“No vaccination, no enrollment” kontra tigdas


HINDI pa rin natatapos ang usapin sa bakuna.
Kailangan itong pag-usapan dahil may mga kaso pa rin ng tigdas at dengue na ang isa sa sinasabing sanhi ay ang hindi pagpapabakuna.
Kaugnay nito, nagtutulung-tulong na ang mga ahensiya ng gobyerno para mahikayat ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak.
Pinag-aaralan ng Department of Education ang panukala ng Department of Health na ipatupad ang “no vaccination, no enrollment” policy sa mga pampublikong eskuwelahan.
Kasabay ito ng kinahaharap na tigdas outbreak sa ilang lugar sa bansa kung saan daan-daang kaso na ang naitala.
Gayunman, iginiit ng pamunuan ng DepEd na isasaalang-alang pa rin ang karapatan ng mga estudyante.
Samantala, base sa huling datos ng DOH, nasa 11,459 ang kaso ng tigdas sa buong bansa at umabot na sa 189 ang namatay.
Kaugnay nito, aabot sa higit sa dalawang milyon katao ang target ng DOH na mabakunahan kontra tigdas at hindi lamang mga bata kundi maging ang mga senior citizen.
Bukod sa mga bata, madali ring mahawa ng measles virus ang mga may edad dahil sa paghina ng kanilang resistensiya.
Kaya sa mga taga-Metro Manila at ilang mga lugar sa bansa, bukas na rin tuwing Sabado at Linggo ang mga health center kaya magpabakuna na.





Comments