Katotohanan at katarungan na siyang magbibigay sa kanila ng katahimikan... MGA HINAGPIS NA NARARAMDA
- BULGAR

- Dec 14, 2018
- 3 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ISANDAAN at apat (104), sana ang bilang na ito ay para sa mga nawalang tupa na nahanap na dahil tiyak na may tuwa sa dibdib ang muling makita sila at may katiyakan na sila ay ligtas sa anumang panganib na nakaamba. Ngunit, sa kasamaang-palad, ang numerong ito ay kumakatawan sa mga biktima ng nakapipinsalang bakuna na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office Forensic Team (PAOFT). Gayunman, kahit sa ganitong paraan man lamang ay maipakita namin sa kanila ang aming pagmamalasakit sa pamamagitan ng aming mahusay at buong pag-iingat sa pagsusuri sa kanilang mga labi. At kumakapit pa rin kami sa paniniwalang makakamit natin ang mga bagay na ngayon ay ipinaglalaban para sa kanila — katotohanan at katarungan na siyang magbibigay sa kanila ng katahimikan.
Si Krisha Agonia, ang pang-isandaan at apat (104) sa nasabing mga biktima na nabigyan ng PAOFT ng naturang serbisyo. Siya ay batang babae, labing-apat (14) na taong gulang na may pangarap na maging titser upang maiahon sa kahirapan ang kanyang mga magulang na naninirahan sa bulubundukin ng Quezon Province.
Lalong tumindi ang panaghoy at pagtangis na walang patid. Ang bintang ng mga nasasakdal ay “drama lang ‘yan,” mga katagang nanunuya pa. Paano magiging drama ang tunay na buhay na batbat ng pagdurusa at pighati sa puso ng ina at ama na biniyayaan ng Diyos ng supling na mamahalin, habambuhay at hanggang kamatayan?
Sukdulan ang sama ng ilan na sinisisi pa ang mga magulang. Anila: “Pinabayaan n’yo ‘yan, kaya nagkasakit”, “umaarte lang ang anak ninyo”, “mababa pa ang lagnat, kaya umuwi muna kayo”, “malayo sa Dengvaxia ‘yan at nakatulong pa ‘yan sa kanya.”
Ang mga pangungusap na ito ay mistulang karayom na itinutusok din na parang herenggilya sa puso at damdamin ng mga magulang at ng kanilang mga anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaysaklap na hanggang sa huling hibla ng buhay at hininga, ang nasasambit na lamang ng biktima ay — “Nanay, tatay, basta po tandaan ninyo na mahal na mahal ko po kayo.”
Mula sa bayan ng Calauag, Quezon, may mga magulang na pumunta sa PAO upang ipa-autopsy ang kanilang mga anak na naturukan din ng bakuna. Handa na ang lahat — permiso at iba pa. Subalit, malungkot ang mga tumutulong dahil nang gabing ‘yun, bago magsagawa ng autopsy na sang-ayon sa kautusan ng Department of Justice (DOJ), may mga grupo na inilikas ang mga magulang at kaanak upang hindi na maabutan ng mga tumutulong na nakaayon sa batas upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima na walang kalaban-laban sa bagsik at kamandag ng naitarak sa kanilang murang katawan.
“Bakit sukdulan ang sama ng may kagagawan nito? Matinding cover-up, pagtatago ng krimen, pagtatakip para hindi dumami ang bilang ng naimbestigahan ng PAO”, ang sigaw ng magulang na ngayon ay labas-masok sa pagamutan dahil pinadodoktor ang mahal na panganay na anak.
“Ang bagal ng hustisya!” ang hinagpis ng doktor na eksperto sa internal medicine. “Paanong hindi babagal, nakaupo pa sa kapangyarihan ang mga idinedemanda at nagagawa pa ang gusto nila?” ang sagot naman ng isa. “May letter na ang VACC na masuspinde sila, pero hanggang ngayon ay may power pa sila,” ang pakli ni Dr. Francisco S. Cruz, na isang public health vaccination expert ng VACC.
Gaano karaming luha at buhay kaya ang aagos at malalagas sa tangkay ng panahon bago magkaroon ng tunay na hustisya? Ako ay nananalangin na sana sa karagatan ng luha ay walang malunod at mawalan ng pag-asa at ang tangkay ng panahon ay maging saksi sa paggawad ng pinakahihintay na hustisya bilang biyaya sa mga biktima at pamilya nilang pinahirapan.
“Pinag-eksperimentuhan ninyo ang mga anak namin, ginawa ninyong parang hayop, wala kayong awa!”, ito ang paulit-ulit na isinasambit ng mga magulang ng isandaan at apat (104) na namatay.
Mula sa madilim na hukay, ang mga ito ay tila mga mata na umiiyak at sumisigaw ng “hustisya”. Mga kaluluwa silang dati ay may buhay na bumigay ang resistensiya para labanan sana ang kamandag ng mikrobyo na itinurok sa kanila. Gayunman, puspos ng kagitingan ang kasaysayan ng kanilang pakikipaglaban.
(Itutuloy)





Comments