top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Tila paruparo na naghahanap ng kasagutan... MGA BATANG NINAKAWAN NG BUHAY NG MABAGSIK NA BAKUNA, BIG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 15, 2019
  • 6 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ANG pangalang Trisha Mae ay may magagandang kahulugan. Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng ma­lalim na pagpapahalaga sa mga bagay na may kabu­luhan, gayundin ang matinding pagnanais na makapag­lingkod sa sangkatauhan. Sa kasamaang-palad, bago pa man lubusang mamukadkad ang nasabing mga katangian sa katauhan ni Trisha Mae A. Solamo, siya ay binawian ng buhay sa murang edad na sampu (10).

Ang yumaong si Trisha Mae ay dating estudyante ng Concepcion Elementary School, Concepcion I, Marikina City. Siya ay naturukan ng Dengvaxia ng isang (1) beses noong Oktubre 19, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa Health Center ng Concepcion II, Marikina City na pinangunahan ng mga nangangasiwa roon. Ayon sa mga magulang ni Trisha Mae na sina G. Rosalio C. Solamo, Jr. at Gng. Marlene A. Solamo, noong Oktubre ng nakaraang taon (2018) ay napansin nila na ang kanilang anak ay naging bugnutin, mainitin ang ulo at tulog nang tulog. Siya ay nag­reklamo rin ng pananakit ng ulo, tiyan at batok.

Gayunman, anila, kapag si Trisha Mae ay pinaiinom nila ng paracetamol sa tu­wing nakararanas ito ng mga karam­da­man ay bumubuti naman ang kanyang kondisyon. Ngunit, noong Disyembre 2018, nang muling maranasan ni Trisha Mae ang mga nabang­git na sintomas, “isinusuka niya ang kanyang kinakain,” pagtatapat ng nasa­bing mag-asawa nang may panlulumo.

Pagsalubong ngayong 2019, napansin nila si Trisha Mae na tulog pa rin nang tulog. Siya ay nagkaroon ng lagnat noong Enero 19. Humina na rin ang katawan nito at nag-umpisang mangayayat at dahil sa mga ka­kaibang nararamdaman sa katawan ni Trisha Mae, dinala siya ng kanyang mga magulang sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Marikina City noong Enero 26. Ayon kina G. at Gng. Solamo, sa nasabing ospital ay napag-alaman nila ang sumu­sunod:

“Base sa resulta ng eksaminasyon at ng doktor ay may UTI diumano ang aming anak. Siya ay lalong nanghina noon. Siya ay nagsusuka at nanghihina ang kanyang ka­tawan. Niresetahan siya ng antibiotics”.

Dahil hindi bumuti ang kalagayan ni Trisha Mae kung saan tuluy-tuloy ang hindi magagandang pagbabago sa kanyang kalusugan na ikinabahala ng kanyang mga magu­lang, dinala siya ng mga ito sa Quirino Memorial Medical Center, Quezon City. Naalala nina G. at Gng. Solamo ang mapapait na dinanas ni Trisha Mae roon:

“Siya ay dinala sa isolation room kung saan niresetahan siya ng antibiotic para sa kanyang UTI. Noong sumunod na linggo ay nagpatuloy ang lagnat ng aming anak. Ito ay hindi bumababa sa kabila ng mga gamot na ipinapainom sa kanya. Sinabayan pa ito ng matinding pananakit ng kanyang ulo at pagsusuka”.

Noong Pebrero 2019, sumailalim si Trisha Mae sa iba’t ibang pagsusuri gamit ang x-ray, CT scan at operasyon. Sa kabila ng lahat ng mga medikal na pamamaraang ito at pagkalinga ng kanyang mga magulang, hindi naging maayos ang kalusugan ni Trisha Mae — sa kasamaang-palad, siya ay humantong sa halos “comatose” na kalagayan. Narito ang mga naganap kay Trisha Mae noong Pebrero 2019, ayon sa kanyang mga magulang:

“Noong ika-4 ng Pebrero 2019 ay isinailalim sa x-ray ang aming anak. Base sa resulta ay may pneumonia siya. Ang kanyang kaliwang mata ay namaga rin nu’n. Siya ay nag-seizure at nanigas ang kanyang katawan. Hindi na siya makausap nang maayos at umuungol na lang sa tuwing ki­na­kausap namin siya. Pagkatapos nu’n ay nawalan ng malay ang aming anak sa loob ng tatlong (3) araw. Siya ay isinailalim sa CT scan at base sa resulta ay mayroon diumano siyang hydrocephalus at TB meningitis. Makalipas nu’n ay bumalik naman ang pagtugon ng katawan ng aming anak. Siya ay nagising, subalit, palagi siyang natutulog. Lumipat din sa kanan ang pamamaga ng kanyang mata.

Noong ika-17 ng Pebrero 2019 ay inoperahan sa ulo ang aming anak. Pagkatapos operahan ang aming anak ay hindi na siya muling nagising. Ayon sa doktor ay ha­los “comatose” na ang aming anak. Umabot rin sa 170/140 ang BP niya at mataas ang kanyang lagnat. Naka­gagalaw pa rin naman siya at nakararamdam kahit siya ay nakapikit na lang. Amin ding nakikita ang pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata.”

