P75 bilyong pondo na tinapyas sa DPWH, mapunta sana sa karapat-dapat na ahensiya


MATUTULDUKAN na ang kontrobersiyal na P75 billion budget na idinagdag ng Department of Budget and Management (DBM) sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nagkasundo ang mga senador na tanggalin ang nasabing pondo matapos aminin ni DPWH Sec. Mark Villar na hindi niya alam ang sinasabing ‘insertions’ ng DBM.
Bagama’t, ayon sa Malacañang, hindi umano maituturing na insertions ang nasabing P75 bilyon dahil inilagay ito ng DBM sa proseso pa lamang ng preparasyon ng budget.
Gayunman, inirerespeto nito ang ginawang pagbabago ng Kongreso dahil mandato nila na amyendahan ang budget.
Kasabay nito ang pagtitiyak na hindi magkukulang ang budget para sa “Build, Build, Build” programs ng administrasyon. Ayon pa sa Palasyo, may mapaghuhugutan naman daw ng pera.
Samantala, saan naman mapupunta ang P75 bilyong tinapyas na budget? Ayon sa isa sa mga mambabatas, hinahanapan na ng angkop at kapaki-pakinabang na patutunguhan ang nasabing budget at hindi na umano bago ang magiging proseso nito.
Umaasa naman tayo na mapupunta ito sa karapat-dapat. Batid nating maraming sektor ang nangangailangan, lalo na ‘yung mga nauna nang natapyasan ang panukalang-pondo kung saan may mga programa ang malalagay sa alanganin.





Comments