top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Upang matahimik na ang balisa niyang kaluluwa...IPAGLALABAN NATIN ANG KATARUNGAN PARA SA WALANG AWAN

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 28, 2018
  • 4 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

“TINORTURE bago pinatay si Richard “Red” Santillan!”, ito ang sigaw ng kanyang mga kamag-anak. Ang kulay pula ay karaniwang iniuugnay sa kasi­yahan at kagitingan at para sa kanyang maybahay na si Gng. Jeanette L. Santil­lan, ang pula ay hindi lamang simpleng kulay sapagkat ito ay tumutukoy din sa palayaw ng kanyang giliw na asawa. Ngu­nit, noong Disyembre 10, 2018, ang naturang mga positibong kahulugan ng pula ay tila napalitan ng matinding ka­lungkutan at nakapanghihimagsik ng kalooban na kalapastanganan. Noong araw na ‘yun ay magkakaalinsabay na mga punglo at walang habas na pangla­la­pastangan sa pamamagitan ng tor­ture ang pumatay kay Richard Y. San­tillan, ang pinakamamahal na kabiyak ni Jeanette na si ‘Red’. Hindi maipi­pinta sa anumang ku­lay, kahit sa pula, ang karumal-du­mal na trahedya na sanhi ng kama­tayan ng nagpaparam­dam na si ‘Red’.

Noong Disyembre 10, 2018, namatay di­umano si ‘Red’ sa isinagawang police opera­tion ng mga operatiba ng TDPO HPG PHPT, Rizal, dahil sa mga tinamong torture sa mga paa ng kanyang asawa at sa iba pang bahagi ng katawan nito, ang kaso ni ‘Red’ ay inilapit ni Jeanette sa Public Attorney’s Office (PAO), alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 9745 (Anti-Torture Act of 2009). Sa kanyang liham sa PAO, noong Disyembre 14, 2018, hiniling ni Jeanette na isailalim sa re-autopsy ang bangkay ni ‘Red’.

Tumugon ang PAO sa kahilingan ni Jea­nette, sa pamamagitan nang pagpapadala nito sa PAO Forensic Team (PAOFT) sa pa­ngu­nguna nina Atty. Erwin P. Erfe, M.D. at Dr. Alexis Angelo Sulit, noong Disyembre 17, 2018 (Lunes) sa Cosmopolitan Funeral Homes sa Pasig City kung saan isinagawa ang re-autopsy. Nalantad sa eksaminasiyong ito sa bangkay ni ‘Red’ ang kalunus-lunos na sinapit niyang kamatayan. Siya ay nagtamo nang mahigit sa animna­pung (60) sugat na humantong sa torture tulad ng mga su­mu­sunod: “Puncture wounds in the abdo­men and back portion of his body; contusion, blunt trauma to the head; incised and lacera­ted wounds at the back of the victim; gunshot wounds sustained while he was still alive and those which were inflicted when he was al­ready dead as there were no tissue reaction seen on his body”.

Kasuklam-suklam na malaman na bukod sa mga itinudlang bala sa kanya nang siya ay may buhay pa, may mga punglo rin na pina­ka­walan sa kanyang wala nang buhay na katawan. Wala bang puso at paggalang sa pagkatao ng kanilang kapwa-tao ang mga pumaslang kay ‘Red’? Sila ba ay sadyang mga tampalasan? Sa wika ng mga nakatatanda na buo ang paggalang sa buhay, sa pagkatao at lahat ng mga itinuturing na sag­rado, tampa­lasan ang tila may apdo at hagu­pit na salita na siyang akma sa mga walang patumanggang yumuyurak sa dignidad lalo na ng wala nang buhay at walang kalaban-laban.

Noong Disyembre 18, 2018, ang Special Public Attorneys na naka-assign sa kaso ni ‘Red’ ay nagpadala ng liham kay PNP Direc­tor General Oscar David Albayalde, roon ay hiniling sa butihing opisyal na ibigay ang mga dokumentong may kinalaman sa kaso ni ‘Red’, kasama na rito ang autopsy re­port kaugnay ng sinasabi nilang legitimate operation na diumano ay naganap sa Block 17, Road 34 Planters, Westbank Floodway, Barangay San Andres, Cainta, Rizal at isina­gawa diumano ng TDPO HPG PHPT, Rizal. Bukod sa mga dokumentong nabanggit ay hiniling din ng nasabing grupo ng Public Attorneys na isauli ang mga personal na gamit ni ‘Red’, tulad ng cellphone, damit (t-shirt at pantalon) at kapares ng tsinelas ng yumao.

Ipinadala kay PNP Director General Oscar Albayalde ng Special Public Attor­neys ang naturang letter-request dahil sa ka­bila nang paulit-ulit na mahigpit na pakiki­usap tungkol sa pagbabalik ng naturang ma­hahalagang bagay ng employer ni ‘Red’ na si dating Congress­man Glenn Chong ng Biliran sa Bisaya ay patuloy pa ring hindi ibinibigay ng mga pulis ang mga ito. Sa ngayon, ang PAO ay wala pang natatanggap na letter-reply mula kay PNP Director General Oscar Albayalde.

Ang sasakyan ng kapatid ni Cong. Glenn kung saan nakasakay si ‘Red’ nang magkaroon diumano ng police ope­ration at tadtad ng napakaraming bala ay hawak pa rin ng naturang police opera­tives. Inirerekomenda ng PAO na mag­sagawa ang National Bureau of Investi­gation (NBI) ng forensic examination sa nasabing sasak­yan at ng crime scene re­cons­truction.

Tunay na sina Jeanette at ‘Red’ ay pi­nag­hiwalay ng napakapait na trahedya. Ma­higit isang dekadang pagsasama sa inuupa­hang bahay.

Gayundin, ang mag-among sina Cong. Glenn at ‘Red’ ay nagkahiwalay din, subalit, ang diwa ng pagkakawanggawa at makaba­yan ni ‘Red’ sa mga bata na umaasa sa kanya ay buhay na inspirasyon ni Cong. Glenn para ituloy ang paglilingkod para sa lahat. Kaya sa bawat pagpaparamdam ni ‘Red’ ay may pahiwatig na sumisigaw at lumuluha siya upang makamit ang hustisya.

Sa kabila nito, naniniwala tayo na ang pula ay magiging kulay pa rin ng kagitingan, bagama’t, ngayon ay maaaring hindi ito dagliang makapag­bibigay ng kasiyahan para kay Jeanette at sa kanilang mga anak.

Naniniwala tayo na patuloy at buong giting nilang ha­­harapin ang mga hamon na kaakibat ng kaso ni ‘Red’ nitong mga nala­labing araw ng 2018 at sa pagdating ng taong 2019. Kasama niya ang mga anak ng Inang Bayan at ang magigiting na abogado ng PAO sa laban niya para kay ‘Red’ hanggang sa makamit ang katarungan upang matahimik ang balisa niyang kaluluwa.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page