Pagsapit ng Marso 2019, mistulang nakikipag-agawan sa karit ng kamatayan sina G. at Gng. Solamo, mailigtas lamang ang buhay ni Trisha Mae. Hanggang sa kahuli-hu­lihang hininga ng kanilang anak ay isinasalba nila ito. Narito ang mga sandaling ‘yun na tila mga sariwang sugat na nagdudulot hanggang ngayon ng matinding sakit sa alaala nina G. at Gng. Solamo:

“Noong ika-1 ng Marso 2019 ay pinainom ng gamot ang aming anak, subalit, isinuka niya ito. Bakas sa kanyang mukha na siya ay dehydrated. Dahil du’n ay nangulubot din ang kanyang balat. Base sa hitsura ng aming anak noon ay brain dead na siya. Noong hawakan namin ang kanyang ulo ay malamig na ito.

“Noong ika-2 ng Marso 2019 ay bumaba ang BP ng aming anak. Naging mabilis din ang tibok ng kanyang puso. “Noong ika-3 ng Marso 2019 ng umaga ay bumagsak ang kondisyon ng aming anak. May lumabas na puting bula sa kanyang ilong nu’n at bumaba nang bumaba ang kanyang BP. Siya ay nag-agaw-buhay kung saan sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit, wala na silang nagawa at tuluyan na kaming nilisan ng aming pinakamamahal na anak.”

Mapait na nasambit nina G. at Gng. Solamo: “N­apa­kasakit para sa amin ang biglaang pagpanaw ng aming anak na si Trisha Mae”. Sa kanilang gunita, ang kanilang anak ay masigla, aktibo at malusog na bata. Kaya nakapag­tataka na bigla na lamang siyang nagkasakit at ikinamatay pa niya ito. Bilang tugon sa mga pagpaparamdam sa kanila ni Trisha Mae at pagpapakita nila ng pagpapahalaga sa alaala nito at walang hanggang pagmamahal, gayundin upang masagot ang “palaisipan” hinggil sa karamdamang naghatid sa mapait na kamatayan nito, lumapit sa inyong lingkod, sa Public Attorney’s Office (PAO) at PAO Forensic Team ang mag-asawang Solamo. Anila: “Nang dahil sa palaisipan sa amin ang sanhi ng karam­daman ng aming anak na si Trisha Mae at ang mga naram­daman niyang sintomas ay ka­halintulad ng mga sintomas na na­ramda­man ng mga iba pang batang na­bakunahan ng Dengva­xia na pumanaw na ay na­pag­desisyunan naming humingi ng tulong-legal kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa forensic exa­mination ang labi ng aming anak na si Trisha Mae. Ito ay para malaman na­min ang na­ging sanhi ng kan­yang agarang kamata­yan.”

Bilang tugon sa kahilingan ng mag-asawang Solamo, kasama na ngayon ang kaso ni Trisha Mae sa mga ipinagla­laban ng PAO at ang labi niya ay ang pang-isandaan at dala­wampu’t isa (121) sa mga sumailalim sa forensic exami­nation ng PAO Forensic Team pagkatapos na ang mga ito ay naba­kunahan ng Dengvaxia at namatay. Pare-pareho ang nangyaring kasawian sa 121 bi­nakunahan.

Kapareho rin si Trisha Mae na may gani­tong gross forensic autopsy fin­dings: 1. Brain bleeding, edema, severe; 2. Lungs bleeding, edema; 3. Liver, kidney, spleen en­largement. Mga side-effect (vis­cero­tropism: multi-organ failure, bleeding, en­largement and edema and neurotropism: brain bleeding and edema) na sang-ayon sa deklarasyon ng Sanofi na gumawa ng Deng­vaxia noong ika-22 ng Disyembre, 2015. Mga pagdurugo, paglaki at pagkasira ng utak at laman-loob. Paano ma­kakayanan ng biktima na hindi muna idinaan sa “screening and blood test” bago turukan ng Dengvaxia, samantalang, clinical trial pa?

Nakalulungkot dahil walang antidote at standard alterna­tive measures para masagip ang mga biktima sa bangis ng inaming side-effect ng Sanofi, ngunit, inilihim sa kaala­man ng publiko. Animo’y lason na walang lunas na unti-unting magpapadugo sa mga ugat at litid ng biktima hanggang sa magka­roon ng pamamaga at paglaki ng internal or­gans at utak na mistulang nalulunod sa sariling dugo ang loob ng ulo at kanilang katawan.

Maigi pa ang nalulunod sa ilog o dagat ay puwedeng sagipin ng manlalangoy. Pero, ang masaklap na kapalaran ng mga bikti­mang mahina ang resistensiya ay tina­talo ng bangis ng mikrobyo na pumasok sa sistema ng buong katawan nila.

Kailan lang habang ako ay nasa aming munting hardin ay may puting paruparo na naman akong nakita. Nangilid ang aking luha na halos natuyo na sa paglipas ng 121 Dengvaxia vaccinees na namatay na na-au­topsy ng PAO Forensic Team.

Puting paru­paro muli ito — wala man itong kakayahang maisatinig ang mga papa­rating na pangya­yari, ang pagpapakita nito ng mga sandaling ‘yun ay pagbabadya ng trahedya na pagka­raan ng ilang araw ay ubod-lungkot kong nakumpirma dahil may pang-122, 123 at 124 na naman pala.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page