ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | April 17, 2024
As of this writing ay nasa Calgary, Canada si Direk Cathy Garcia-Sampana at ang ilang taga- Star Cinema para mag-ocular para sa pelikulang gagawin nina Kathryn Bernardo at Alden Richards na Hello, Love, Goodbye 2.
Matatandaang ang ending ng Hello, Love, Goodbye ng KathDen ay nagsabi ang dalaga na pupunta siya ng Canada at tila nag-iisip naman ang binata kung susundan siya.
Kaya itong HLG2, sa Canada ang shooting at kaya nagpunta roon ang box office director para i-check kung saang lugar sila magandang mag-shoot.
Sitsit ng aming source ay baka sa July sila para summer sa Canada at malaking challenge ito sa grupo dahil ang part 1 ay kumita ng P880 million noong 2019.
Ang susundan nila ay ang Rewind na kumita naman ng P902 million, kaya ang tanong ay kaya ba itong pantayan o higitan ng Hello, Love, Goodbye 2?
Baka naman dahil maraming followers ang KathDen lalo na ngayong nanliligaw na ang aktor sa aktres, lalong darami ang mga supporters nila.
Speaking of Direk Cathy ay binisita nila ang dating staff ng Star Cinema na doon na naka-base ngayon, si Anilyn Tuco na isang caregiver na at may sariling bahay sa Calgary, Canada kasama ang buong pamilya.
Ipinost ni Anylin ang larawan nila ni Direk Cathy at ng mga kasama nito.
Caption niya, “My visitors from Philippines, Direk Cathy Molina and Direk Carmi Raymundo with Leo from Star Cinema. Thank you guys for the short visit in my home sweet home.”
May mga bagong talents na namang ipinakilala ang Borracho Films na pag-aari ni Atty. Ferdinand Topacio at masasabing puwedeng ilaban ito sa Vivamax stars dahil makikinis, matatangkad, mga estudyante at ex-beauty queens at ramp models.
Ipinakilala ng Borracho talents ang kanilang mga sarili tulad nina Elle Fernandez (22), Nika Balmes (20); Jessy Vidal (20); Sean Raval (anak ni Jeric Raval, 18); Zelene Dizon (18); Aviegale Castillo (20); at Stella Blanca (18).
Ayon kina Stella at Elle ay nasubukan na nilang mag-guest sa ilang TV shows at may commercials na rin, samantalang si Sean ay nakagawa na ng teleserye sa ABS-CBN bilang batang JC de Vera.
Natanong si Atty. Topacio kung may plano siyang ilaban ang bago niyang talents sa Vivamax stars.
“Wala. Unang-una, maliit lang ako literally and figuratively. Gusto ko lang maranasan ang process ng pag-build-up ng may potential star quality na kung paano sila gawing stars. Accomplishment lang, hindi tayo puwedeng makipagkumpitensiya. We are a small production company and we only do two movies a year and we make sure na all those movies count,” paliwanag ng Borracho Films producer.
Nabanggit ding nagpaalam pa si Atty. Ferdie kay Viva Boss Vic del Rosario na may mga talents siya at hindi nakikipagkumpitensiya.
“Sabi niya (Boss Vic), hindi, you are not our competition, we are collaborators. So, walang problema,” sambit ni Atty. Topacio.
Dagdag pa na iba ang orientation niya sa mga talents niya.
“We are on biopics like Mamasapano. Basta may social relevance, pang-R-13 kami. Not for anything else, ang type ko, drama, comedy, rom-com, dramedy, so okay lang kami.
“Kung may pagka-sexy kasi ‘yung Pain (pelikula), medyo sexy, pero ire-respect namin ang artists kung hanggang saan lang sila. Basta ‘yung ayaw nilang gawin, ako na lang ang gagawa," pabiro at natatawang sabi ng abogadong talent manager na ngayon.
Samantala, may love team na ang Borracho Films, sina Sean at Elle, na ayon sa binatilyo ay gusto niyang mas makilala pa ang dalaga. Pero sabi naman ng huli ay mas prayoridad niya ang pag-aaral at showbiz career kaya bilang kaibigan muna ang puwede niyang i-offer sa bunsong anak ni Jeric.
As of now ay wala pang sinabing pelikulang gagawin ng mga talents ng Borracho Films pero maraming nakalinyang pelikula ang produksiyon, so baka doon sila bibigyan ng exposure tulad ng The Gregorio Honasan Story at Spring in Prague.
Comments