Sa kabila ng mga paratang na sa amin ay ibinibintang...KATARUNGAN PARA SA MGA BATANG BIKTIMA NG DENG
- BULGAR

- Feb 8, 2019
- 6 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

“Nagbabagsakan na naman ang mga gamit ko — cellphone, salamin sa mata at libro kahit wala namang gumagalaw o kumakalikot dito”, ito ang mensahe ko kay Gng. Sumachen Dominguez ng Samahan ng Mga Magulang Anak na Biktima ng Dengvaxia (SMABD). “Chief, ako rin hindi nakatulog magdamag, ‘yun pala, may patay na naman,” sagot na may kalungkutan ni Sumachen.
Hindi ako matatakutin, pero bakit kaya balisa ang mga kaluluwa ng mga biktima habang may trolls na nagsasabi na kasalanan ko at ng PAO ang outbreak ng measles virus? “Bakit nila sinisisi ang PAO at si Chief Acosta? Si Chief Acosta ba ang nagturok at nag-eksperimento mula 2016 hanggang 2017 sa halos isang (1) milyong Pilipino? Huwag nilang ilihis ang isyu. Ang kasalanan nila ay isinisisi sa iba”, mariing sagot ng samahan. Sa sinabi nilang ito, naisip ko na marahil kaya nagpaparamdam sa amin ni Sumachen ang mga biktimang pumanaw na ay dahil kabado rin sila na sadyang inililihis ang tunay na isyu na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Bagama’t, halos lahat ng mga pamilya ng mga biktima ay maralita, hindi sila basta maloloko ng mga maling katwiran. Salat sila sa materyal na bagay, ngunit, hindi sila kapos sa matuwid na pag-iisip, lalo na kapag ito ay hinggil sa hustisyang nais nilang makamit para sa kanilang mga anak na binawian ng buhay. Kabilang sa mga ito ang pamilya ng yumaong si Jarmie Billones Alim. Si Jarmie ay labintatlong taong gulang na dating mag-aaral sa Penafrancia Elementary School, Antipolo, Rizal. Siya ang ikaisandaan at labinlimang (115) namatay na biktima na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na matanggap ng nasabing grupo ang kahilingan ng mga magulang ni Jarmie hinggil sa nabanggit na pagsusuri.

