top of page
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | February 19, 2022



Idadahan-dahan ng gobyerno ang paglagay sa Alert Level 1 ang buong bansa sa kabila ng pag-alala ng mga doktor sa tila minamadaling kilos na maging normal na lahat.


Ganun na nga ang mangyayari. Dapat matuto na tayong mabuhay kasama ang COVID-19. Magiging parang dengue at flu na ‘yan, kung sakali. Huwag lang magkaroon ng bagong variant na mas peligroso sa nakikita nating omicron ngayon.


Ito na nga ang ginagawa ng maraming bansa. Mukhang tanggap na hindi mawawala ang COVID-19, kaya ibinabalik na sa normal ang kanilang mga buhay. Hindi na kailangan magsuot ng facemask o magpakita ng katunayan na bakunado kapag pumapasok sa mga tindahan at kainan.


Sa atin nga ay tila nagiging normal na. Dahil inilagay na sa Alert Level 2, mas maraming tao na naman ang nasa labas. Bumalik na rin ang trapik. Isama na rin natin ang pangangampanya ng mga kandidato na hindi masundan ang distancing, may mga walang suot na facemask pa. Ito ang ikinababahala ng mga doktor. Medyo nakapahinga mga frontliners ngayon kaya nababahala kung sumipa na naman ang mga positibong kaso.


Ayon sa DOH, ang obligasyon sa pagsuot ng facemask ang huling tatanggalin sa pagtungo sa bagong normal. Pero nasa atin na rin iyon kung nais pang magsuot o hindi kapag dumating ang panahon. Ang iginigiit ng DOH ay ang patuloy na pagbabakuna sa lahat. Mahalaga ang bakunado sa labang ito. Kung nais maging normal ang buhay, mas mabuti kung karamihan ay bakunado at may booster pa.


Ayon nga sa pagsusuri, ang bisa ng Pfizer at Moderna na booster ay nababawasan sa loob ng apat na buwan. Pinatunayan ng COVID-19 na hindi pa rin ito dapat maliitin.


Wala pang abiso kung kinakailangan muli ng isa pang tusok, pero nakikita natin na baka ganito na ang mangyari habang wala pang mas mabisang bakuna laban sa COVID-19.


Mahalaga na marami pa rin ang mabakunahan dahil sa mga hindi bakunado nagmumula ang mga variant. Ang Africa ay nasa 12% pa lang ang kompleto ang bakuna habang 5% ang may unang dose. Dito na dapat ang focus ng WHO pati na rin ng mga bansang nakalikha ng bakuna.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | February 07, 2022



“The worst is over” na sa karamihang bahagi ng bansa.


Ito ay ayon kay Guido David ng OCTA Research. Sinita niya ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19. Kaugnay ito ng paglagay ng National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Alert Level 2. Kasabay nito’y nagpaalala siya sa publiko na patuloy na mag-ingat at sumunod pa rin sa minimum health protocols. Matapos ang mahigit dalawang taon sa pandemya, hindi na ‘yan kailangang ipaalala.


Sa katunayan, ang nagdulot ng kamakailang pagtaas sa mga kaso ay hindi lamang dahil sa Omicron variant, kundi ang selebrasyon ng nagdaang Kapaskuhan. Nakaramdam ng normalidad ang mamamayan pagkatapos ng ilang buwan na maghigpit na lockdown.


Nagdagsaan ang mga tao sa mall at iba pang establisimyento. Hindi natin masisisi ang mga tao sa pagnanais na makaramdam at mamuhay ng normal, ngunit napatunayan ng COVID-19 na isa pa rin itong virus na hindi puwedeng isantabi na lang.


Inalis ng gobyerno kamakailan ang quarantine para sa mga dayuhang papasok ng bansa na kumpleto ang bakuna, bilang pang-akit sa mga turistang nais bumisita. Ang Boracay Island ay nagbubukas na rin sa mga lokal at dayuhang turistang nabakunahan at may negatibong RT-PCR test. Sinisikap ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang magagawa upang muling mabuhay ang turismo.


