ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 24, 2021
IMBES NA ANG PAGTAKBONG PANGULO NI YORME ISKO ANG MAG-TRENDING, “LABAN LENI LABAN” ANG PINAG-USAPAN—Matapos magdeklara si Manila Mayor Isko Moreno nang pagtakbo niya sa pagka-pangulo sa halalang 2022 ay nag-trending sa social media ang #LabanLeniLaban na panawagan ng mga netizens kay Vice-Pres. Leni Robredo na kumandidatong pangulo.
Hindi man aminin, tiyak na asar-talo si Yorme sa isyung ito kasi ang inaasahan niyang magte-trending sa social media ay ang suporta ng netizens sa pagtakbo niyang pangulo, pero hindi kasi ang nag-trending ay ang #LabanLeniLaban, period!
◘◘◘
HINAYAAN PA MUNA NI P-DUTERTE NA MAGKAMAL ANG PHARMALLY SA OVERPRICED NA PPEs BAGO IN-APRUB ANG PAGLIMITA SA PAGGAMIT NG FACE SHIELD—Inaprub na ni P-Duterte ang paglimita sa paggamit ng face shield, na ibig sabihin ay puwede nang lumabas ng bahay ang mga tao ng walang suot na face shield.
Hay naku, talagang hinayaan pa muna ni P-Duterte na magkamal sa kaban ng bayan ang Pharmally Inc. na may konek kay Yang Hong Ming, aka Michael Yang, na nagbenta sa PS-DBM (Procurement Service-Dept, Budget and Management) ng mga overpriced na face shield, bago pinayagan ang mga tao na puwede nang gumala kahit walang face shield, buwisit!
◘◘◘
WALANG NAKASAAD SA BAYANIHAN ACT 1 NA PUWEDENG MAKIPAGTRANSAKSIYON ANG DUTERTE GOV’T. SA KUMPANYANG PAG-AARI NG MGA WANTED—Ang palusot ni former Usec. Christopher Lloyd Lao ng PS-DBM, na kaya nilang inaprub na ibigay ang kontratang P8.7 bilyong pambili ng facemask, face shield at PPEs (Personal Protective Equipment) sa Pharmally ay dahil ang nakasaad sa Bayanihan Act 1 na sa panahon ng emergency ay puwedeng pumasok ang gobyerno sa transaksiyon nang walang bidding.
Korek! ‘Yan nga nakasaad sa “Bayanihan Act 1”, pero walang nakasaad sa batas na ‘yan (Bayanihan Act 1) na puwedeng makipagtransaksiyon ang pamahalaan sa Pharmally na pagmamay-ari ng mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud at estafa, period!

