top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 03, 2023


ree

Mga laro sa Miyerkules – Adamson University

9 am AdU vs. UST

11 a.m. ADMU vs. DLSU

1 p.m. UP vs. UE

3 p.m. NU vs. FEU


Binuksan ng National University ang depensa ng kanilang korona sa 86th UAAP Women’s Basketball Tournament sa isang madaling 77-57 panalo sa Ateneo de Manila University sa Quadricentennial Pavilion ng University of Santo Tomas Linggo ng hapon.


Lamang ang Lady Bulldogs sa buong laro. Nanguna sa balansiyadong atake ang mga beteranang sina Camille Clarin at Karl Anne Pingol na parehong may 11 puntos.


Nakaiwas ang UST sa disgrasya sa sariling tahanan at nagising sa huling quarter upang talunin ang University of the East, 63-46. Nalimitahan ang Tigresses sa 5 puntos sa 3rd quarter at naagaw ng Lady Warriors ang lamang, 40-37, subalit ang UE ang inalat sa huling quarter at gumawa ng anim na puntos lang laban sa 26 ng UST.


Gumawa agad ng ingay si Kent Pastrana sa 20 puntos at sinundan ni Reynalyn Ferrer na may 17. Si Pastrana ay lumipat galing De La Salle University matapos ang 84th UAAP.


Sa MOA Arena, ginulat ng Far Eastern University ang pumangalawa noong 2022 DLSU, 75-68. Malaki ang ambag ng baguhang si Josee Kaputu na nagtala ng 27 puntos at 9 na rebound.


Sabay-sabay nagpakulay ng buhok bilang sagisag ng kanilang pagkakaisa, tinambakan ng University of the Philippines ang Adamson University, 92-61. Gumawa ng 17 puntos, 8 rebound at 4 assist si kapitana Justine Domingo.


Lilipat ang aksiyon sa Adamson Gym sa Miyerkules para sa apat na laro tampok ang inaabangang tapatan ng magkaribal Ateneo at DLSU sa 2nd game ng 11 a.m.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 02, 2023


ree

Magiting na lumaban ang kulang na Philippine Women’s Football National Team subalit masyadong malakas ang defending champion Japan na itinala ang 8-1 panalo sa quarterfinals ng 19th Asian Games Hangzhou Sabado ng gabi sa Wenzhou Olympic Sports Center. Kasing lakas ng ulan ang pagdating ng mga goal para sa mga Haponesa at nagpaalam ang Filipinas sa kanilang pinakaunang paglahok sa palaro.


Pinalabas si kapitana Hali Long sa first half bunga ng foul malapit sa goal kaya napilitang maglaro ang mga Pinay na 10 na lang. Kahit lamang sa tao, nahirapan pa rin maka-puntos ang Japan hanggang natawagan ng hand ball si Isabella Pasion at ipinasok ni Momoko Tanikawa ang iginawad na penalty kick sa ika-40 minuto.


Bumanat ang apat na goal ang reserbang si Mami Ueno sa ika-76, 78, 81 at 91 minuto.


Tinuldukan nila ang kanilang dominasyon sa pangalawang goal ni Osawa sa ika-94.


Haharapin ng Japan sa semifinals ang host Tsina na nanaig sa Thailand, 4-0. Ang kabilang semis ay sa pagitan ng Hilagang Korea na tinalo ang Timog Korea, 4-1, at Uzbekistan na nanalo sa Chinese-Taipei sa extra time, 2-1.


Sa gitna ng resulta, nananatiling positibo si Coach Mark Torcaso at napatunayan ng koponan na kaya nilang sabayan ang mga malakas na bansa sa Asya. Bibitbitin nila ang karanasan sa nalalapit na Paris 2024 Olympic Qualifiers Round Two ngayong Oktubre 23 sa Perth, Australia.


Makalalaban ng Filipinas ang Chinese-Taipei, Iran at host Australia sa Grupo B. Ang numero uno ng Grupo A, B at C ay tutuloy sa Round Three sa Pebrero, 2024 kasama ang may pinakamataas na kartada sa mga mag-papangalawa para sa dalawang tiket patungong Paris.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 02, 2023


ree

Mga laro sa Miyerkules – MOA Arena

10 a.m. UP vs. UE

12 p.m. NU vs. FEU

2 p.m. AdU vs. UST

6 p.m. ADMU vs. DLSU


Dinomina ng De La Salle University ang Far Eastern University, 87-76 at bigyan ng magandang simula ang kanilang bagong coach Topex Robinsons sa 2nd day ng 86th UAAP kahapon sa MOA Arena kahapon. Humugot ang Green Archers ng lakas mula sa mga beteranong sina Evan Nelle at Kevin Quiambao at hindi pinatikim sa Tamaraws ang lamang.


First half pa lang ay nagtrabaho si Nelle at nagbagsak ng 10 puntos at itinayo ng DLSU ang 48-39 bentahe. Dagdag pa riyan ay kailangang takpan ang pagkapilay ng bukong-bukong ng kapwa-gwardiyang si Mark Nonoy na dahilan ng hindi niya paglaro sa second half matapos mag-ambag ng 8 puntos sa 8 minuto.


Lalong uminit ang laro nina Quiambao at Michael Phillips at lumikha ng puntos mula sa lahat ng sulok ng sahig. Nagtapos na may 14 puntos at 14 rebound si Quiambao habang ipinasok ni Phillips ang 10 ng 13 puntos na may kasamang 7 rebound.


Napiling Best Player, inamin ni Quiambao na kailangan niyang piliin ang tira matapos ipasok ang lima lang sa kanyang 18 tira. Sa panig ng FEU, ipinagmalaki ni Coach Dennis Miranda ang Tamaraws na lumaban hanggang huli. Pumukol ng apat na 3-points si gwardiya Xyrus Torres para sa 19 puntos.


Samantala, ginulat ng National University ang defending champion Ateneo de Manila University, 77-64 noong Sabado ng gabi kung saan hindi nakaporma ang mga kampeon sa bangis ng Bulldogs. Umabot ng 70-50 ang lamang ng NU sa fourth quarter.


Nanguna sa Bulldogs sina kapitan Patrick Wilson Yu na may 12 at Steve Nash Enriquez na may 10 puntos. Nagtala ng tig-12 sina Gab Gomez at Anton Quitevis para sa Blue Eagles.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page