ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 12, 2021
HINDI LANG NAPAGBIGYANG ITIGIL ANG IMBESTIGASYON NG KOMITE NI GORDON SA MGA NANG-SCAM SA PERA NG BAYAN, RED CROSS NA ANG NIRERESBAKAN NI P-DUTERTE—Hindi lang pinagbigyan ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang pakiusap ni P-Duterte na itigil ang imbestigasyon sa nabulgar na sabwatan ng mga taga-Davao na nakatalaga sa PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management) at Pharmally Inc. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan na may konek kay Yang Hong Ming, aka “Michael Yang” sa overpriced na pagbili ng mga facemask, face shield, PPEs (Personal Protective Equipments) at iba pang medical supplies, ang pinagdidiskitahan ngayon ng pangulo ay ang Philippine Red Cross (PRC).
Sa tema kasi ng mga salita ni P-Duterte ay parang pinalalabas nitong may katiwaliang ginagawa ang Red Cross sa pondong ibinibigay dito ng pamahalaan, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
TAMA ANG SINABI NI GORDON, DAPAT MAMAMAYAN ANG PROTEKTAHAN NG PANGULO AT HINDI ANG MGA SANGKOT SA SCAM—Sinabihan ni Sen. Gordon si P-Duterte na bilang pangulo ng Pilipinas, ang dapat protektahan nito ay ang mamamayan at hindi ang “Davao Group”, Pharmally at si Michael Yang.
Dahil sa sinabing ‘yan ni Gordon, lalo pang nag-init si P-Duterte sa Red Cross, at pinasusumite sa Malacañang ang audit report sa mga naitulong ng gobyerno sa PRC kasi kung hindi ay ipatitigil niya ang pagbibigay-suporta sa NGO (non-governmental organization) na ito.
Mantakin n’yo, mainam ang sinabi ni Gordon kasi dapat lang talagang mamamayan ang protektahan ng pangulo, at hindi ang mga nanindikato sa pera ng bayan, tapos para lang makaganti sa senador na nag-iimbestiga sa “Davao Group”, Pharmally at kay Michael Yang ay pinagpaplanuhan ni P-Duterte na itigil ang suporta sa Red Cross, boom!
◘◘◘
KAPAG ITINIGIL NI P-DUTERTE ANG PAGSUPORTA SA RED CROSS, SA KANYA ITO MAGBU-BOOMERANG—Matapos itatag ang Red Cross ay todo-suporta na ang mga naging pangulo ng Pilipinas dahil malaki ang naitutulong nito sa mamamayang nangangailangan ng dugo at sa mga biktima ng giyera, kalamidad at maging sa panahon ng pandemya.
Kaya kung sinuman ang nagsusulsol kay P-Duterte na itigil na ang pagbibigay-suporta ng gobyerno sa Red Cross ay mali ‘yan kasi kapag ginawa ‘yan ng pangulo ay tiyak sa kanya ito magbu-boomerang, tiyak na puputaktihin na naman ng batikos ang pangulo, period!