ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 23, 2021
KUNG TAKLESA SI P-DUTERTE, MAS TAKLESA SI GORDON—Patindi nang patindi ang bangayan nina P-Duterte at Sen. Richard Gordon patungkol sa iniimbestigahan ng Senado na multi-billion peso scam na kinasasangkutan ng PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management)-Pharmally Inc. kasi kapag tinalakan ng pangulo ang senador ay gumaganti rin si Gordon, tinatalakan din ang pangulo.
Dahil d’yan, masasabing nagkaroon na ng katapat ang pagiging taklesa ni P-Duterte, at ‘yan ay sa katauhan ni Gordon, boom!
◘◘◘
SA RED CROSS NA MARAMING NATUTULUNGANG PINOY GALIT SI P-DUTERTE, PERO SA PS-DBM-PHARMALLY NA MARAMING NA-SCAM, OKS LANG?—Sa bangayan nina P-Duterte at Sen. Gordon, pati ang Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ng senador ay idinadamay na ni P-Duterte sa kanyang galit.
Hay naku, ewan ba natin sa pangulo kung bakit sa Red Cross na maraming natutulungang Pilipino siya nagagalit at hindi sa mga taong sangkot sa PS-DBM at Pharmally Inc. transaction na maraming pera ng bayan ang sinindikato sa pagbili ng mga overpriced na facemask, face shield at PPEs (Personal Protective Equipments), tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
PANGULO, NAMBU-BULLY SA FRONTLINERS NA RED CROSS; SPOKESMAN, NANDUDURO NAMAN NG MGA HEALTH WORKERS—Dapat kay Sen. Gordon lang magpakita nang galit si P-Duterte at huwag nang idamay ang Red Cross na pinamumunuan ng senador kasi ang mga taga-Red Cross ay kabilang sa mga frontliners sa laban sa COVID-19 dahil nagsasagawa sila ng swab test, nagbabakuna at gumagawa ng mga isolation center.
Mantakin n’yo, matapos duru-duruin ni Presidential spokesman Harry Roque ang mga health workers, ang ginagawa naman ngayon ng pangulo ay binu-bully ang mga frontliners na taga-Red Cross.
Like amo, like tao, ‘yung amo ay nambu-bully ng mga frontlines na taga-Red Cross, at ang tao niya ay nanduduro naman ng mga health workers, mga buwisit!
◘◘◘
KAPAG IPINAHULI AT IPINAKULONG NG SENADO ANG BFF NI P-DUTERTE NA SI MICHAEL YANG, MAGLULUPASAY KAYA SA GALIT ANG PANGULO?—Nagpasya ang mga senador na ipahuli at ikulong sa Senado si Linconn Ong, director ng Pharmally Inc. dahil sa mga pagsisinungaling nito sa Senate investigation tungkol sa multi-billion peso scam na transaksiyon ng PS-DBM at Pharmally.
Sa scam ay nasasangkot din ang pangalan ng best friend ni P-Duterte na Chinese national na si Yang Hong Ming, aka Michael Yang.
Kaya’t ang tanong: Kung sakaling ipahuli at ipakulong din ng senado si Michael Yang, hindi kaya maglupasay na sa galit sa mga senador ang pangulo? Abangan!