top of page
Search
  • BULGAR

May bago nang coach ang UST?

ni VA / Anthony E. Servinio - @Sports | September 18, 2020




Lalong humaba ang listahan ng mga nagnanais maging head coach ng University of Santo Tomas Men’s Basketball team matapos ipasa ni dating Metropolitan Basketball Association (MBA) gwardiya Lenny Reyes ang kanyang papeles. Isang dosena na ang aplikante para sa trabaho na binakante ni Aldin Ayo matapos ang walang pahintulot na ensayo ng Growling Tigers sa Sorsogon City noong nakaraang mga buwan.


“If given the opportunity, I am confident that I can help elevate the success of Tiger Basketball to its championship glory,” sulat ni Reyes sa kanyang liham kay Fr. Ermito de Sagun OP. Dala ng 49-anyos na si Reyes ang dalawang dekadang karanasan bilang coach at guro sa New Jersey sa Estados Unidos.


Matapos maglaro ng kolehiyo sa Susquehanna University sa Pennsylvania kung saan nagtapos siya ng kursong Kasaysayan at Agham Pulitika, nagsapalaran si Reyes sa Pilipinas at pinili ng Purefoods sa 1996 PBA Rookie Draft subalit hanggang sa reserba lang siya. Pumirma siya sa Cagayan de Oro Nuggets sa pagbukas ng MBA noong 1998 at lumipat sa Surigao Miners sa sumunod na taon bago magwakas ang kanyang karera sa Batangas Blades noong 2000.


Maliban kay Reyes, halos sabay tinanggap ng UST ang aplikasyon ni Chris Daleo na dating coach ng Thailand at Jinino Manansala ng Saint Clare College of Caloocan. Ang mga naunang nagpahiwatig ng interes sa pwesto ay sina Ernesto Ballesteros, Christopher Cantonjos, Sean Chambers, Ed Cordero, Sebastian de Vera, Aris Dimaunahan, Chris Gavina, Gilbert Lao at Bethune Tanquingcen.


Hindi na rin baguhan sa istilo ng Pinoy basketball si Daleo dahil madalas itong panauhin sa bansa noong head coach pa sya ng Hi-Tech Bangkok City.Ang huling pagkakataon na nagtungo sya ng Pilipinas ay noong nakaraang Disyembre para sa 30th Southeast Asian Games.


Ang nakita nya at naranasang pagtangkilik at pagmamahal ng mga Pinoy sa basketball ang naging dahilan kung bakit gusto nyang makapag coach sa Pilipinas. Si Manansala naman ay dating miyembro ng Growling Tigers squad na nasa ilalim ni coach Aric del Rosario noong 1999 hanggang 2003.


Sya ang dapat na papalit kay coach Bonnie Garcia bilang head coach ng Tiger Cubs, pero nagbitiw ito sa puwesto kasama nina coach Aldin Ayo dahil bahagi din sya sa kontrobersiyal na Bicol training ng Tigers.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page