ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 26, 2024
Dear Chief Acosta,
Ang anak ko ay menor-de-edad pa ngunit natanong na niya ako kung kailangan bang alamin muna ng nagtitinda ng vape ang edad niya kung sakaling siya ay bibili nito? Salamat sa kasagutan. — David
Dear David,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 7 ng Republic Act (R.A.) No. 11900, o mas kilala sa tawag na “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act”, na nagsasaad ng mga sumusunod:
“Section 7. Proof-of-Age Verification. — Retailers shall ensure that no individual below eighteen (18) years of age is allowed to purchase Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, their devices, or Novel Tobacco Products. It shall be the responsibility of retailers to verify the age of buyers. For this purpose, the presentation of any valid government-issued identification card exhibiting the buyer’s photograph and age or date of birth shall be required. Retailers shall ensure direct delivery only to individuals who must be eighteen (18) years old and above.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang mga retailers ng vaporized nicotine o kahit mga non-nicotine products ay inaatasan na siguraduhin na hindi makakabili ang sino man na wala pang 18 taong gulang ng mga vaporized nicotine at non-nicotine products, aparatus nito, o ano mang novel tobacco products. Para ito ay masigurado, ang pagbibigay o pagpresenta ng isang identification card na ipinagkaloob ng ahensya ng gobyerno na nagpapakita ng mukha, at edad o araw ng kapanganakan ng bumibili ay kinakailangan. Ang nasabing batas ay inilaan upang masigurado na ang mga retailers ng vaporized nicotine o mga non-nicotine products ay maibibigay lamang sa mga tao na ang edad ay 18 at pataas. Kung kaya sa iyong nabanggit na sitwasyon, ang iyong anak ay hihingian ng identification card na ipinagkaloob ng ahensya ng gobyerno na magpapakita ng kanyang mukha, at edad o araw ng kapangakan upang masigurado ng mga retailers ang kanyang edad at kung siya ay maaaring mabentahan ng mga vaporized nicotine o mga non-nicotine products, aparatus nito, o ano mang novel tobacco products.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Комментарии