top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 1, 2023



ree

Malinis pa rin ang World Champion Denver Nuggets at Dallas Mavericks sa taas ng NBA Western Conference matapos ang unang linggo ng bagong torneo. Perpekto rin sa Eastern Conference ang Boston Celtics at silang tatlo na lang ang perpektong koponan.


Nagtala ng mga triple double sina West Player of the Week Nikola Jokic ng Nuggets at Luka Doncic ng Mavs upang maging 4-0 at 3-0 ang kanilang mga koponan. Nalalapit na ang kanilang tapatan ngayong Sabado na unang araw din ng bakbakan sa NBA Cup, ang bagong pakulo ng liga ngayong taon.


Hinintay pa ni Jokic ang huling segundo ng kanilang 110-102 panalo kay kabayan Jordan Clarkson at bisita Utah Jazz na mahablot ang kanyang ika-10 rebound kasama ng kanyang 27 puntos at 11 assist. Naapektuhan ang laro ng Jazz ng maalat na shooting ni Clarkson na apat na puntos lang ang ambag sa 33 minutong aksiyon.


Humataw ng todo ang bisitang Dallas sa 4th quarter at lalong itinulak sa ilalim ng buong NBA ang ngayon ay 0-4 Memphis Grizzlies, 125-110. Halimaw si Doncic sa 35 puntos, 12 rebound at 12 assist.


Madaling iniligpit ng Celtics ang Washington Wizards, 126-107, para maging 3-0. Nagtala ang tambalang “The Jays” Jaylen Brown ng 36 at Jayson Tatum ng 33 puntos.


Inalis ng Los Angeles Lakers sa hanay ng mga walang talo ang Orlando Magic, 106-103.


Ipinasok ni D’Angelo Russell ang dalawang paniguradong free throw na may 8 segundo sa orasan at tuldukan ang kanyang 28 puntos habang 26 at 19 rebound si Anthony Davis.


Umagaw din ng pansin si Stephen Curry at bumomba ng pitong 3-points patungong 42 puntos sa 130-102 tambak ng Golden State Warriors sa New Orleans Pelicans.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 31, 2023



ree

Laro sa Miyerkules - Perth Rectangular Stadium

3:50 p.m. Pilipinas vs. Iran


Tinuruan ng Australia ang Philippine Women's Football National Team ng isang malupit na leksiyon, 8-0, sa pagpapatuloy ng Paris 2024 Olympics Asian Qualifiers Round Two mula sa Optus Stadium Linggo ng hapon. Lumitaw ang kalidad ng host Matildas sa harap ng tinatayang 60,000 tagahanga.


Sa ika-15 minuto pa lang ay naka-goal si Mary Fowler na hudyat ng parating na delubyo.


Nagtala ng bihirang "hat trick" o tig-tatlong goal sina kapitana Sam Kerr (19', 45'+2', 46') at Caitlin Foord (30', 34', 51') at tinuldukan ng isa pa mula kay reserba Clare Wheeler sa ika-71.


Kahit ang mga ipinasok na kapalit ng Pilipinas sa 2nd half ay hindi tumalab. Hindi talaga araw ng mga Filipinas at dominado ng Matildas ang lahat ng numero lalo na ang paghawak nila sa bola ng 73% ng kabuuang 90 minuto.


Susubukan ng Filipinas na isalba ang tiket para sa Round 3 sa Miyerkules laban sa Iran at kailangan nilang manalo ng malaki upang mabawi ang linamang ng Australia. Babalik ang laro sa mas maliit na Perth Rectangular Stadium na kasya ang 20,000.


Ang pagpasok ng mga Pinay ay depende sa magiging resulta sa dalawang iba pang grupo. Ang Round 3 ay kabibilangan ng tatlong numero uno sa mga grupo at ang may pinakamataas na kartada sa mga magtatapos ng pangalawa.


Maglalaro ng hiwalay na serye na pataasan ng goal sa dalawang laro sa Pebrero, 2024.


Ang mga mananaig sa mga serye ang kukuha ng dalawang upuan para sa Asya sa Olympics.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 31, 2023


ree

Bumalik si LeBron James sa lungsod sa araw mismo kung kailan nagsimula ang kanyang karera sa NBA 20 taon na ang nakalipas subalit hindi nakisama sa selebrasyon ang Sacramento Kings at itinala ang 132-127 overtime panalo kontra kay LBJ at bisitang Los Angeles Lakers sa Golden 1 Center kahapon. Nagpasikat ang dating Laker Malik Monk para sa 11 puntos sa overtime at bahiran ang selebrasyon ni LBJ.


Tabla sa 120-120, bumanat ng 7 puntos si Monk patungo sa 127-123 lamang pero pumalag si James at nag-dunk upang magbanta, 125-127, at 50 segundo sa orasan.


Sinagot ito ng tres ni Kevin Huerte at sinelyuhan ni Monk ang resulta sa kanyang dalawang free throw matapos itapon ng Lakers ang bola sa huling 15 segundo.


May kabuuang 22 puntos si Monk habang nanguna si De’Aaron Fox na may 37 kahit hindi na siya pumuntos sa overtime. Gumawa ng 30 puntos at 16 rebound si Anthony Davis para sa Lakers habang 27 at 15 rebound si LBJ.


Kailangan pa ng 1,279 ni LeBron upang maging unang manlalaro na aabot ng 40,000 puntos at maaaring mangyari ito sa kalagitnaan ng torneo o mga 48 laro ayon sa kanyang kasalukuyang porma. Matatandaan na natalo ang bisitang Cleveland Cavaliers sa Kings, 106-92, at gumawa ng 25 ang noon ay 18 anyos na binata sa kanyang pinakaunang laro noong Oktubre 29, 2003.

Samantala, ang World Champion Denver Nuggets ang unang koponan na umakyat sa 3-0 matapos manaig sa Oklahoma City Thunder, 128-95. Double-double si Nikola Jokic na 28 at 14 rebound.


Tinuruan ng leksiyon ng mga beterano ng LA Clippers ang numero unong rookie Victor Wembanyama at San Antonio Spurs, 123-83. Bumanat ng 26 puntos mula sa anim na tres si Stephen Curry sa 106-95 tagumpay ng Golden State Warriors kontra Houston Rockets.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page