Hangga’t nadaragdagan ang kanilang bilang, dumaraing tayo sa kanilang mga pinagdaanan... MGA BATANG
- BULGAR

- Mar 22, 2019
- 5 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ISANDAAN at dalawampu’t lima (125) na ang sumailalim sa autopsy ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team. Habang ipinagluluksa ang pagpanaw ng mga biktima at ng mga katulad nila na hindi inilantad ang mapait na kuwento ng pagkamatay, isang tula mula sa “Friends of PAO” na may malayang taludturan para sa mga biktima ng Dengvaxia, ang buong puso nating iniaalay:
Mandirigma para sa katarungan
“Buhay ay pinaglaruan ng tusok na kamatayan, waring walang pakialam ang may kapangyarihan.
Minamasdan lang ang unti-unting pagkabuwal.
Sana ay agapan ang mga anak ng Inang Bayan.
Balikat namin ay naging kanlungan na wari‘y bagwis na nanglulupaypay.
Luha ay unti-unting tinakasan sa tindi ng pighati at kalumbayan.
Wala na ang mga pakpak ng balita, iilan na lang ang nagsasaysay ng kaganapan.
Pumayag ang karamihan na ikubli ang kamatayan ng mga biktimang naghihirap sa karamdaman.
Sa langit umaasa ng awa at habag, kapangyarihang bumuhay at agawin sa kamatayan.
Subalit, ito ang tadhana, malagot hiram na buhay walang pagbabago, politika ang nangingibabaw.
Pagod na ang mga tagapagligtas.
Pag-asa ay unti-unti ring nagugunaw, O, Diyos! magsabog Ka ng kalakasan upang patuloy na maging kasangkapan.
Kasangkapan para sa katarungan!
Mandirigma na may buong lakas, walang sawa at humpay.
Para sa Inang Bayan sa kabila ng puwersa ng kasamaan isusulong ang bandila ng hustisya at katotohanan.”
Patuloy itong isusulong, lalo na ng mga naulilang magulang. Tulad nina G. Domingo at Gng. Yolanda Valdez, mga magulang ng pumanaw na si Maegan Claudio Valdez, labintatlong (13) taong gulang, dating estudyante ng Pilpila Elementary School, Pilpila, Santa Ignacia, Tarlac. Si Maegan ay tatlong (3) beses na naturukan ng Dengvaxia una noong Abril 18, 2016; pangalawa noong Oktubre 11, 2016 at pangatlo noong Hunyo 21, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay naganap sa kanyang paaralan na pinamunuan ng mga taga-health center ng Santa Ignacia, Tarlac.
Ang pagkakasakit ni Maegan ay nagsimula noong Abril 2018. Naging pabalik-pabalik noon ang pananakit ng kanyang ulo at madalas humilab ang kanyang tiyan. Pagkatapos nito ay sunud-sunod na niyang naranasan ang iba’t ibang karamdaman tulad ng panlalabo ng paningin ng kanyang kaliwang mata, pagkakaroon ng beke, gayundin ang kulani sa ilalim ng kanyang baba (Setyembre 2018); pagkakaroon ng lagnat at UTI (Oktubre 2018); pananamlay, kawalan ng ganang kumain, pamumutla (Disyembre 2018); paghihilab ng tiyan at pagsakit ng ulo (unang mga linggo ng Enero 2019). Gayunman, sa halos lahat ng mga pagkakataong ito pagkatapos siyang dalhin ng kanyang mga magulang sa doktor at pagkainom niya ng gamot ay nababawasan ang sakit na kanyang nararamdaman o umaayos ang kanyang pakiramdam.

