- BULGAR
- Nov 10, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | November 10, 2023

Pinatibay ng World Champion Denver Nuggets ang kanilang kapit sa maagang solong pamamayagpag sa NBA sa 108-105 panalo kontra bisita Golden State Warriors kahapon sa Ball Arena. Mag-isa rin sa taas ng Eastern Conference ang Philadelphia 76ers at itinapal ang ikalawang sunod na talo sa dating kasosyong Boston Celtics, 106-103.
Kinailangan ng Nuggets ang mga kritikal na puntos nina Reggie Jackson at Kentavious Caldwell-Pope sa huling minuto upang mapigil ang mga banta ng Warriors patungo sa kanilang ika-walong panalo sa siyam na laro. Nagtala ng 35 puntos at 13 rebound si Nikola Jokic.
Pagiging matatag sa huling minuto rin ang naging daan para umakyat ang 76ers sa 6-1 habang 5-2 na ang Celtics. Nagsumite ng 27 puntos at 11 rebound si MVP Joel Embiid, kasama ang buslo na nagbigay sa kanila ng 106-100 bentahe at 40 segundo sa orasan.
Pumantay ang Milwaukee Bucks sa 5-2 kartada ng Celtics matapos lusutan ang Detroit Pistons, 120-118, at bumuhos ng 34 si Damian Lillard upang takpan ang biglang pagkawala ni Giannis Antetokounmpo na pinalabas ng reperi sa third quarter. Hindi nakasabay sa liderato ang Dallas Mavericks at binigo sila ng Toronto Raptors, 127-116, kung saan gumawa ng 31 puntos at 12 rebound si Pascal Siakam.
Mag-isa na sa #19 si kabayan Coach Erik Spoelstra ng Miami Heat at inirehistro ang kanyang ika-708 panalo laban sa Memphis Grizzlies, 108-102, sa likod ng 30 puntos at 11 rebound ni Bam Adebayo. Umalis siya sa tabla kasama si #20 Coach John MacLeod at sunod niyang hahabulin si #18 Coach Nate McMillan na may 762.
Samantala, nagningning si kabayan Jalen Green at nagsumite ng 28 puntos na pinakamarami niya ngayong taon sa 128-94 panalo ng Houston Rockets sa Los Angeles Lakers.






