- BULGAR
- Oct 28, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 28, 2023

Naghatid ng matinding patikim ang Milwaukee Bucks sa 118-117 panalo sa bisitang Philadelphia 76ers sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Fiserv Forum. Ipinasok ng pinakabagong Buck Damian Lillard ang kanilang huling 11 puntos upang maabot ang bagong marka 39 puntos na pinakamarami para sa unang laro suot ang uniporme.
Tinuldukan ni Lillard ang kanyang gabi sa dalawang paniguradong free throw na may 12 segundo sa orasan, 118-114. Lumipat siya sa Milwaukee noong Setyembre at iniwan ang Portland Trail Blazers, ang kanyang tahanan mula pa noong 2012.
Sumuporta si Giannis Antetokounmpo na may 8 ng kanyang kabuuang 23 puntos at 13 rebound sa 4th quarter. Sinayang ng Milwaukee ang 57-38 lamang sa second quarter at bumangon ang 76ers upang itayo ang 102-94 bentahe at iyan ang hudyat para kay Lillard at Giannis na magtrabaho.

Sa gitna ng pagbalik ng NBA ay naiwan ang tanong sa estado ni James Harden sa 76ers.
Hindi pinayagan ang bituin na sumama sa lakbay at lumakas ang usapin na ililipat siya sa bagong koponan.
Sa isa pang laro, bumawi ang Los Angeles Lakers at pinalamig ang ng Phoenix Suns, 100-95. Sumandal ang Lakers sa apat na free throw ni Anthony Davis sa huling 7 segundo upang maipreserba ang kanilang unang tagumpay.
Halimaw si Davis sa kanyang 30 puntos at 12 rebound habang 21 si LeBron James.
Natalo ang Lakers sa World Champion Denver Nuggets noong isang araw, 107-119, upang buksan ang ika-78 taon ng liga.
Nagbagsak ng 39 puntos at 11 rebound si Kevin Durant para sa Suns at lampasan ang alamat na si Hakeem Olajuwon sa ika-12 na pinakamaraming puntos sa NBA. Umakyat si Durant sa 26,949 kumpara sa 26,946 ni Olajuwon at susunod niyang hahabulin si Elvin Hayes na may 27,313.






