top of page

Face reveal ng bata, waley pa rin… ZANJOE, GUSTONG ANG ANAK ANG MAGDESISYON BAGO I-POST SA SOCMED

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 25, 2025



Photo: Zanjoe Marudo - IG


Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang desisyon ng mag-asawang Zanjoe Marudo at Ria Atayde na hindi ipakita ang mukha ng kanilang anak sa social media.

Although ipino-post naman nila ito once in a while pero hindi nga lang nakikita ang mukha.


Marami ang nagtataka kung bakit nga ayaw i-face reveal ng mag-asawa ang kanilang baby boy, gayung ilang buwan na rin naman ang nakalilipas simula nang magsilang si Ria. Matatandaang nanganak ang aktres noong September, 2024.


Sa panayam kay Zanjoe sa vlog ni Ogie Diaz, ayon sa aktor ay hindi pa panahon para

ipakita ang mukha ng kanilang baby sa socmed (social media).


“Baby pa naman ‘yan, eh. Ano ba’ng mapapala n’ya sa social media, ‘di ba? Parang wala pa rin naman siyang muwang,” paliwanag ng aktor.


“At ‘yun nga, social media, toxic din, ‘di ba? Ang daming puwedeng mangyari. Unang-una, ‘yung safety ng baby,” sey pa niya.


Pero hindi raw totoong ipinagdadamot nila ang kanilang anak dahil nakikita naman daw ito ng mga tao kapag lumalabas sila or nagpupunta sa mall halimbawa.


“Maarte man kung sa maarte, pero hindi ko s’ya itinatago. Never namin s’yang itinago, inilalabas ko s’ya. Pumupunta kami ng mall, nakabalandra s’ya. Sumasakay kami ng plane, inilalakad ko s’ya sa aisle.


“‘Pag may kaibigan akong nakita o mga fans or ano, ‘Uy, kumusta baby mo? Patingin naman.’ Ipinapakita ko sa kanila. Hindi ko s’ya itinatago,” anang aktor.

Natutuwa naman si Z na kusa na ring hindi kinukunan ng mga tao ang kanilang baby kapag nakikita sila sa labas.


“Imbes na kunan nila, lalaruin nila. Makikipaglaro sila imbes na kunan ng video,” tsika niya.

‘Pag marunong na raw makipag-communicate ang kanilang anak ay saka nila tatanungin kung gusto ba nitong makita ang mukha sa socmed.


“Gusto naming antayin. Siguro, ‘pag 1 na s’ya or 2 (years old), ‘pag marunong nang makipag-communicate ang bata. Kasi ngayon, ang alam pa lang n’ya, ‘No (hindi)’ at saka align pa lang, eh.


“‘Pag marunong na siguro s’yang mag-yes or mag-ano, tatanungin namin unti-unti kung okey lang ba sa kanya (na i-post ang mukha),” sabi ni Z.


“Kasi, gusto naming i-exercise na sa kanya na may freedom of choice sa pamilya natin. Hindi ka namin pipilitin sa ayaw mo dahil gusto ko lang. Kaya dito pa lang sa pagpo-post ng mukha mo, ikaw na ang magdedesisyon n’yan, hindi kami,” paliwanag pa ng aktor.



SINORPRESA ni Jennylyn Mercado ang mister na si Dennis Trillo nang gawan niya ito ng isang kanta na kasama sa bagong album ng aktres-singer.


Sa guesting ng mag-asawa sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) last Monday, ini-reveal ni Jen na ang awiting Paulit-ulit Kang Pipiliin (PKP) ay ginawa niya para kay Dennis, katulong ang songwriter at record producer na si Jonathan Manalo.


Nang matanong kung bakit siya sumulat ng kanta para kay Dennis, sey ni Jen ay gusto niyang maging parte ang asawa ng kanyang comeback album.

“Gusto ko s’yang maging parte nu’ng album na ‘yun kasi espesyal ‘yung album na ‘yun dahil bago ‘yung recording company na ‘to, espesyal dahil katrabaho ko si Jonathan Manalo,” aniya.


“S’yempre po, nakaka-surprise. Lalo na medyo personal ‘yung mga narinig ko du’n sa lyrics, eh, kaya parang ‘pag narinig mo, ‘Uy, parang designed talaga itong kantang ito para sa ‘kin.’ Dahil asawa ko ‘yung gumawa, eh,” sabi ni Dennis.


Kuwento naman ni Jen, isinama niya noon si Dennis sa recording ng kanta pero wala raw itong alam tungkol sa ginawa niyang song.


“Sinurprise ko s’ya. Tapos, nu’ng natapos na namin ni Jonathan, ipinarinig namin sa kanya ‘yung raw. Sabi ko, ‘Para sa ‘yo ‘yan, eto ‘yung lyrics,’” tsika ng aktres.


Inamin ni Dennis na talagang na-touch siya at pinigilan lang niyang mapaiyak.

“Medyo pinipigilan ko ‘yung pag-iyak ko dahil may mga camera na ano, eh. Sa isip-isip ko, ‘Sige, hindi ko na lang ipapakita,’ pero sa loob-loob ko, talagang grabe ‘yung kirot dahil s’yempre, ang sarap ng pakiramdam na gawan ka ng kanta, gumawa ng kanta na ikaw ‘yung inspirasyon,” pahayag ni Dennis.


Sey pa ng aktor, “Parang du’n mo mararamdaman ‘yung unconditional love talaga na kahit ano pa’ng mangyari, ikaw ‘yung... kasangga ako panghabambuhay.”

Sana all…

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page