Tulad ng nabanggit natin noon, sinasabi ng mga siyentipiko na hangga’t ang malaking bahagi ng populasyon ng mundo ay nananatiling walang bakuna, malaki pa rin ang posibilidad ng pag-mutate ang COVID-19. Patuloy na pinag-aaralan ng mga parmasyutiko ang mga variant at sinusubukan ang kanilang makakaya na hindi masapawan ang mundo.


Ang mga darating na linggo ang magsasabi kung mas maganda na ang sitwasyon. Para naman sa “the worst is over”, hindi tayo sigurado riyan. Maaaring paulit-ulit lang ang pagluwag at paghigpit – depende sa COVID-19.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 27, 2022



Nahuli ang isang Chinese businessman sa pagbebenta ng mga ipinuslit na antigen test kits online.


Wala siyang kahit anong permit o clearance mula sa kinauukulang ahensiya para magbenta nito.


Samatala, nahuli na rin ang limang tao na nasa likod umano ng pag-hack sa higit 700 BDO accounts, kamakailan. Ang dalawa ay Nigerian nationals na nagbigay ng kagamitan o kanilang paraan upang mailabas ang mga ninakaw na pera, habang ang tatlo nama’y mga Pinoy na bihasa rin sa computer. Pinag-aralan umano ng mga ito ang ginawang pag-hack sa ibang bansa hanggang sa nakuha na itong gawin sa Pilipinas.


Maraming aspeto ang mga krimeng ito. Una, napag-aaralan na ang krimeng nagawa sa ibang bansa sa pamamagitan ng internet at nagagawa na rin sa bansa. Pangalawa, kabataan na ang delikadong kriminal ngayon, dahil sa kanilang kaalaman sa lahat ng bagay na may kinalaman sa computer at teknolohiya. Hindi na lubusang ligtas ang pera natin mula sa mga kriminal na ito.


Isang pagkakamali lang ay limas na ang bangko mo. At pangatlo, tila gustung-gusto ng mga dayuhang may kriminal na intensiyon ang Pilipinas.


Dahil ba maraming malugod na pumapayag maging kasabwat sa krimen, dahil ba madaling manuhol ng mga awtoridad o dahil mahina ang sistema ng bansa pagdating sa proteksiyon at seguridad kontra sa mga hi-tech na kriminal?


Sa totoo lang, ilang beses na may nahuhuli ang mga awtoridad na Nigerian at Chinese nationals na sangkot sa krimen. Kung hindi ilegal na droga, pagnanakaw ng pera o pagbebenta ng ilegal na kagamitan. Kung ano ang pangangailangan ng bansa, tulad ng nahuling nagbebenta ng mga antigen test kits, agad pinagsasamantalahan ng mga dayuhan.


Pero ang tanong, bakit nakalulusot ang mga antigen tests sa Bureau of Customs (BOC) kung sinasabi nilang mahigpit sila? Sa lahat pa ng bagay ay antigen test kits talaga?


Hindi ba kinuwestiyon ng BOC kung sino ang nagpapasok nito? Hindi ba’t maraming dokumento ang kailangan bago magpasok ng mga bagay-medikal? Kaya hindi nawawala sa isip ng lahat na maraming “kababalaghan” ang nagaganap sa BOC, komporme kung sino ang nakaupo sa Palasyo.


Parang hindi nawawala ang korupsiyon sa ahensiya, kaya napakadaling magpasok ng kahit ano basta’t may “koneksiyon” na sa loob. Papayagang mailabas ang mga kontrabando at bibigyan ng palugit para makuha ng mga kawatan bago salakayin at hulihin. Kung mahuli, “sorry” na lang.


Ganun, kung hindi ay “sorry” na lang din ang taumbayan?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page