top of page
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 22, 2022



Hindi nakapagtataka na nagdulot ng kalituhan ang unang araw ng pagpapatupad ng “no vaxx, no ride policy” sa mga pampublikong sasakyan. Ito ay polisiya, kung saan kumpletong bakunado lamang ang papayagang sumakay. Kaya siyempre, nagulat ‘yung mga hindi pa nababakunahan o kaya’y nakatanggap pa lang ng isang bakuna nang hindi sila pasakayin sa mga pampublikong sasakyan. Natural, may mga nangatwiran na hindi nila alam ang patakarang ‘yan. May mga nagalit at sinabing pinag-iinitan ng gobyerno ang mga hindi pa o ayaw magpabakuna.


Hindi lang ‘yan kalbaryo sa mga hindi bakunado, kundi dagdag-trabaho rin sa drayber ng mga sasakyan. Kailangan pa nilang makita muna ang mga vaccination cards bago magpasakay ng pasahero. Pero panigurado, hindi naman natse-check ‘yan nang mabuti ng drayber, lalo na kung tunay ang vaccination card o peke. Kaugnay kasi ito na talamak na ngayon ang pekeng vaccination card.


Ngayon, nilinaw ng gobyerno na ang mga manggagawa ay hindi na sakop ng “no vax, no ride policy”. ‘Yan na naman ang gobyerno, pabagu-bago ng isip, urong-sulong sa mga desisyon.


Samantala, hindi rin aarestuhin ng PNP ang mga hindi pa bakunado, pero pagsasabihan ang mga ito na manatili na lang sa kanilang tahanan.


Sa totoo lang, mas maganda talagang magpabakuna agad. Iba na ang panahon ngayon. Wala pang indikasyon na mawawala o magtatapos ang pandemya, kaya mabuti na rin at may proteksiyon.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 10, 2022



Nagbigay-babala ang Department of Health hinggil sa inilabas na pahayag ni OCTA research fellow at molecular biologist Fr. Nicanor Austriaco na ang Omicron variant ay maaaring simula ng katapusan ng pandemya.


“Gusto lang naming iparating sa ating mga kababayan na dapat naiintindihan natin ang sitwasyon ngayon. Mas maraming infections, mas maraming tsansa ng virus na magkaroon ng replication — which is their cycle — at nakakapag-reproduce sila,” ayon kay Health Undersecretary at tagapagsalita Maria Rosario Vergeire.


Samantala, hindi pa alam kung may bagong variant na lalabas dahil sa patuloy na mutation ng virus. Iginiit din ni Dr. Edsel Salvana, miyembro ng DOH Technical Advisory Group (TAG) at director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology at the National Institutes of Health at the University of the Philippines – Manila, na hindi bakuna ang Omicron variant. Hindi ito puwedeng ihambing sa bakuna na ligtas sa tao kontra sa COVID-19.


Kaugnay nito, naglabas na ng pahayag ang WHO na hindi puwedeng ituring na “mild” ang Omicron variant, kaya hindi puwedeng magpahawa na lang para magkaroon ng natural immunity. Hindi natin alam kung ano ang epekto ng COVID-19. Tandaan, nand’yan pa rin ang mas peligrosong Delta variant.


Gayunman, muling iginiit na hindi puwede magpakampante. Sa tingin natin, ‘yan ang naganap nitong Kapaskuhan. Nag-Alert Level 2, bumaba ang mga kaso, kaya tila nagbalik-normal ang buhay. Pero ginulat tayo ng biglaan at mabilis na pagsipa ng bilang ng kaso ng COVID-19, tulad noong Sabado, nasa 26,458 na ang bilang nito.


Maiksing panahon lang ang naipahinga ng ating mga medical frontliners dahil mabilis na namang napupuno na ang mga ospital ngayon. Ang masaklap, marami na rin sa kanila ang nagpositibo–ang positivity rate ay nasa 43.7% na.


Kaya sa mga hindi na nagsusuot ng facemask o hindi ito isinusuot nang maayos, mag-isip-isip na kayo. Kung akala ninyo ay hindi na kakapitan ng COVID-19 dahil bakunado kayo’t may booster, ‘yan ang inyong pagkakamali.


Walang problema sa pagbabakuna pero hindi ito garantiya na hindi mahahawa.


Ang maibibigay lang nito ay proteksiyon mula sa seryosong sintomas ng COVID-19. Pero ang perwisyo ay nand’yan pa rin.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 11, 2021



Magkakasunod ang magagandang balita na natatanggap natin bago pa tuluyang matapos ang taon.


Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, 23 mataong siyudad sa bansa ang mayroon nang herd immunity, kung saan 70 porsiyento o higit pa ng kanilang populasyon ay kompleto na ang bakuna kontra COVID-19.


Ilang araw na ring mababa ang kaso ng COVID-19, hindi tulad noon na inaabot ng libu-libo ang positibong kaso nito sa bansa kada araw.


Ayon pa sa OCTA Research, “very low risk” na rin ang COVID-19 sa Metro Manila.


Samantala, noong Nobyembre, iniulat ng gobyerno na nasa 94 porsiyento ng populasyon ng Metro Manila ay kompleto na ang bakuna, kung saan milyun-milyon ang nabakunahan sa tatlong araw ng pambansang pabakuna na isinagawa ng gobyerno.


Pero sa kabila ng magagandang balita, walong Pinoy na mula South Africa ang tila sinadyang magbigay ng maling impormasyon nang sa gayun ay hindi sila mahanap o ma-contact ng kinauukulan.


Bagama’t nahanap ang isa, pito pa ang hindi mahanap. Marahil, iniiwasan ng mga ito na ma-quarantine. Pero sa anumang dahilan, napaka-iresponsable naman ng dahilang ito.


Kaugnay nito ay pinag-aaralan na kung kakasuhan ng kriminal ang walong manlalakbay kapag napatunayang nagbigay nga sila ng maling impormasyon sa gobyerno. Hiling lamang natin na wala sana silang dalang Omicron variant.


Isa pa sa mabuting balita na natatanggap natin ngayon, hindi umano malubha ang impeksiyong dulot ng Omicron kumpara sa Delta, kung saan ang mga bakuna ay malaki ang chance na hindi madale o lubhang maapektuhan nito.


Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 2 pa rin ang Metro Manila hanggang Disyembre 15.


Bagama’t mas maluwag na, dapat pa rin tayong mag-ingat. Anuman ang level alert ay hindi pa rin dapat nawawala ang pagsusuot ng facemask, regular na paghuhugas ng mga kamay, pag-inom ng mga vitamins, pag-iwas sa mataong lugar at hindi paglabas ng bahay kung hindi kailangan o wala namang importanteng pupuntahan. Tandaan, hindi pa lubusang nawala ang COVID-19 sa buong mundo at milyun-milyon pa rin ang hindi nababakunahan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page