top of page
Search
BULGAR

Kahulugan ng e-commerce

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 21, 2024




NITO lamang Disyembre 3, 2023 ay nilagdaan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang Republic Act (R.A.) No. 11967.  

Ito ay may pinaiksing titulo na “Internet Transactions Act of 2023”.  Ang batas na ito ay may layunin na palaguin ang electronic commerce (e-commerce) sa ating bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng tiwala sa pagitan ng online merchants at online consumers. 

Ang online merchant ay binigyang kahulugan ng batas bilang iyong tao o mga taong nagbebenta ng non-financial goods o services sa mga online consumer sa pamamagitan ng e-marketplace o third-party digital platforms. 

Samantala, ang online consumer naman ay iyong tao o mga tao, natural man o huridikal, na bumibili, umuupa, tumatanggap, o nagsu-subscribe sa mga produkto (goods) o serbisyo (services) sa internet kapalit ang bayad.

Ang e-marketplace ay iyong mga digital platforms, kung saan ang kanilang negosyo ay ang pagkonektahin ang mga online consumer at online merchants. Sila ang nagpoproseso ng bentahan at bayaran, maging ng delivery ng mga ibinebentang produkto o iniaalok na serbisyo.  

Upang ganap na mabigyan ng proteksyon ang mga taong sangkot sa e-commerce ay bubuo rin, sa ilalim ng nabanggit na batas, ang E-Commerce Bureau, matapos ang anim na buwan mula nang naging epektibo ang batas. Ito ay bubuuin sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).  

Ang E-Commerce Bureau ang gagawa ng mga polisiya, plano, at programa para sa pag-unlad ng e-commerce. May kapangyarihan din itong mag-imbestiga at gumawa ng rekomendasyon para sa pagsasampa ng kaso sa anumang paglabag sa probisyon ng R.A. No. 11967. 

Anumang reklamo na ihahain sa nasabing bureau na may kinalaman sa ibang batas na nalabag habang isinasagawa ang transaksyon sa internet ay isasangguni nito sa angkop na opisina o ahensya na may sakop dito para sa aksyon ng huli. 

Ang DTI ay mayroong hurisdiksyon ukol sa regulasyon sa paggamit ng internet para sa e-commerce ng mga e-marketplaces, online merchants, e-retailers, digital platforms at third-party platforms, maliban lamang sa sakop ng ibang ahensya katulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at National Privacy Commission (NPC).


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page