top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 29, 2023



ree

Mga laro ngayong Linggo – Araneta

2 p.m. AdU vs. FEU

6 p.m. UP vs. ADMU

Naglabas ng matinding bangis ang De La Salle University upang pabagsakin ang National University, 88-78, sa pagpapatuloy ng 86th UAAP Sabado sa MOA Arena.


Umangat ang Green Archers sa 6-3 panalo-talo habang nagwakas ang magkasunod na panalo ng Bulldogs sa lima at bumaba sa 7-2.


Kumilos ang DLSU sa second quarter upang mabura ang 26-24 lamang ng NU at lumayo sa halftime, 50-39, sa likod ng 11 puntos ni Jonnel Policarpio. Mula roon ay inalagaan ng mabuti ng Green Archers ang kanilang lamang sa napapanahong shoot nina Kevin Quiambao, Evan Nelle at Mark Nonoy.


Nagtala si Quiambao ng bihirang triple double na 17 puntos, 11 puntos, 14 assist at dagdag apat na agaw. Sumunod sina Policarpio na may 15, Nelle na may 14 at Nonoy na 10 puntos at nakabawi ang DLSU sa 77-80 nilang talo sa parehong koponan noong Oktubre 15.


Sa unang laro, hindi pinaporma ng host University of the East ang University of Santo Tomas, 86-73. Lamang sa buong laro ang Warriors at tinapos ang kanilang limang magkasunod na talo para umakyat sa 3-6 habang lalong bumaba sa ilalim ng liga ang Tigers sa 1-8.


Nagsumite ng halimaw na numero si Precious Momowei na 17 puntos at 18 rebound habang 17 din si Abdul Sawat. Sumuporta si Ethan Galang na may 11 at inulit ng UE ang 80-70 panalo nila sa UST noong unang araw ng torneo noong Setyembre 30.


Samantala, magkikita sa ikalawang pagkakataon ang mga lumaban para sa kampeonato ng 85th UAAP Ateneo de Manila University (4-4) at University of the Philippines (7-1) ngayong Linggo sa Araneta Coliseum simula 6:00 ng gabi.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 28, 2023



ree

Mga laro ngayong Linggo – Optus Stadium

3:10 p.m. Pilipinas vs. Australia


Kumuha ng isa pang hakbang patungong Paris 2024 Olympics ang Philippine Women’s Football National Team matapos durugin ang Chinese-Taipei, 4-1, sa Round 2 ng Asian Qualifiers Huwebes sa Perth Rectangular Stadium. Bumida sa dalawang goal si Sarina Bolden at tumaas ang kumpiyansa ng koponan papasok sa mahalagang laban nila sa host Australia ngayong Linggo sa Optus Stadium.


Natapos ang first half na walang goal subalit naitala ng Taiwanese ang unang goal kay Hsu Yi Yun sa ika-47 minuto. Saglit lang at pinabagsak malapit sa goal si Meryll Serrano at ipinasok ni Bolden ang iginawad na penalty kick sa ika-54 upang itabla ang laban sa 1-1.


Naagaw ng mga Pinay ang lamang, 2-1, sa pasa ni kapitana Tahnai Annis kay Katrina Guillou sa ika-61. Mula roon ay walang nakapigil sa paghataw at dumagdag ng mga goal sina Bolden (83’) at Chandler McDaniel (90’).


Samantala, naitala ng Dynamic Herb Cebu FC ang kanilang unang panalo matapos ang dalawang talo sa kasabay na 2023-2024 AFC Cup laban sa bisita Shan United ng Myanmar, 1-0, salamat sa goal ni Ken Murayama sa ika-29 minuto sa Rizal Memorial Stadium. Ayon kay Coach Joshua Schirmer, mahalaga ang resulta para makabawi ang Gentle Giants sa Round 2 ngayong Nobyembre 9 sa pagdalaw nila sa Shan.


Ginto na naging bato ang nangyari sa isa pang kinatawan ng Philippines Football League (PFL) na Stallion Laguna at nakuntento sila sa 2-2 tabla sa Terengganu FC sa Malaysia.


Umarangkada ang Stallion sa 2-0 bentahe sa likod ng mga goal nina Griffin McDaniel (6’) na kapatid ni Chandler at Junior Sam (41’).

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 28, 2023



ree

Mga laro ngayong Sabado – Abu Dhabi, UAE

11:10 p.m. Beijing vs. Manila Chooks

3:30 a.m. (Linggo) Partizan vs. Manila Chooks


Ito na ba ang huling hirit ng Manila Chooks? Sasalang ang numero unong koponang Pinoy sa 2023 FIBA3x3 World Tour Masters sa Abu Dhabi Corniche ngayong Sabado sa layunin na makapasok ang bansa sa Paris 2024 Olympics.


Bibitbitin ng Manila ang kumpiyansa na nakamit buhat sa magandang ipinakita sa Al Bidda Park Challenger sa Qatar noong nakaraang Linggo kung saan tinalo nila ang bigating Antwerp Top Desk ng Belgium sa overtime, 14-12 – maituturing na pinakamalaking resulta sa kasaysayan ng koponan. Nasa kamay nina Paul Desiderio, Dennis Santos, Marcus Hammonds at Tosh Sesay ang susi na maulit ang tagumpay laban sa iba pang bigating Partizan ng Serbia at Beijing ng Tsina sa Grupo D.


Unang haharapin ang Beijing sa 11:10 ng gabi, oras sa Pilipinas. Pangunahin dito ang paano pipigilan ang kanilang import Nauris Miezis subalit dapat tutukan din ang mga kakamping sina Zhu Songwei, Liu Lipeng at Liu Changjiang.


Babalik ang Manila sa korte para harapin ang Partizan sa 3:30 ng madaling araw ng Sabado. Binubuo ang Partizan nina Stefan Milivojevic, Stefan Torbica at Marko Stevanovic na kabilang sa Top 10 manlalaro ng kanilang bansa at Andreja Milutinovic.


Ang Abu Dhabi ang ika-14 ng 17 yugto ng 2023 World Tour at susundan ng Wuxi (Nobyembre 4), Manama (Nobyembre 16) at Hong Kong (Nobyembre 25) bago ang Grand Finals sa Jeddah sa Disyembre 8. Ang unang 12 koponan na may pinakaraming puntos ang maglalaro sa Jeddah at ang Beijing at Partizan ay ika-8 at ika-12 habang nasa ika-32 ang Manila sa tumatakbong pangkalahatang talaan. Kasalukuyang ika-30 ang Pilipinas sa FIBA3x3 World Ranking.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page