top of page
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | May 3, 2022


Noong Biyernes, nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya dapat ipinangako na kaya niyang tapusin ang problema ng ilegal na droga ng bansa sa loob ng anim na buwan.


“Hubris” o kayabangan lang daw iyon at bahagi ng pangangampanya. Malinaw na ilang linggo na lang ang natitira sa kanyang termino bilang pangulo ng bansa ay laganap pa rin ang ilegal na droga.


Kaya para sa mga bumoto sa kanya dahil naniwala sa pangako niyang ito, ‘yan ang sagot sa inyo.


Matatandaang tinawag din niyang mga “stupid” ang mga naniwala sa kanyang pahayag na sasakay ng jet ski patungo sa mga isla natin sa West Philippine Sea (WPS) at magtatanim ng ating bandila.


Ngayon, panahon muli ng pangangampanya kaya ilang mga pangako ang ipinahayag ng mga kandidato. Ito ang dahilan kung bakit dapat pinag-aaralan nang husto ng mga botante ang lahat ng pahayag ng mga kandidato at kung talagang kakayanin ang mga ito.


Isantabi na ang mga “palamuti” at makinig sa mga sinasabi. Ito nga ang dahilan kung bakit mahalaga ang mga debate, para makita kung paano mag-isip, gumawa ng plano, sumagot sa mga mahihirap na tanong lalo na sa mga isyu ng bansa tulad ng soberanya sa WPS, korupsiyon at iba pa.


Ang hindi pagdalo ng kandidato sa mga debate ay malaking rebelasyon ng kandidatong ‘yan. Umiiwas ba sa mga mahihirap na tanong partikular sa kanyang pamilya, hindi bayad na buwis at iba pa?


At dahil ilang linggo na lang sa termino ni Pangulong Duterte, may mga kapansin-pansin na nagaganap sa kaso ni Sen. Leila de Lima. Tatlong dating tumestigo laban sa senadora ay binabawi na ang mga ipinahayag na isinasangkot si De Lima sa ilegal na droga. Pressure, pamimilit at pananakot laban sa kanya at sa kanilang pamilya raw ang ginawa para magpahayag sila laban kay De Lima.


Sina Ronnie Dayan na dating drayber ni De Lima, Kerwin Espinosa, isang kilalang drug lord at dating officer in charge sa Bureau of Corrections Rafael Ragos ang mga binawi na ang kanilang pahayag. Dahil magtatapos na ba ang termino ni Pangulong Duterte? Hindi ba ibinigay ang mga ipinangako para sa kani-kanilang testimonya? Ilang tumestigo rin laban sa senador ang namatay na tulad nina Jaybee Sebastian at Vicente Sy. Pero ayon sa Palasyo, wala raw epekto ang lahat ng ito sa natitirang dalawang kaso laban kay De Lima.


May lalantad pa kaya at babawiin din ang testimonya laban kay De Lima? Ito ang inaasahan ng abogado ni De Lima.


Kung ano ang magiging takbo ng mga kaso laban kay De Lima at kung sino-sino pang mga kilalang kritiko ni Pangulong Duterte kapag may bagong administrasyon ay hindi pa masasabi.

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | March 21, 2022


Kung bumababa ang bilang ng mga kaso natin sa bansa, iba naman ang nangyayari sa iba.


Sa China, naiulat ang unang dalawang namatay dahil sa COVID-19 sa loob ng isang taon. Wala na nga ang China sa listahan ng mga bansang mataas ang bilang ng COVID cases pero nagkaroon ng surge o pagtaas kamakailan sa ilang lugar.


Sa South Korea, nasa 300,000 hangang 400,000 ang bilang ng mga positibong kaso.


Sa Hong Kong kung saan maliit lang ang populasyon kasama ang mga kababayan nating nagtatrabaho roon, nasa 10,000 hanggang 20,000 ang kaso. Sa Vietnam, nasa higit 100,000 ang kaso sa dalawang magkasunod na araw. Sa Japan, Malaysia at Thailand, pawang nasa mahigit 20,000.


Ang Singapore na unang nagpahayag na halos wala na silang kaso dahil mataas ang porsyento ng nabakunahan ay nasa higit 10,000.


Sa Europe, hindi rin maganda ang sitwasyon. Sa France, kulang-kulang 100,000 habang sa Germany, nasa 100,000 hanggang 200,000 ang kaso. Mataas din ang bilang sa Netherlands, Italy at Greece. Nagbabala na nga ang World Health Organization (WHO) na ang nakikita ngayon ay “tip of the iceberg” pa lang. Ibig sabihin, nagsisimula pa lang ang pagkalat ng COVID at maaaring sumama pa.


