ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 14, 2021
SA PANAHON NG KRISIS, NAGAWA PA NI P-DUTERTE NA MANADYA AT MAGPABANDYING-BANDYING SA MALACAÑANG—Sinabi ni P-Duterte na sinadya niyang hindi magpakita ng personal sa publiko at ipa-post sa social media na nagdya-jogging, nagmo-motor at naggo-golf lang siya sa Malacañang dahil sa inis niya sa mga kritikong kumukuwestiyon sa lagay ng kanyang kalusugan.
Ganun? Sa panahon ng krisis, sa dami ng tinatamaan at namamatay sa COVID-19, sa dami ng nagugutom at pinasok na ng China ang teritoryo ng Pilipinas, nagawa pa niyang ibidang ayaw niyang magpakita sa taumbayan dahil lang sa inis sa mga kritiko, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
IMBES NA PANGUNAHAN ANG PAGTABOY, TILA OKS LANG SA AFP CHIEF NA MAY 28 CHINESE SHIPS PA SA DAGAT NG ‘PINAS—Ayon kay AFP (Armed Forces of the Philippines) Chief Gen. Cirilito Sobejana, mula sa dating 220 barko ng China na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas sa Julian Felipe Reef, 28 na Chinese ships na lang ang nananatili sa karagatang sakop ng ating bansa.
Pambihirang AFP chief ‘to, imbes na magpalabas ng matapang na statement na nagpapaalis sa mga barko ng China na nasa teritoryo ng Pilipinas, tila pinalalabas pa nitong 28 na lang ang barko ng China na nasa dagat ng Pilipinas kaya okay lang manatili ang mga ito sa Julian Felipe Reef, pwe!
◘◘◘
TAAS-SINGIL NG MERALCO, PRESYO NG KARNE NG BABOY AT CHARGE SA ATM, APRUB SA DUTERTE GOV’T.—Matapos magtaas-singil sa kuryente, nagtaas na naman ang presyo ng karne ng baboy at kasunod niyan ang pagtaas din ng charge sa ATM (Automated Teller Machines) withdrawal at balance inquiry fee ng mga bangko.
Hay naku, imbes na gumawa ng paraan ang Duterte gov’t. para wala munang taas-singil sa kuryente, presyo ng karne ng baboy at charge sa ATM dahil panahon ngayon ng krisis, nagawa pa niyang aprubahan ang mga dagdag-pahirap sa mamamayan, buwisit!
◘◘◘
SUWERTE NG MGA TRAPO KASI INAPRUB NI P-DUTERTE NA MAGKAROON NG DAGDAG 2 CONG. SA RIZAL PROVINCE—Inaprub na ni P-Duterte na hatiin sa tatlong distrito ang 2nd district ng Rizal province, at dahil d’yan, ‘yung dating isang congressman lang ay magkakaroon na ng tatlong kongresista.
Suwerte talaga ang mga trapo (traditional politician) sa Duterte gov’t. kasi may madaragdagan na naman sa kanilang hanay, pero ang malas ang mamamayan, dahil may dalawang kongresista na naman silang pasusuwelduhin, pwe!