ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 3, 2024
Noong nakaraang November 23, 2023 ay nilagdaan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Republic Act (RA) No. 11965 o mas kilala sa titulong “Caregivers’ Welfare Act”. Nakapaloob sa batas na ito ang polisiya ng estado na kilalanin ang gampanin ng mga caregiver sa kaunlaran ng ating bansa at mabigyan sila ng karampatang benepisyo sa kanilang pagtatrabaho.
Layunin din ng batas na pangalagaan ang karapatan ng mga caregiver na mapagkalooban ng disenteng kondisyon ng pagtatrabaho at maayos na pasahod, at mabigyan sila ng proteksyon laban sa pang-aabuso, pananakot, pananakit, at pang-ekonomiyang pagsasamantala.
Pinangangalagaan ng batas na ito ang mga licensed healthcare professionals na boluntaryong nagpalista sa Department of Labor and Employment (DOLE) o iyong mga binigyan ng sertipikasyon ng Technical Education and Skills Development Authority (TEDSA) na nakapagtapos ng caregiving o ng ibang health care courses mula sa ibang institusyon na may edad 18 at nagtatrabaho bilang tagapangalaga ng mga bata (newborn, infant, toddler, preschooler, school children), may edad (adult), matatanda (elderly), at iyong mga may espesyal na pangangailangan.
Sakop lamang dito iyong mga caregiver na nagtatrabaho sa loob ng bansa na nasa mga “private homes”, “nursing or care facilities” at sa iba pang “residential setting”. Ayon sa Seksyon 5 ng RA No.11965, kinakailangan na mayroong employment contract na isasagawa sa pagitan ng employer at ng caregiver kung saan nakasulat doon ang mga responsibilidad ng caregiver, ang haba ng pagtatrabaho, ayos ng pagtatrabaho, kompensasyon, mga pinapayagang kaltas, oras ng pagtatrabaho, araw ng pahinga at pinapayagang pagliban, at probisyon para sa pagkain, tulugan at pangangailangang medikal. At dahil sa mayroong kontrata sa pagitan ng caregiver at ng kanyang amo, ang pagtatapos ng empleyo ay nakasaad din sa nasabing kontrata.
Ang haba ng oras ng pagtatrabaho at halaga ng sahod ay sang-ayon sa kung ano ang nakasaad sa napirmahang kasunduan at kinakailangan na ito ay tatalima sa kung ano ang sinasabi ng ating Labor Code. Ang sahod ng isang caregiver ay hindi dapat bababa sa minimum wage na ipinatutupad sa rehiyon kung saan ito nagtatrabaho. Kapag lumampas ang pagtatrabaho sa walong oras, ang caregiver ay may karapatan na mabigyan ng overtime pay at mabigyan din ng night shift differential kung ito ay angkop.
Bukod sa sahod, ang isang caregiver na nakapagsilbi na ng isang buwan ay may karapatang makatanggap ng kanyang 13th month pay na hindi bababa sa 1/12 ng kabuuan ng kanyang sahod sa isang taon. Ito ay babayaran nang hindi lalampas ng Disyembre 24 kada taon o sa araw ng pagwawakas ng kanyang pagtatrabaho.
Ang isang caregiver na nakapagtrabaho na ng isang taon ay may karapatan na mabigyan ng annual service incentive leave na limang araw at ng ibang angkop na bakasyon na isinasaad ng batas.
Bukod sa mga nabanggit, ang isang caregiver ay may karapatan na mabigyan ng ibang benefits katulad ng SSS, PhilHealth, Pag-IBIG at ng iba pang mga benepisyong nakatalaga sa batas. Sila rin ay may karapatang mabigyan ng maayos na pagkain, angkop na pahinga, at medical assistance katulad ng first-aid medicines.
Katulad ng ibang empleyado, ang pagtatrabaho ng isang caregiver ay mawawakasan lamang kapag natapos na ang takdang araw na nakasaad sa kasunduan o sa alinman sa kadahilanang isinasaad ng batas. Walang nagbabawal sa amo at caregiver na napagkasunduan na wakasan nang mas maaga ang kanilang kasunduan. Kinakailangan lamang na mayroong written notice para malaman ng mga partido ang nabibinbing pagwawakas ng kasunduan ng pagtatrabaho. Kapag gusto ng caregiver na wakasan ang kasunduan nang mas maaga kaysa sa pinagkasunduan, kailangan niyang magbigay ng kanyang written notice isang buwan bago ang araw ng intensyong pagtatapos ng kontrata.
Subalit, maaaring wakasan ng amo o ng caregiver ang pagtatrabaho alinsunod sa mga dahilan na nakasaad sa batas. Ang isang caregiver na tinanggal nang walang dahilan ay makatatanggap ng kabayaran para sa mga araw na kanyang napagtrabahuan at danyos na katumbas ng 15 araw. Ano mang labor dispute sa pagitan ng amo at ng caregiver ay maaaring isampa sa regional office ng DOLE o sa angkop na ahensya ng DOLE na may sakop sa lugar kung saan nagtatrabaho ang caregiver.
Commentaires