017. Nananakit nu’n ang hita at likod ni Jian.
Sa pamamagitan ng hot compress at efficascent oil na nilalapat ng mga magulang ni Jian sa masasakit na parte ng kanyang katawan, naiibsan pansamantala ang sakit ng mga ito, subalit, bumabalik din sa mga susunod na araw.
Nagkakalagnat din siya nu’n sa tuwing sumasakit ang kanyang hita at likod. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan dahil hindi nagbabago ang masamang nararamdaman ni Jian at pabalik-balik lamang ito, kaya dinala siya ng kanyang mga magulang sa Tonyakao Medical Clinic, Cebu City noong Pebrero 2018. Sinuri ang kanyang potassium level at base sa resulta ay normal naman ito. Niresetahan lamang siya ng doktor ng pain reliever para sa pananakit ng kanyang katawan.
Sa kasamaang-palad, nu’ng sumunod na mga buwan noong 2018 ay lumubha nang lumubha ang kalagayan ni Jian hanggang sa tuluyan na siyang pumanaw. Narito ang bahagi ng salaysay ng mag-asawang Eric at Senen hinggil sa mapait na kabanata na ito sa kanilang buhay:
“Noong Marso 2018 ay hindi na maigalaw ng aming anak ang kanyang binti at hindi na rin siya makalakad. Dahil dito ay dinala namin siya sa Mactan Doctors Hospital, Lapu-Lapu City upang patingnan namin siya sa doktor, subalit, kami ay ini-refer sa University of Cebu Medical Center, Cebu City na siya naman naming ginawa. Iminungkahi ng doktor na kailangang ipa-MRI ang aming anak.”
“Base sa resulta ng kanyang MRI na inilabas noong ika-12 ng Abril 2018 ay may Pott’s Disease ang aming anak. Dahil may nakitang bukol sa may spine ng aming anak ay muling iminungkahi ng doktor na kailangang i-biopsy ang nakuhang sample ng bukol sa aming anak. Ang pag-biopsy ay hindi nagawa dahil sinabihan kami ng doktor na puwedeng subukan kung kayang pagalingin ng pag-inom lamang ng gamot para sa TB ang nasabing sakit ng aming anak. Hindi bumuti ang kalagayan ng aming anak sa kabila ng pag-inom niya ng gamot. Lalo siyang namayat sa mga sumunod na araw.”
“Noong Agosto 2018 ay namaga ang kaliwang binti ng aming anak. Siya ay muli naming dinala sa espesiyalista. Ayon sa doktor at base sa resulta ng kanyang CBC ay mataas ang uric acid ng aming anak kaya siya ay niresetahan ng gamot. Siya ay isinailalim din sa bone structure examination sa Mactan Doctors Hospital, Cebu. Base sa resulta ay may bali ang buto ng kaliwang binti ng aming anak. Siya ay ni-refer sa espesiyalista sa buto.”
“Noong ika-17 ng Setyembre 2018 ay na-admit ang aming anak sa Vicente Sotto Memorial Medical Center, Cebu dahil sa bali sa buto ng kaliwang binti ng aming anakat Pott’s Disease. Noong buwang ‘yun ay hindi niya mapigilan ang pag-ihi at pagdumi. Palaging ding mainit ang kanyang katawan at palaging nagpapawis. May mga lumabas ding mga kulani sa kanyang mukha at kili-kili. Nanatiling hindi makatayo ang aming anak.”
“Noong Oktubre 2018 ay na-MRI at na-biopsy ang bukol na nakuha sa kaliwang binti ng aming anak. Noon ay tinapat kami ng doktor na kritikal na ang lagay ng aming anak at tinaningan na siya na mga ilang buwan nalang ang itatagal niya. Dahil sa nawawalan na kami ng pag-asa noon ay nagpasya na kaming iuwi ang aming anak sa bahay at doon na lang siya alagaan at makasama namin siya sa mga huling araw niya.”
“Noong Nobyembre 2018, bukod sa madalas na masama ang nararamdaman ng aming anak ay napansin naming nagdurugo rin ang kanyang gilagid.”
“Noong Disyembre 2018 ay nagpatuloy ang mga hindi magagandang nararamdaman ng aming anak. Napansin naming umiksi na rin ang binti ng aming anak at naging mainitin ang kanyang ulo. Unti-unti namang nabawasan ang mga kulani ng aming anak, subalit, hindi nawala ang mga pananakit ng iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Naging madalas din ang pananakit ng kanyang ulo. Takot na rin siyang pumunta sa ospital noon kaya hindi na namin siya dinala.”
Noong Disyembre 17, 2018 namatay si Jian.Hindi makalilimutan ng ina ni Jian ang araw na ‘yun. Ayon sa kanya, ayaw na ng anak niya na mawalay sa kanya. Tila naramdaman ni Jian na malapit na ang wakas ng maikling yugto ng kanyang buhay sa mundo, kaya sa pinakamamahal niyang ina niya ninais na magugol ang nalalabi niyang panahon. Nang araw ding ‘yun, alas-kuwatro ng hapon, tatlong (3) beses na huminga nang malalim si Jian. Ang tatlong (3) ‘yun pala ang pinakahuli niyang hininga sa mundong ibabaw.
Sa pamamagitan ng napatid na paghinga nagpapaalam ang mamayapa na. Sa pamamagitan ng malayang daloy na paghinga nabubuhay ang mga nagpapatuloy sa mga naiwang laban nila.
Natapos na rin ng PAO Forensic Team ang pang-125 at 126. Pare-parehong senyales at sintomas pagkatapos bakunahan ng experimental na bakuna. Pare-parehong nagdugo, namaga at lumaki ang mga “internal organ” at utak. Paano masasabing hindi “torture” ang nangyari bago nalagutan ng hininga ang mga kaawa-awang biktima?
Panay na naman ang pagpaparamdam, kilabot at pagtayo ng mga balahibo. Animo’y anino at kaluluwang humahanap ng katarungan. May kasunod na naman, pang-127 at 128. Mahabaging langit, wala na bang katapusan ito?
(Itutuloy)





Comments