top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 7, 2023


ree

Mga laro ngayon – Araneta Coliseum

11 am AdU vs. ADMU

1 pm NU vs. UP

3 pm UST vs. DLSU

5 pm FEU vs. UE


Nag-uwi ng hindi lang isa kundi dalawang higanteng panalo ang Ateneo de Manila University kontra sa kanilang malupit na karibal De La Salle University sa 86th UAAP Basketball Tournament noong Miyerkules. Naunang nagwagi ang Blue Eagles sa Lady Archers sa overtime sa Adamson University Gym, 87-70 at sinundan ng 77-72 panalo sa Green Archers sa MOA Arena.


Ipinagpag ng Ateneo ang alaala ng 64-77 talo sa National University noong Sabado, unang araw ng torneo. Nanguna sa Blue Eagles sina Chris Koon na may 19 at Ballungay na may 18 at 16 rebound, malayo kumpara sa laban sa Bulldogs kung saan tig-4 na puntos lang sila.


Sa women’s, nagsumite ng double-double sina Junize Calago (22 puntos, 10 rebound), Kacey dela Rosa (14 at 16) at Sarah Makanjuola (14 at 16). Sa ibang mga laro ng women’s, 2-0 na ang defending champion NU at tinambakan ang Far Eastern University, 95-58. Sumosyo din sa 2-0 ang University of Santo Tomas na wagi sa Adamson, 84-65, at University of the Philippines na nanaig sa University of the East, 66-48.


ree

Lilipat ang UAAP men’s ngayon sa Araneta Coliseum para sa tapatan ng mga walang talong NU at UP para sa liderato ng men’s sa 1 p.m. Aabangan ang salpukan ng mga dating Bulldogs na lumipat sa Fighting Maroons Janjan Felicilda at Reyland Torres laban sa kapwa guwardiya Steve Nash Enriquez at Kean Baclaan kasabay ng labanan sa ilalim nina MVP Malick Diouf ng UP at Omar John ng NU. Bubuksan ang araw ng AdU at ADMU sa 11 a.m. Magkikita ang UST at DLSU sa 3 p.m. at FEU kontra UE sa 5 p.m.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 05, 2023


ree

Mga laro sa Sabado – Araneta Coliseum

11 a.m. AdU vs. ADMU

1 p.m. NU vs. UP

3 p.m. UST vs. DLSU

5 p.m. FEU vs. UE


Nakibahagi ang University of the Philippines at National University sa maagang liderato ng 86th UAAP matapos ang hiwalay na tagumpay kahapon sa MOA Arena. Dinurog ng Fighting Maroons ang host University of the East, 84-69, at sinundan ng 71-65 pagpisa ng Bulldogs sa Far Eastern University para sa malinis na 2-0 kartada.


Tumalon ang UP sa 10-0 lamang na lumaki sa 42-16 bago magwakas ng first half.


Pumalag ang Warriors at tinabasan ang agwat sa siyam, 53-62, pero masyadong malalim ang butas at pumantay sila sa 1-1.


Halimaw muli ang numero ni MVP Malick Diouf na 19 puntos at 16 rebound. Tumira ng tatlong tres si kapitan CJ Cansino para magtapos na may 17 puntos bilang reserba.


Halos pareho ang tinakbo ng sumunod na laro at hindi pinatikim ng NU ang bentahe sa FEU na lumubog sa 0-2. Sinayang ng Bulldogs ang 18 puntos na lamang at sumandal sa mga mahalagang shoot ni Kean Baclaan sa huling minuto upang masigurado ang panalo.


Nagpasikat muli si Baclaan sa kanyang 15 puntos, 11 rebound at 7 assist. Para kay Coach Jeff Napa, kailangan lalong pagbutihan ng koponan lalo na at kapwa walang talo UP ang kanilang sunod na makakalaro ngayong Sabado sa Araneta Coliseum.


Samantala, nakamit ng Adamson ang unang panalo ng torneo sa 79-76 overtime pagtakas sa UST. Ipinasok ng Falcons ang unang 7 puntos ng overtime para sa 75-68 lamang at kumapit sa gitna ng huling hirit ng Tigers na nilasap ang kanilang pangalawa at pangkalahatang ika-15 sunod na talo buhat pa noong nakaraang taon.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 04, 2023


ree

Mga laro ngayon – MOA Arena

10 a.m. UP vs. UE

12 p.m. NU vs. FEU

2 p.m. AdU vs. UST

6 p.m. ADMU vs. DLSU


Kalilimutan na ang lahat ng mga nakaraang resulta sa paghaharap muli ng matagal na magkaribal na defending champion Ateneo de Manila University at De La Salle University sa tampok na laro ngayong Miyerkules ng 86th UAAP sa MOA Arena simula 6:00 ng gabi.


Naglabas agad ng bangis ang Green Archers sa kanilang 87-76 tagumpay sa Far Eastern University noong Linggo sa likod nina Best Player Kevin Quiambao, Evan Nelle at Michael Phillips. Kabaligtaran para sa Blue Eagles at nadapa sila kontra sa inspiradong National University Bulldogs noong Sabado, 64-77.


Subalit nawalan ng saysay ang mga numero na iyan at papasok sa laro na pantay ang dalawang paaralan. Para kay bagong DLSU coach Topex Robinson, inamin niya na matagal na niyang pangarap mahawakan ang Green Archers at nagagalak papasok sa kanyang unang ADMU-DLSU laro sa UAAP.


Para kay Coach Tab Baldwin ng Blue Eagles, umaasa siya na makakabawi ang koponan lalo na ang kanyang mga baguhan tulad nina Mason Amos at Joseph Obasa. Kailangang ipagpatuloy din nina Gab Gomez at kapitan Sean Quitevis ang kanilang ipinakitang husay laban sa NU.


Pinapaalala ng liga na hiwalay ang tiket para sa ADMU-DLSU. Palalabasin ang lahat matapos ang pangatlong laro sa pagitan ng Adamson University at University of Santo Tomas ng 2 p.m kung saan parehong hahanapin ng dalawang paaralan ang unang panalo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page