ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 27, 2021
SA LAZADA AT SHOPEE, ORDER MUNA BAGO DELIVER; SA PHARMALLY, DELIVER MUNA BAGO ORDER--Sa Senate probe nitong Biyernes (Sept. 24) ay muling naungkat ang isyung naunang idiniliber ng Pharmally ang mga overpriced na facemask at face shield kaysa sa purchase order ng PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management).
D'yan lang sa isyung 'yan ay kita na ebidensiyang may naganap na sabwatan sa pangungulimbat sa pera ng bayan kasi saan ka ba naman nakakita na wala pa ang purchase order, pero 'yung mga "produkto" ay idiniliber na.
Sa ginawang 'yan ng Pharmally, dapat kabahan ang Lazada at Shopee dahil talo sila sa diskarte kasi sa kanila (Lazada at Shopee) order muna bago deliver, pero sa Pharmally wala pang umu-order pero 'yung "produkto" ay idinidilber na, boom!
◘◘◘
KAHANDAAN NI KRIZLE MAGO NA TUMESTIGO, PAGPAPATUNAY NA SININDIKATO NG PS-DBM AT PHARMALLY ANG KABAN NG BAYAN--Matapos aminin ni Krizle Grace Mago, empleyada ng Pharmally Inc. na expired ang mga medical-grade face shields na pang-health workers at pinalitan nila ito ng bagong petsa bago idiniliber sa PS-DBM, base sa utos ng kanilang mga amo (sa Pharmally) ay tila nakonsensiya na ang dalaga at nagpahayag ng kahandaang tumestigo sa panig ng Senado laban sa mga tauhan ni P-Duterte sa PS-DBM at Pharmally Inc na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud at estafa, na may konek kay Yang Hong Ming, aka Michael Yang na BFF (best friend forever) ng pangulo ng Pilipinas.
Ang sinabing 'yan ni Miss Mago ay pagpapatunay na winalanghiya talaga ng mga alipores ni P-Duterte sa PS-DBM at ng mga katropa ni Michael Yang sa Pharmally ang pera ng bayan, period!
◘◘◘
DAPAT ANG MGA CONG., SA TAUMBAYAN KUMAKAMPI AT HINDI SA MGA 'BUWAYA' NG PAMAHALAAN AT WANTED NA MAY-ARI NG PHARMALLY--Bukod sa pag-amin ni Miss Mago na pinalitan nila ng bagong date ang expiry date na nakalagay sa mga medical-grade face shields na pang-health workers, ang dami pang ebidensiyang lumabas sa imbestigasyon ng Senado na nagpapatunay na winalanghiya ng mga tauhan ni P-Duterte sa PS-DBM at mga katropa ni MIchael Yang sa Pharmally ang pera ng bayan sa gitna ng pandemya, pero sa pagdinig sa Kongreso, ipinagpipilitan ng mga kongresistang kaalyado ng pangulo na walabg naganap na korupsiyon dito, na kesyo namumulitika lang ang mga senador.
Dapat isalpak ng mga kongresistang pro-Duterte sa kanilang kukute na sila ay representante sa Kongreso ng kanilang constituents, at hindi sila representante ng mga buwaya sa pamahalaan at wanted na may-ari ng Pharmally, mga buwisit!
◘◘◘
MGA KONGRESISTANG PANIG SA PHARMALLY, IBASURA SA ELEKSIYON--Sa Oct. 1, 2021 ay filing na ng candidacy ng mga kakandidato sa national at local positions, at Mayo next year ay eleksiyon na.
Panawagan natin sa mamamayan na tandaan ang mga pangalan at ibasura sa halalan ang mga district congressmen at partylist congressmen na nagsasabing walang korupsiyong naganap sa deal ng PS-DBM at Pharmally.
Dapat tandaan ng mamamayan na kabilang ang tax na binabayaran nila sa pamahalaan sa sinindikato ng PS-DBM at Pharmally, na 'ika nga, biktima rin sila ng pagnanakaw, tapos ang mga kongresista nila, kampi sa mga nanindikato sa pera ng bayan, tsk-tsk-tsk!