Sa tingin ko, may kinalaman ang pagtanggal na ng obligasyong magsuot ng face mask o magpakita ng katunayan na bakunado kapag nasa labas na. Hindi na rin naipatutupad ang physical distancing kaya nagdadagsaan na ang tao kung saan-saan at hindi na sang-ayon sa anumang paghihigpit na nais ipatupad ng kani-kanilang gobyerno. Napagod na ang tao sa dalawang taong paghihigpit at tila tinanggap na na ang COVID ay hindi na mawawala kaya nais nang ibalik sa normal ang buhay.


Pero ang mahirap ay may mga namamatay pa rin.


Sa South Korea ang may pinakamataas na bilang ng namamatay sa Asya, nasa higit 300 sa dalawang magkasunod na araw.


Sa Europe, may mga bansa na daan-daan pa rin ang namamatay.


Kung tinatanggap ng maraming bansa na hindi na mawawala ang COVID sa buhay natin at matututo nang mabuhay kasama n’yan, sana siguraduhin din na malaking porsyento ng kani-kanilang populasyon ang nabakunahan na.


Bakuna pa rin ang magpipigil sa malulubhang kaso ng COVID na maaaring humantong sa kamatayan.


Nababahala nga ako at tila ngayon lang tayo bumabalik sa normal na buhay kasabay pa ang pangangampanya ng mga kandidato para sa darating na halalan. Marami ang mga dumadalo sa rally at hindi na talaga nasusunod ang social distancing at wala na ring magawa ang Comelec.


Sana, hindi tayo magaya sa ibang bansa na nagkakaroon muli ng

pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | March 14, 2022


Wala tayong matanggap na magandang balita sa ngayon. Magtataas na naman ang presyo ng gasolina at diesel.


May babala rin na kung hindi titigil ang pagtaas ng presyo ng langis sa mundo, aabot sa P100/litro ang gasolina o diesel.


Nagpahayag naman ang Amerika na hindi na sila bibili ng langis sa Russia. Tila sumusunod na rin ang ibang bansa tulad ng UK bilang parusa sa Russia dahil sa kanilang pagsalakay sa Ukraine.


Kumontra naman si Russian President Vladimir Putin na kung hindi na sila makakabenta, aabot sa $300/bariles ang presyo ng langis.


Hindi pa natin maisip kung ano ang epekto nito sa mundo pero siguradong hindi maganda.


Parang ganito ang mga kaganapan na nagpasiklab sa malawakang digmaan.


Nagpahayag naman ang United Arab Emirates na magdaragdag sila ng produksyon ng langis kada araw para makatulong sa krisis at hihikayatin ang OPEC (Organization of the Petroleum Exporting Countries) na sumunod.


Ang OPEC ang pinakamalaking grupo ng mga bansang may langis at sila ang may kontrol kung magdaragdag o magbabawas ng output ng langis. Kumbaga, sila ang may hawak ng gripo kung palalakasin o hihinaan. Natural, kapag hininaan at malaki ang pangangailangan ng mundo, tataas ang presyo.


Itong nakaraang dalawang taon ay bumagsak nang husto ang presyo ng langis dahil sa pandemya. Pero ngayong tila unti-unting bumabalik na sa normal, nais nilang makabawi. Para namang naghirap ang mga bilyonaryong ‘to sa nakaraang dalawang taon.


Kaya lang ang problema ay kasama ang Russia sa tinatawag na OPEC+ at may kasunduan sila sa unti-unting dagdag lang sa output ng langis para makontrol ang presyo.


Dapat ay makumbinse ang ibang miyembro ng OPEC tulad ng Saudi Arabia na magdagdag ng output para bumagsak nang bahagya ang presyo ng langis.


Ito ang pinakamagandang argumento kung bakit kailangang maghanap ng alternatibong pagmumulan ng enerhiya para sa tao. Mahirap na umasa na lang sa langis dapat nang bigyang pansin ang mga renewable energy sources — kuryente mula sa mga plantang hydroelectric at mula sa araw at hangin.


Mahirap umasa sa mga bansang hindi magdadalawang-isip na pahirapan ang mundo sa pamamagitan ng pagdadamot ng langis para lang mas yumaman pa. At kung masimulan na sana ang paghanap ng langis o anumang pagmumulan ng enerhiya sa bahagi ng South China Sea, simulan na. ‘Pag naunahan tayo ng China, sayang na naman ang oportunidad.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page