Sey ng experts… OLIVE OIL, EPEKTIB NA PAMPATIBAY NG MGA KUKO!
- BULGAR
- Feb 7, 2019
- 2 min read

MARAMI sa atin, partikular ang mga dalagita, ang nakararanas ng pagkakaroon ng marupok na mga kuko. Oh, ‘yung kuko ang marupok, hindi kayo, ha? Charot! Upang magamot ang mga ito, may ilan sa atin, eh, gumagastos pa para sa mga cream at ointment, pero, knows ba ninyo na ang olive oil ay epektibo bilang pampatibay ng mga kuko?
Weh, ‘di nga?
Ayon sa mga eksperto, may kaugnayan sa pagtanda ang pagiging marupok ng mga kuko, ngunit, mayroon ding indibidwal na nakararanas nito habang sila ay medyo bata pa.
Ito ay dahil sa madalas na paggamit ng nail polish dahil napaninipis nito ang nail bed at cuticle, gayundin, ang pagnipis ng mga kuko.
Gayunman, ang labis na pagka-exposed sa dry areas at tubig ay maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng marupok na mga kuko, gayundin, ang madalas na paggamit ng nail polish, partikular kapag makapal ang pagkakalagay nito. May ilan umanong uri ng nail polish ang nagkokotamina ng matapang na uri ng kemikal dahilan para maging manipis at marupok ang mga kuko paglipas ng panahon.
Pero, sey ng experts, may mga paraan nang nadiskubre nang sa gayun ay mapatibay ang mga kuko gamit lamang ang ilang bagay na matatagpuan sa loob ng bahay, partikular sa kusina.
Kabilang dito ang olive oil kung saan ayon sa mga eksperto, ang pagmamasahe sa mga kuko gamit ang olive oil ay nakatutulong sa mabilis na pag-a-absorb ng calcium. Ito umano ang pinakamabisa at pinakamurang paraan upang muling tumibay ang marupok nating mga kuko.
Gayunman, ang olive oil ay nagtataglay ng Vitamin E na nakatutulong sa mga kuko at cuticle nito upang tumubo nang matibay.
Ang nabanggit na vitamin din umano ang nakapagbibigay ng moisturizing effect sa olive oil upang mas mabilis na ma-absorb ng mga kuko ang nutrients mula rito.
Samantala, mayroong iba’t ibang paraan ng paggamit ng olive oil upang tumibay ang mga kuko. Isang paraan nito ang pagmamasahe sa mga kuko para magawa ito, lagyan lamang ng olive oil ang lahat ng kuko at isa-isa itong masahihin nang paikut-ikot. Gawin ito tuwing gabi at hayaan itong nakababad nang buong magdamag.
Sa ganitong paraan, mas mapabibilis ang pagbalik ng moisture na nawala sa mga kuko.
Dagdag na payo ng mga eksperto, regular na linisan ang mga kuko upang maiwasan ang pagdami ng bakterya rito. Iwasan din ang pagkagat sa mga kuko dahil isa ito sa mga dahilan ng paglambot nito.
Gayunman, mas maganda umano ang magiging epekto sa mga kamay at kuko kung regular na gagamit ng hand cream o moisturizing oil.
Oh, ayan, dehins na pala natin kailangang gumastos nang malaki para mapatibay ang ating mga kuko dahil olive oil lang, sapat na! Make sure rin na susundin ninyo ang payo ng mga eksperto nang sa gayun ay pak na pak na ang inyong mga kuko.
Gets mo?
Comentários