top of page
Search
  • BULGAR

Ibalik na sa dati ang academic calendar

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 6, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Suportado natin ang patuloy na pagdami ng mga estudyante, magulang, guro at iba pang school personnel na humihiling na ibalik na lang sa dating June-March calendar.


Lumilipas ang mga araw, palakas kasi nang palakas ang ingay hinggil sa kagustuhan ng marami nating kababayan na ibalik na lang sa dating sistema ang panahon ng pag-aral.


Noon kasi ay nagsisimula sa buwan ng Hunyo ang pagbubukas ng klase at natatapos sa buwan ng Abril at sa pagpasok ng buwan ng Marso ay summer time – bakasyon na at maraming nasa beach resort dahil sa sobrang init na nararanasan.


Hindi tulad ngayon na ang bagong school break ay mula Hunyo 17 hanggang Agosto 25 para sa taong 2024.   


Pero sa pagpasok ng taong 2024 ay nagkaroon ng pagbabago kabilang na ang scheduled end of School Year (SY) 2023-2024 sa Mayo 31, na naglalayong ipatupad ang school break mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 26. 


Maging ang Department of Education (DepEd) ay nagsumite ng agresibong opsiyon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (PBBM) na humihiling na ibalik na ang schedule ng klase sa dating academic calendar.


Ang hakbang ng DepEd ay dahil na rin sa palakas nang palakas na panawagan na ibalik ang April-May school break sanhi ng nararanasang init hindi lang ng mga guro, kundi ng mismong mga mag-aaral na nagdudulot na ng suspensyon ng klase at iniraraos na lamang online.


Nakapagsumite na ng sulat ang DepEd sa tanggapan ni PBBM at nakapaloob sa kanilang kahilingan ang agresibong alternatibo na pagtatapos ng School Year 2024-2025 sa Marso 2025.


Sa ganitong paraan umano ay magiging mas maiksi ang school year at tiyak na mababago rin ang break o bakasyon ng klase na malaking tulong umano hindi lang sa mga mag-aaral kundi maging sa mga guro.


Tinitingnan din ng DepEd ang bilang ng mga araw kung kinakailangan pa bang gamitin ang Sabado para sa online classes upang makumpleto ang tamang bilang ng araw ng pagpasok sa maiksing panahon.


Sa ganitong sistema nga naman ay mapupunan ang aktuwal na in-person classes -- makukumpleto na ang 165 days kumpara sa minimum required na 180 days para sa isang buong school year.


Kung maipatutupad umano ang hiling na ito ng DepEd ay magdudulot ito ng proportional vacation pay (PVP) para sa mga public school teacher.


Kumbaga, matatanggap pa rin ng mga teacher ang proportional vacation pay na ibinibigay ang dalawang buwang sahod matapos ang bawat school year – ito kasi ay kinukuwenta base sa bilang ng araw ng school days sa loob ng isang taon.


Nauna sa maraming kahilingan na ibalik na nga sa dating academic calendar, ang DepEd mismo ay nagsasagawa na ng mga hakbangin na kahit paunti-unti ay magawa na sa dating school calendar dahil nga sa napakalaking epekto nito.


Noong Pebrero ay nagkaroon ng magkakasunod na adjustments, kabilang na ang scheduled end ng School Year (SY) 2023-2024 noong Mayo 31, at ang pagpapatupad ng school break mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 26; na may kasunod pang SY set mula Hulyo 29, 2024 hanggang Mayo 16, 2025, ayon sa Department Order 3, series of 2024.


Malaking hamon kasi sa mga paaralan ay ang kalituhan at intindihin ang lawak o sakop ng heat index forecast mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).


Mas madalas ay naghihintay lamang sila sa kumpas ng lokal na pamahalaan at pamunuan ng paaralan na mas madalas ay nagpapatupad ng online classes base sa heat index forecasts o iba pang kalamidad.


Sana lang ay matulungan tayo ng PAGASA hinggil dito, kasi kung ikukumpara sa bagyo, nakikita natin na may mga nagliliparang bagay dahil sa malakas na hangin kaya puwede tayong umilag, pero sa init ay wala tayong indikasyon na delikado na.


Marahil, panahon na upang magkaroon tayo ng komprehensibong panuntunan na makapagbibigay ng karampatang tugon kung ano ang dapat gawin ng mga guro at mag-aaral sa panahong delikado na ang init na nararanasan. 


Wala kasi tayong panuntunan na ang inianunsiyong heat index ay may kaakibat na lugar kung saan dapat higit na mag-ingat. Kumbaga, kanya-kanyang pakiramdaman na lamang kung may mawawalan ng malay dahil sa init.


Madalas ay gabi na natin nalalaman sa balita na pumalo pala sa napakataas na antas ang init at makokomento na lamang ang ating mga kababayan ng — kaya pala.


Sana lang ay mas mabigyan tayo ng PAGASA ng detalyadong anunsiyo na may kaakibat na karampatang tugon kung anong lebel ng paghahanda ang dapat na isagawa. 

Kaya sa isang banda ay kapuri-puri rin ang ating mga guro kung paano nila naitawid ang sitwasyong ito ng walang masyadong naapektuhan sa kabila ng mataas na ulat ng mga nasawi dahil sa heat stroke.


Tulad sa pag-ulan, kapag sinabing yellow alert ay alam na natin ang gagawing paghahanda dahil malinaw sa atin ang dami ng tubig ulan na bubuhos.


Dahil sa climate change ay kakaibang init na ang ating nararanasan at mabuting nababantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa panahong ito, kaya napapanahon nang ibalik talaga sa dati  ang school calendar sa bansa.


Sa totoo lang, hindi rin naman face-to-face ang mga klase nitong mga nakaraang linggo dahil sa init. Kaya bakit hindi na lang natin ibalik sa dating schedule para hindi rin mabawasan ang mga school days na pumapasok ng pisikal ang mga bata.


Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page