Sa kasamaang-palad, nang pumasok ang kalagitnaan ng Enero 2019, nagsimulang lumubha ang sitwasyon ni Maegan. Ang mga sumusunod ay bahagi ng salaysay ng mga magulang ni Maegan hinggil sa mga paghihirap na sinapit ng kanilang anak bago tuluyang nalugmok ang murang katawan nito na humantong sa kamatayan:
“Kinaumagahan, ika-15 ng Enero 2019 ay dinala namin siya sa Gilberto Teodoro Memorial Hospital, Camiling, Tarlac. Siya ay isinailalim sa pagsusuri at base sa resulta ay may UTI ang aming anak at mababa ang kanyang platelet count. Sa kabila noon ay sinabihan kami ng doktor na negatibo siya sa dengue infection. Dahil dito ay na-admit sa ospital ang aming anak. Taas-baba noon ang kanyang platelet sa pagdaan ng mga araw.”
“Noong ika-18 ng Enero 2019 ay lumaki at tumigas ang tiyan ng aming anak. Nakaranas siya noon ng mas matinding sakit ng tiyan, puson at sikmura. Noong ika-20 ng Enero 2019 ay na-ultrasound ang tiyan ng aming anak at base sa nakita ng espesyalista ay may tubig ang tiyan niya. Dumumi noon ang aming anak ng kulay itim na parang dinuguan.”
“Noong ika-23 ng Enero 2019 ay dinala namin siya sa pediatrician. Base sa pagsusuri sa kanya ay dalawampu’t walo(28) ang kanyang platelet count at anim (6) ang hemoglobin level niya. Sinabihan kami ng doktor na kailangang ilipat sa malaking ospital ang aming anak. Noon kasi ay banat na banat ang balat ng aming anak at manas ito. Sobrang sakit din ng kanyang tiyan. Siya ay dinala namin sa Tarlac Provincial Hospital. Ayon sa doktor ay kailangan siyang salinan ng dugo. Hindi nawawala noon ang pananakit ng tiyan ng aming anak. Iminungkahi ulit ng doktor na ipa-bone marrow aspiration ang aming anak, subalit, hindi na nangyari ‘yun dahil hindi na kaya ng kanyang katawan.”
“Noong ika-7 ng Pebrero 2019 ay nailabas na sa ospital ang aming anak. Sinabi pa niya sa amin na nagtataka siya kung bakit biglang lumalala ang kanyang karamdaman, lalo na nu’ng namalagi siya sa ospital.
“Noong ika-11 ng Pebrero 2019 ay nanghina ang tuhod ng aming anak. Hirap siya noong makatayo at mula noong araw na ‘yun ay naging mainitin na ang ulo niya at madalas na siyang masungit. Nawala na rin ang gana niya sa pagkain. Sa tuwing siya ay kumakain ay isinusuka niya rin ito. Namamanhid din ang kanyang mga paa. Nagreklamo rin siya na parang usok ang kanyang nakikita. Nanlalabo na pala noon ang paningin ng aming anak.”
“Noong huling linggo ng Pebrero 2019 ay pabalik-balik ang kanyang lagnat. Siya ay nagwawala at nananakit — napakalaking kaibahan sa dating ugali ng aming anak na may pagkamalambing.”
“Noong ika-28 ng Pebrero 2019 ay palagi nang naghahabol ng hininga ang aming anak. Hirap din siyang makatulog. Noong ika-1 ng Marso 2019 ay pinaliguan pa namin ang aming anak. Gustung-gusto niya noong ngumuya ng yelo. Nagrereklamo siya dahil naiinitan siya, kaya itinututok namin sa kanya ‘yung electric fan. Pagsapit ng alas-diyes(10:00) ng gabi ay nagreklamo sa amin ang aming anak at tinanong kami kung bakit mabilis ang pagtibok ng kanyang puso. Mainit noon ang kanyang pawis. Matapos noon ay dumumi ang aming anak.”
Noong araw din ng Pebrero 28, 2019, binawian ng buhay si Maegan. Ayon sa kanyang death certificate, ang naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw ay “acute myocardial infarction” (immediate cause); “probably, secondary to anemia” (antecedent cause); “probably, secondary to blood dyscrasia” (underlying cause). Ang mga ito ay hindi nagbigay-linaw sa naging kamatayan ni Maegan. Sa halip, ayon sa mga magulang ng nasawi ay hindi nila maiwasang mag-isip kung anong klaseng gamot ang naiturok sa aming anak at ikinamatay pa niya ito. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa mag-asawang Domingo at Yolanda ang mapait na sinapit ni Maegan. Dahil dito at sa mga naramdaman na sintomas ng mahal nilang anak, pinaniniwalaan nila na tulad ng mga sintomas na naramdaman ng mga iba pang batang nabakunahan ng Dengvaxia ang naranasan ng kanilang anak na pumanaw na, kaya napagdesisyunan nina G. at Gng. Valdez na humingi ng tulong-legal sa inyong lingkod. Dagdag pa rito, hiniling din nila ang serbisyo ng PAO Forensic Team upang maisagawa ng grupo ang forensic examination kay Maegan.
Kaugnay nito, sa ngayon ay inihahanda natin ang mga maaaring isampang mga kaso — kriminal, sibil at administratibo sa mga taong dapat managot sa pagkamatay ni Maegan. Siya ang pang-isandaan at dalawampu’t dalawa (122) sa mga sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team.
Malambing na bata si Maegan, may mga sandali lamang noong papalubha na ang kanyang nararamdaman na nag-iba ang kanyang ugali. Nariyang mainit ang kanyang ulo at siya ay nagsusungit, may mga pagkakataon naman na siya ay nagwawala at nananakit. Noong Pebrero 28, 2019, araw ng pagkamatay ni Maegan, nagawa niyang mag-iwan ng alaala ng totoo niyang pagkatao bago siya yumao. Anang kanyang ama na durog na durog ang puso sa matamis sanang alaala ng paglalambing kundi lang nauwi sa kamatayan ang yugtong ito:
“Noong pagsapit ng alas-onse y media (11:30) ng gabi ay naglambing pa ang aming anak sa akin. Sinabihan niya ako na kandungin ko raw siya para masarap ang tulog niya na siya namang aking ginawa. ‘Yun pala ang huling lambing at hiling sa akin ng aking anak dahil pagkatapos noon habang kandung-kandong ko siya ay tuluyan na kaming nilisan ng aming pinakamamahal na anak na si Maegan.” Kung maaari lamang madala sa lambing si kamatayan, alam na natin ang hiling ng mag-asawang Domingo at Yolanda – ang hayaang mabuhay nang malaya sa anumang karamdaman ang mahal nilang si Maegan, pero dahil imposible ito, tuloy ang laban natin para kay Maegan at sa iba pang biktima para makamit na nila ang katarungan.
(Itutuloy)




Comments