ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 04, 2021
KAY VP LENI, MAY NAMIMILIT KUMANDIDATONG PANGULO; KAY ATIENZA, WALA PERO KUMANDIDATO PA RIN--Pinutakti nang batikos sa social media si Vice-Presidential candidate, Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa kanyang ginawang pag-atake kay VP Leni Robredo na kesyo ano ang nagawa nito sa bansa at pinipilit na maging pangulo.
Sabi ng netizens ay silang mga tagasuporta ni VP Leni ang namimilit sa VP na tumakbo sa pagka-pangulo, at saka binanatan si Atienza na wala naman namimilit sa kanya na tumakbo sa pagka-VP, pero tumakbo at nakipag-tandem kay Presidential candidate, Sen. Manny Pacquiao, boom!
◘◘◘
DAHIL PANAHON NA NG ELEKSIYON, DEDMA NA LANG ANG DUTERTE GOV'T. SA DAMI NG TINATAMAAN AT NAMAMATAY SA COVID-19--Kamakalawa ay 14,786 Pilipino ang nagka-COVID-19 at sa bilang na ito ay 164 ang pumanaw, pero sa kabila na marami pa rin ang tinamaan ng COVID-19 at namatay ay hindi na rito ang pokus ng Malacañang, kundi sa mga kandidato sa team Duterte.
Oks lang naman magpokus ang Malacañang sa kanilang mga kandidato dahil panahon naman ng eleksiyon ngayon, kaya lang ay dapat magpokus din sa laban sa COVID-19 kasi sila ang gobyerno, at hindi joke na marami pa rin ang tinatamaan at namamatay araw-araw sa COVID-19 sa Pilipinas.
Nakalulungkot isiping dahil eleksiyon ay parang dedma na lang sa Duterte gov't. ang maraming tinatamaan at namamatay sa virus araw-araw sa 'Pinas, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
SARA-BONG PALA ANG GUSTO NI P-DUTERTE, AYAW SA SARA-BONGBONG--Binash ng mga Marcos loyalist si P-Duterte sa statement nitong ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte ang katandem sa pagka-pangulo ni Sen. Bong Go na nag-file na kamakalawa ng kandidatura para sa pagka-VP ng PDP-Laban.
Magagalit talaga ang mga Marcos loyalists kasi pinaasa nila si former Sen. Bongbong Marcos na makakatandem nito si Mayor Sara, tapos inilaglag lang dahil ang gusto pala ng pangulo ay "Sara-Bong" at hindi "Sara-Bongbong", boom!
◘◘◘
ISTAYL NG MGA DUTERTE, AYAW KUNWARI MAUPO SA MALACAÑANG, PERO ANG TOTOO GUSTUNG-GUSTO NAMAN--Bagama’t nag-file na ulit ng kandidatura sa pagka-alkalde ng Davao City si Mayor Sara ay puwede pa rin nitong i-withdraw ang kanyang kandidatura for re-electionist sa pagka-mayor ng lungsod kasi kung inyong matatandaan ay ganyan din ang ginawa noon ni P-Duterte, na aayaw-ayaw kunwari na tumakbo sa pagka-pangulo, pero nang pagsapit ng October 2015 ay nag-file siya ng candidacy for mayor ng Davao City, pero pagsapit ng November 2015, sa last day ng filing ng substitution ng mga kandidato ay nag-withdraw siya for mayor ng lungsod at nag-file ng kandidatura sa pagka-pangulo ng Pilipinas.
'Ika nga, style talaga ng mga Duterte 'yan, ayaw kunwari maupo sa trono sa Malacañang, pero ang totoo ay gusto naman talaga, period!