ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 6, 2022
Ginulat ng Mendiola FC 1991 ang numero unong United City Football Club sa isang 0-0 tabla sa pagpapatuloy ng 2022 Copa Paulino Alcantara Lunes ng gabi sa PFF National Football Training Center sa Carmona, Cavite. Dahil sa resulta, tumalon ang Mendiola mula 7th at last place sa ika-5 puwesto at nabuhay muli ang pag-asa na makapasok sa semifinals.
Maaga pa lang ay binigyan ng gintong pagkakataon ang Mendiola matapos itulak ng malakas ni Pete Forrosuelo ng UCFC si Sam Junior malapit sa goal sa ika-8 minuto. Sa kasamaang palad, nagmintis ang penalty kick ni kapitan Jim Ashley Flores at lumihis ang bola lampas sa kanang poste.
Si Junior ay isa sa mga ipinakilalang bagong manlalaro ng UCFC bago ang Copa subalit biglang lumipat sa Mendiola. Nagpasikat ng husto ang tubong Cameroon na forward sa dating koponan hanggang ipahinga siya sa ika-78 minuto.
Humigpit din ang depensa ng Mendiola na naka-angkla kay goalkeeper Michael Asong na isa sa napiling Man Of The Match kasama si Ivan Ouano ng UCFC. May huling pagkakataon ang UCFC subalit lumipad pataas ang bola ni Kenshiro Daniels sa ika-89 minuto at kahit 5 minuto ang idinagdag ng reperi sa orasan ay nanatiling walang goal ang resulta.
Nais sana ng UCFC na makapulot ng magandang panalo bago sila lumipad sa susunod na linggo papuntang Thailand para sa 2022 AFC Champions League. Subalit may ibang plano ang Mendiola at binahiran ang despedida sabay tigil sa kanilang dalawang magkasunod na talo.
Babalik ang Copa sa susunod na Lunes at sisikapin ng Mendiola na gulatin ang isa pang bigatin na defending champion Kaya FC Iloilo simula 4 p.m. Susundan ito agad ng unang sabak ng Stallion Laguna FC sa torneo kontra Azkals Development Team sa 7 p.m.
Comments