top of page
Search
  • BULGAR

Mga nars at doktor, mas gusto sa ibang bansa dahil sa mataas na sahod

ni Ryan Sison @Boses | May 6, 2023


Matutugunan lamang umano ng Pilipinas ang kakulangan ng mga nurse at doktor pagkatapos ng 12 hanggang 23 taon, ayon sa Department of Health (DOH).


Sa pagdinig ng House committee on appropriations hinggil sa pagpapatupad ng mga programa ng ahensya, inihayag ni DOH officer-in-charge at Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nangangailangan ang bansa ng nasa 114,000 physicians at 127,000 nurses para makapagbigay ng dekalidad na health care service.


Ito ang tugon ni Vergeire kay Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, sa tanong nito tungkol sa bilang ng mga nars at physicians na kinakailangan upang ang bansa ay makapagbigay ng high-standard medical management.


Bagama’t ang bansa ay sinasabing isa sa mga nangungunang supplier ng mga nars at iba pang mga medical practitioner sa ibang bansa, ang Pilipinas ay nagdurusa sa kakulangan ng mga nars. Ang malagim na sitwasyong ito ay higit na na-highlight sa panahon ng COVID-19 pandemic, na maraming health workers ang nagkasakit dahil sa virus at dahil dito, naapektuhan ang pagbibigay ng health care sa publiko.


Noong Oktubre 2022, naobserbahan na ilang mga nars sa newly-established Overseas Filipino Worker (OFW) na ospital sa San Fernando City, Pampanga, ang naging OFW sa paghahanap ng mga trabahong mas may mataas na suweldo.


Makalipas ang mga araw, nadismaya ang mga Pilipinong nars dahil hindi sila binibigyan ng dahilan upang manatili sa bansa at may mas magandang oportunidad ang naghihintay sa mga mag-a-abroad.


Sa ganitong sitwasyon, kinakailangan ng ating health care workers ang suporta ng gobyerno dahil ang dahilan kaya kaunti lang ang ating nars at doktor ay ang mababang pasahod.


Kung iisipin, magastos ang pagkuha ng kursong medical, pero kapag nakagradweyt at nag-umpisa nang magtrabaho ay napakababa naman ng sahod. Kaya maraming nars at doktor ang pinipiling mangibang-bansa dahil sa mataas na sahod.


Kailangang pangalagaan ng gobyerno ang ating health workers sa pamamagitan ng pagbibigay ng nararapat na sahod at benepisyo para sa kanilang mga sakripsyo na ibinibigay sa atin.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page