Ayon sa mga magulang ni Jarmie na sina Ruel Damaso Alim at Lucila Billones Alim, ang kanilang anak ay naturukan ng bakuna kontra dengue ng isang (1) beses noong ika-28 ng Abril 2016. Ang nasabing pagturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Pinatotohanan nila ito sa pamamagitan ng Dengue Vaccine Immunization Record ni Jarmie.
Ang pagkakabakunang ito ni Jarmie ang tila ugat na gumapang nang malalim at malawak sa murang katawan nito. Ang tila ugat na inaasahang magsisilbi bilang angkla upang huwag maitumba ng karamdaman ay siya pang nagpakalat ng animo’y lason na sumira sa kalusugan ni Jarmie. Narito ang bahagi ng kuwento ng mga magulang ni Jarmie sa nalalabing araw ng kanilang anak na nagwakas sa hirap at dusa:
“Si Jarmie ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay mahilig sumayaw at madalas na nakikilahok sa sayawan sa aming lugar at sa kanyang paaralan. Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman si Jarmie na nangangailangan na siya ay maidala sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw”.
“Buwan ng Mayo 2017 nang biglang nagbago ang pag-uugali ng aming anak. Naging matigas at mainitin ang kanyang ulo at hirap mautusan. Naging palaisipan ito sa amin dahil hindi naman siya dating ganu’n na mainitin ang ulo at palaging nakikipag-away kapag inuutusan. Nagpatuloy ang pag-uugali niyang ito hanggang sa taong kasalukuyan”.
“Noong ika-20 ng Enero 2019 nang uminda ng pananakit ng kanang tuhod ang aming anak. Maghapon siyang natulog nu’n at pagsapit ng gabi ay nagkalagnat siya. Nagreklamo rin siya nu’n ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga at dahil hindi bumuti ang kanyang kalagayan ay dinala namin siya sa Sunico Medical and Maternity Clinic, Antipolo City upang ipatingin sa doktor noong ika-21 ng Enero 2019. Doon ay sinuri ng doktor ang kanyang tuhod. Binigyan siya ng gamot na Celecoxib at Prednisone matapos makitang namamaga ang kanyang kanang tuhod. Pagkatapos ng check-up ay pinauwi na rin kami sa bahay. Pagkadating namin sa bahay ay pinainom na namin siya ng gamot at bahagya namang nakatulong sa kanya ang mga ito at nakatulog siya. Pagsapit ng gabi nang mawala na ang epekto ng gamot ay bumalik na naman ang sakit ng kanyang tuhod at hindi na naman siya makatulog”.
“Noong ika-22 ng Enero 2019, dahil hindi bumuti ang kanyang kalagayan at hirap pa rin siyang huminga ay nagpasya na kaming dalhin siya sa ospital. Dinala namin siya sa Padilla District Hospital, Antipolo City. Pagdating namin sa ospital ay kinabitan siya ng dextrose at oxygen. Nagkalagnat din siya nu’n nang mataas at may lumabas na mga rashes sa kanyang mukha. Ito ay kumalat sa kanyang katawan. Hindi na rin siya makagalaw nu’n dahil sa labis na pananakit ng kanyang tuhod at hirap sa paghinga. Dahil hindi inaasikaso nang maigi ng ospital ang aming anak ay humiling siya na ilipat siya ng ibang ospital na siya naman naming ginawa”.
“Noong ika-23 ng Enero 2019 ay inilipat nga namin siya sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City. Nagwawala nu’n ang aming anak dahil siya ay gutom na gutom na. Tinatanggal din niya ang mga aparato na nakakabit sa kanyang katawan at dahil nagwawala siya ay itinali pa ang aming anak. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri tulad ng X-ray, CT Scan at iba pa. Lumala noon ang paninikip ng kanyang dibdib at pananakit ng kanyang tuhod. Magdamag na hindi nakatulog ang aming anak”.
“Noong ika-24 ng Enero 2019 ay patuloy sa paglala ang mga hindi magagandang nararamdaman ng aming anak. Gutom na gutom nu’n ang aming anak at siya ay humiling sa amin na itakas siya sa ospital. Kung anu-ano na rin ang mga sinasabi ng aming anak”.
“Nang magtanong kami kung ano ang kalagayan ng aming anak ay tumugon ang doktor na puti na diumano ang baga ng aming anak at kumalat na ang impeksiyon sa kanyang paa. Nabanggit pa nga namin na baka dulot ito ng Dengvaxia vaccine, subalit, sinabi ng doktor na hindi raw kaugnay ang bakuna sa mga ito”.
“Pagsapit ng tanghali ng parehong araw ay in-intubate ang aming anak matapos siyang turukan ng pampatulog. Kinabitan din siya ng hose sa kanyang ilong kung saan may lumalabas na dugo. Hindi na muling nagising pa ang aming anak, subalit, minsan ay kita ang pagluha ng kanyang mga mata. Bandang alas-singko ng hapon nang nawalan ng tibok ng puso ang aming anak. Na-revive naman ng doktor ang aming anak. Pagsapit ng alas-siyete ng gabi ay sinalinan siya ng dugo. Ayon sa mga doktor ay kumalat na ang impeksiyon sa kanyang kanang paa. Magmula noong tanghali, hindi na nagkamalay pa ang aming anak”.
“Pagsapit ng alas-singko y media nang umaga ng ika-25 ng Enero 2019 nang mag-agaw buhay ang aming anak. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit, pagsapit ng alas-sais ng umaga ay tuluyan nang pumanaw ang aming anak na si Jarmie”.
Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang agarang pagpanaw ay “Disseminated Intravascular Coagulopathy” (immediate cause); “Septic Shock” (antecedent cause); “Pediatric Acute Respiratory Distress Syndrome” (underlying cause); “Cellulitis, right leg” (other significant conditions contributing to death).
Ayon sa mag-asawang Ruel at Lucila Alim, naging palaisipan sa kanila ang sanhi ng karamdaman ng kanilang anak na si Jarmie. Anila, “Ang mga naramdaman niyang sintomas ay tulad ng mga sintomas na naramdaman ng mga iba pang bata na nabakunahan ng Dengvaxia na pumanaw na kaya napagdesisyunan naming humingi ng tulong-legal kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta at upang isailalim sa forensic examination ang mga labi ng aming anak na si Jarmie”.
Sa kabila ng paglilihis ng isyu, malinaw sa alaala ng ama ni Jarmie na si Ruel kung paano naging instrumento ang kapirasong papel upang makuha ang kanyang tiwala na pabakunahan ang kanilang anak.
Nanatiling matibay ang paninindigan ng mga magulang ni Jarmie. Anila, “Kung hindi sana nabakunahan si Jarmie ay nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi nang agaran niyang pagkamatay. Kaya kinakailangan na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak na si Jarmie.”
Ang tatag ng kalooban ng mag-asawang Ruel at Lucila Alim sa gitna ng laban, ang buo nilang pagtitiwala sa amin ay aming inspirasyon na manatili nilang sandigan sa kabila ng paninira sa amin at sa aming tanggapan.
Maging ang mga pagpaparamdam ng mga balisang kaluluwa ng mga namatay na biktima ay nagpapatatag sa amin. Dahil dito at sa patuloy na suporta ng marami, hinding-hindi namin sila bibiguin. Ang kanilang mga kahilingan ay aming tutugunan sa kabila ng pag-uuyam ng nasasakdal laban sa amin. Tatandaan namin ang mga huling kataga ni Jarmie bago siya malagutan ng hininga, “magpapahinga na ako”.
(Itutuloy)





Comments